Inday TrendingInday Trending
Tinakbuhan Niya ang Ina nang Matagal na Panahon; Ito pa pala ang Makakatulong sa Kaniya na Lumaya Mula sa Mapait na Kahapon

Tinakbuhan Niya ang Ina nang Matagal na Panahon; Ito pa pala ang Makakatulong sa Kaniya na Lumaya Mula sa Mapait na Kahapon

“Kuya John, kumusta diyan sa Dubai?” bungad ng kapatid niya na si Leon. Kasalukuyan silang naka-video call.

Ngumiti siya rito bago sumagot.

“Maganda naman!” aniya sa maligayang tono.

“Mas maganda pa rin diyan sa Pilipinas,” gusto niya pa sanang idagdag, subalit nananatiling tikom ang kaniyang bibig. Ayaw niya nang magtanong ito.

May katotohanan naman iyon, kung pwede lang ay mas gugustuhin niya na manatili ngunit mas maganda ang oportunidad dito at dahil na rin hindi niya alam kung paano haharapin ang kaniyang ina matapos mawala ang kanilang ama dahil sa kaniya.

“Sa susunod Kuya, isama mo ako diyan ha!” naiinggit na komento ng kapatid niya.

Tumango siya rito. “Oo naman, pero kailangan alagaan mo nang mabuti si Mama,” paalala niya pa sa kapatid.

Nanliit ang mata nito at tila alam na nito ang sasabihin.

“Bakit naman kasi kailangan mo pang umalis? Eh ‘di sana ay dalawa tayong nag-aalaga kay Mama dito,” nagtatampong paninisi ni Leon.

Bumuntong-hininga na lamang siya.

“Alam mo namang mas maganda magtrabaho dito. Mas malaki ang kita. Mas marami akong mapapadala na pera diyan.” Pilit siyang ngumiti sa kapatid.

Tumikhim lamang ang kapatid. Seryoso ang mukha nito bago ito nagsalita. “Hindi ako naniniwala sa dahilan mo, Kuya. Dalawang taon lang ang tanda mo sa akin at magkasabay tayong lumaki kaya kilalang kilala kita. Alam kong hindi lang ‘yan ang dahilan.”

Siya naman ang natahimik hanggang sa tapusin na nila ang tawag.

Isang taon matapos mawala ang kanilang ama nang magdesisyon siya na lumipad sa Dubai.

Hindi niya na kaya pa na makita araw araw na umiiyak ang kaniyang ina at kahit na hindi nito sabihin sa kaniya ay aminado siya na kasalanan niya kung bakit maagang nawala sa kanila ang kaniyang ama.

Sariwa pa sa alaala niya ang gabing iyon. Malakas ang ulan kaya hindi siya makauwi galing sa trabaho. Tinawagan niya ang kaniyang ama dahil alam niyang mag-aalala ito sa kaniya.

Pinilit nitong susunduin siya nito kahit na tutol siya sa ideya. Sa huli ay wala din siyang nagawa kundi magpatianod sa kagustuhan nito.

Hindi ito nakarating upang sunduin siya. Wala siyang kamalay-malay na bumangga na pala ito sa poste at humampas nang malakas ang ulo na siyang kumitil sa buhay nito.

“Merry Christmas!”

Araw ng Pasko at muli ay magkausap sila ng kapatid na abala sa kusina. Pinanood niya ang mga ito mula sa screen. Mukhang maraming handa lalo pa’t sigurado siyang bibisita na naman ang iba nilang kamag-anak. Mabuti naman at mukhang magiging masaya ang kanilang ina kahit papaano.

“Kuya, anong handa mo diyan?” Huminto ito saglit na animo’y nag-iisip. “May Pasko ba diyan?” nakakunot noong pagkukumpirma nito.

Natawa siya sa kapatid bago tumango.

“Meron naman. Walang handa, kakauwi ko lang, eh. Heto, may manok akong nabili.”

Malayong malayo ito sa nakasanayan niya na halos umaapaw ang hapag tuwing Pasko.

“‘Yan lang kakainin mo? Kaya ka pala pumapayat!” pansin nito.

“Leon, ang Kuya John mo ba ‘yan? Kakausapin ko.” Mula sa malayo ay narinig niya ang boses ng kaniyang ina.

Nataranta agad siya.

“Sige, bye na. May gagawin pa ako, Leon. Merry Christmas sa inyo diyan!” nagmamadaling pinatay niya ang tawag.

Humiga siya sa kama at doon ay binagabag siya ng konsensiya sa ginawa. Anong magagawa niya? Hindi niya pa rin kayang harapin ang ina dahil hanggang ngayon ay sinisisi niya pa rin ang sarili sa nangyari.

Matuling lumipas ang mga araw at bago pa mamalayan ni John ay limang taon na pala siyang nagtatrabaho sa Dubai.

“Ang dami naman niyan! Padadala mo ‘yan lahat sa Pilipinas?” namimilog ang matang usisa ni Loreno sa kaniya, kapwa niya OFW, nang makita nito ang dalawang balikbayan box na pinuno niya ng mga pasalubong.

“Oo. Ayos ba?”

“Hindi ba kakapadala mo lang rin noong huling buwan? Aba’y ang saya siguro ng nanay mo dahil tiba tiba!” kantiyaw nito.

Ngumiti siya sa kasamahan. ‘Yun talaga ang gusto niya, ang matuwa ang kaniyang nanay dahil ginagawa niya ang lahat ng ito para makabawi rito.

“Hindi natutuwa si Mama na padala ka nang padala ha. Inuubos mo na raw yata ang lahat ng pera mo sa mga ‘to,” seryosong sinabi ng kapatid.

Bukod kasi sa mga balikbayan box ay padala rin siya nang padala ng pera.

“Ayaw niya nun, mabibili niya lahat ng gusto niya?” alanganing giit niya sa kapatid.

Ngumuso ang kapatid.

“Isa lang naman ang gusto ni Mama, Kuya. At alam mo ‘yan.”

Tama ito. Ang tinutukoy nito ay ang kagustuhan raw ng kaniyang ina na umuwi na siya. Hindi niya alam kung ayos na bang gawin niya nga iyon. Kung tunay nga bang ayos na ito at tanggap na ang malagim na nangyari.

“Kailan ka ba kasi uuwi?” tanong pa nito sa hindi niya na mabilang na pagkakataon.

“Hindi ko pa alam,” ang naging sagot niya. Kagaya rin ng naging sagot niya sa nakalipas na limang taon.

Dalawang taon pa ang matuling lumipas sa pagtatrabaho niya sa Dubai. Inabala niya ang kaniyang sarili kaya mabilis na lumipas ang panahon.

Ganoon pa rin ang kaniyang ginagawa, iniiwasan na makausap ang kaniyang ina sa abot ng kaniyang makakaya.

“Pare, cellphone mo. Naiwan mo ata sa CR, mabuti na lang at nakita ko kasi may tumatawag.” Inabot ni Loreno ang kaniyang cellphone.

Kumabog ang kaniyang dibdib nang makitang maraming missed call ang kapatid kaya agad niya itong tinawagan pabalik para malaman kung ano ang nangyari.

“Kuya! Buti naman at na-contact kita! Kanina pa ako tumatawag!” pasigaw na wika ng kaniyang kapatid. Hindi niya gusto ang tono nito.

“Nasa trabaho ako. Bakit?” kinakabahang usisa niya.

“Nasa ospital kami ngayon! Si Mama kasi, inatake sa puso!”

Parang bumalik sa kaniyang alaala ang tagpo noon, nang tawagan siya ng ina upang ibalita ang nangyari sa kaniyang ama. Hindi siya makapagsalita.

“Hinahanap ka niya, Kuya, umuwi ka na rito! Hinahanap ka ni Mama!” Tila maiiyak ang kaniyang kapatid sa kabilang linya.

Nanghihina siyang sumagot sa kapatid. “Oo, uuwi na ako.”

Bitibit ang kaniyang mga maleta ay tinakbo niya ang pamilyar na puting hallway ng ospital. Sinalubong siya nang mahigpit na yakap ng nakababatang kapatid.

“Anong nangyari?” agarang tanong niya sa kapatid.

Tinanaw niya ang ina mula sa salaming pintuan ng kwarto habang nagkukwento si Leon ng mga detalye. Alam niyang may sakit sa puso ang ina gunit hindi niya akalain na aatakihin ito lalo pa’t regular naman itong nagpapa-check up.

“Gising na siya!” pagbabalita ng doktor na kalalabas lang.

“Dok, anong nangyari? Maayos naman pong nakakainom at nakakapagpa-check up si Mama? Bakit siya inatake?” naguguluhang usisa ni John dito.

“Ikaw ba si John? Ang panganay na anak? Miss na miss ka na ng nanay mo,” sagot ng doktor sa kaniyang tanong.

Nagkatinginan ang magkapatid.

“Pwede na po bang pumasok?” tanong naman ng kaniyang kapatid.

Tumango ang doktor.

“‘Wag niyong bigyan ng sama ng loob ang nanay niyo. Hindi ‘yun makakabuti sa kaniya,” wika nito bago sila iniwan.

Muli silang nagkatinginan ng kapatid.

“Anak,” pagtawag ng kanilang ina sa paso nitong boses.

Nagtama ang mata nila ng ina. Doon pa lang ay nagkaintindihan na ang kanilang mga puso.

Hinawakan niya ang kamay nito at doon ay tuluyang bumuhos ang kaniyang luha dahil sa pagsisisi. Hindi niya kakayanin kung pati ito ay mawala sa kaniya.

“Sorry, ‘Ma! Patawad po! Hindi ko po ginusto ang nangyari kay Papa pero alam ko pong kasalanan ko. Kung hindi lang sana ako nagpasundo…”

Sa wakas ay nailabas niya rin ang bagay na pinagsisihan niya. Kay tagal niya iyong kinipkip at sinarili. Niyakap siya ng ina.

“Ano ka ba naman? Kahit na kailan ay hindi kita sinisi, anak. Iyon ba ang dahilan kaya ka lumayo nang pagkatagal tagal?” Bakas ang panghihinayang sa mata ng kaniyang ina.

Lumuluhang tumango siya.

“Diyos ko naman, anak! Bakit kita sisihin eh napakalinaw na aksidente ang nangyari? Patawad rin anak, kung naramdaman mong sinisisi kita. Wala kang kasalanan.”

Hilam sa luha siyang nag-angat ng tingin sa kaniyang ina. “Si Papa, ‘Ma. Nawala dahil sa akin.”

Umiling ito habang may luha na din sa mga mata. “Hindi iyon dahil sa iyo. Wala sa pamilyang ito ang sumisisi sa iyo dahil alam kong kahit ang papa mo ay alam na wala kang kasalanan kaya patawarin mo na rin ang sarili mo, anak,” pakiusap nito.

Niyakap siya nito nang mahigpit.

Tumango siya. Noon niya napagtanto na oras na nga para magpatawad. Hindi niya pala kailangan ang pagpapatawad ng ina. Ang kailangan niya palayain ang sarili mula sa konsensiya niyang binagabag siya nang matagal na panahon.

Hindi naging madali para kay John ang lumimot subalit tinulungan siya ng pamilya niya.

Hindi na siya muling umalis pa at namuhay nang walang dinadala sa kaniyang dibdib, kasama ang kaniyang pamilyang tunay na nakauunawa sa kaniya.

Advertisement