Inday TrendingInday Trending
Ginusto Niya nang Lumaya sa mga Responsibilidad; Isang Pangyayari ang Magtuturo sa Kaniya ng Importansiya ng Pamilya

Ginusto Niya nang Lumaya sa mga Responsibilidad; Isang Pangyayari ang Magtuturo sa Kaniya ng Importansiya ng Pamilya

Salubong ang kilay ni Ginny nang lumabas sa kaniyang kwarto. Sabado at day off niya, subalit hindi siya makatodo ng tulog dahil napakaingay sa loob ng bahay nila.

“Anak, bakit ang aga mo yatang nagising? Hindi ba’t wala ka namang pasok?” bungad ng kaniyang ina na kasalukuyang nagwawalis.

“‘Ma, hindi mo man lang sawayin ang mga bata, napakaingay! Paano ba naman ako makakapagpahinga niyan?” nag-aalborotong sagot niya sa ina.

“Naku anak, pasensiya na! Alam mo naman ‘yang mga kapatid mo, makukulit talaga,” komento ng ina bago nito nilapitan ang kambal na Leslie at Lester na nagsisigawan sa sala.

“Alam mo pala, kung kailan ako nagising saka ka magsasaway. Talaga naman!” bugnot na bulong niya habang naghahanap ng makakain.

Maya maya ay muling sumulpot ang kaniyang ina sa kusina.

“Anak, baka naman may extra kang pera diyan. Bayaran na kasi natin ng kuryente sa Lunes.”

Napabuntong hininga si Ginny. Wala naman kasi siyang ibang magagawa. Siya lang naman ang kumikita sa pamilya nila.

Marahil ay napansin ng kaniyang ina ang iritasyon sa kaniyang mukha. “A-anak, kung wala ka namang pera ay pwede naman akong manguta–”

“Mangungutang ka pa eh ako rin naman ang magbabayad nun. Mamaya bibigay ko ang pera, Mama,” mahinang wika niya sa ina.

“Salamat naman, anak!” natutuwang wika nito bago siya iniwan sa sala.

Pinigil na lamang ni Ginny ang inis na nadarama.

Simula kasi nang pumanaw ang kanilang ama ay siya na ang tumayong breadwinner ng kanilang pamilya.

Sa edad niyang bente singko ay halos lahat ng sweldo niya ay sa pamilya niya napupunta. Hindi man lamang siya makabili ng kahit na ano para sa sarili niya.

Noong una ay malaki ang pasasalamat niya na kahit wala na ang ama nila ay nakakaraos pa rin ang pamilya nila.

Ngunit nang tumagal ay hindi niya maiwasang magtampo.

Mahal niya ang pamilya subalit hindi niya maiwasang magdamdam. Nakikita niya kasi ang mga kaedaran niya na kasalukuyang nag-eenjoy sa mga buhay nito.

Mayroon ang mga itong magagandang gadget na hindi niya kayang bilhin.

Kung saan saang lugar na rin nakapunta ang mga ito. Mayroong meron nang magandang kotse at bahay. Mayroong mga may sarili nang pamilya.

Subalit siya, halos walang usad ang buhay.

Matamlay niyang tinapos ang pagkain bago siya pumunta sa sala upang manood ng TV.

Wala pang limang minuto siyang nanonood ay nangungulit na ang mga kapatid niya.

“Ate, wala ka pong pasok?” tanong ni Leslie.

“Ate, punta po tayong mall!” yakag naman ni Lester.

Hindi niya pinansin ang pangungulit ng dalawa.

“Ate!” magkasabay na sigaw ng dalawa niyang kapatid.

Tuluyan nang napatid ang pisi ng pasensiya ni Ginny.

“Ano ba kayong dalawa, ha? Kanina pa kayo! Hindi ako makatulog nang maayos dahil napakaingay niyo! Gusto niyong mag-mall? Puro na lang kayo gastos! Lahat na ng pera ko sa inyo na napunta!” gigil na sigaw niya sa dalawang kapatid.

Natameme naman ang dalawa, Si Leslie naman ay tila maiiyak pa. Hindi naman kasi sanay ang dalawa na nasisigawan.

“Sorry po, At–”

Hindi na niya pa tinapos ang sasabihin ni Leslie at nagdadabog na tumayo na siya at pumasok sa kaniyang kwarto.

Ibinagsak niya pa ang pinto upang ipaalam sa dalawang kapatid na galit siya.

Maghapon siyang nagkulong sa kwarto habang inaabala ang sarili sa pagtingin sa magagandang lugar sa internet.

Bandang alas sais ng hapon ng marinig niyang kumatok ang kaniyang ina sa kwarto.

“Anak, hapunan na. Maghapon ka na nagkukulong sa kwarto, hindi ka ba lalabas?” tanong nito.

“Ayoko, Mama. Wala akong gana,” payak na sagot niya sa ina.

Narinig niya ang pagbungtong hininga ng ina bago niya narinig ang papalayong yabag nito.

Kinuha ni Ginny ang larawan ng pamilya nila kasama ang ama.

“Papa, bakit naman po kasi iniwan mo kami nang maaga? Ako na lang tuloy ang inaasahan sa bahay. Bigat na bigat na ako sa mga responsiblidad, Papa,” naluluhang wika niya habang minamasdan ang ama sa larawan. Malawak ang ngiti nito.

“Gusto ko nang lumaya sa mga responsibilidad…”

Iyon ang huling nasa isip ni Ginny bago siya tuluyang ginupo ng antok.

Nagising si Ginny nang maalinsangan. Nagtaka siya lalo pa’t nalimutan niyang isara ang kaniyang bintana, dapat nga ay malamig.

Lumabas siya ng kwarto upang kumuha ng maiinom ngunit ganun na lamang ang gulat niya nang makitang nilalamon na ng apoy ang buo nilang kabahayan.

“Mama! Lester! Leslie!” takot niyang sigaw.

Sinubukan niyang suungin ang apoy upang pumunta sa kwarto ng ina at mga kapatid subalit kalat na kalat na ang apoy at nahihirapan na rin siyang huminga dahil sa kapal ng usok.

Umuubong napabalik siya sa kaniyang kwarto dahil naalala niya ang bukas na bintana.

Walang pagdadalawang-isip na tinalon niya ang bintana upang makalabas mula sa nasusunog nilang bahay.

Nang makalabas ay paika ika siyang pumunta sa harap ng kanilang bahay, hinahanap sa kumpol ng tao ang kaniyang ina at mga kapatid subalit bigo siya. Hindi niya makita ang mga ito.

Nagsisimula nang gumapang ang takot sa kaniyang dibdib. Akmang papasok siya sa bahay nang may lumabas na bumbero mula sa pinto ng kanilang bahay.

Halos panawan siya ng ulirat nang makitang inilabas ng mga bumbero mula sa bahay nila ang tatlong katawan na nakatakip ng puting tela.

Tila tatakasan ng ulirat si Ginny nang mapagtanto kung sino ang tatlong iyon.

“Hindi!” nagtititili na napalupasay na lamang si Ginny sa pagluluksa.

Oo, sinabi niya na gusto niya makalaya sa mga responsibilidad ngunit hindi sa ganitong paraan!

“Mama! Leslie! Lester! Sorry!” Walang ibang magawa si Ginny kundi magluksa sa trahedya na sinapit ng kaniyang pamilya habang minamasdan ang bahay na nilalamon ng apoy.

Hindi niya maiwasang hilingin na sana ay masamang panaginip lang ang lahat.

“Ginny!” Isang malakas na yugyog ang nagpabalik sa kaniya sa kasalukuyan.

Sinalubong siya ng nag-aalalang mukha ng ina. Katabi nito ang dalawang kapatid niya rin na balot ng takot ang mga mukha.

“Ano bang nangyayari sa’yo? Bakit ka nagsisisigaw? Nanaginip ka ba nang masama?” kunot noong tanong ng kaniyang ina habang pinupunasan nito ang noo niyang tagaktak ng pawis.

Nakahinga naman ng maluwag si Ginny. Isang panaginip lamang ang lahat! Hindi nawala sa kaniya ang kaniyang pamilya!

Niyakap niya nang mahigpit ang ina. Gayundin ang dalawang kapatid. Habang yakap ang mga ito ay isang salita lamang ang namutawi sa kaniyang labi: “sorry.”

Bagaman alam niyang naguguluhan ang pamilya sa inasal niya ay nakahinga siya nang maluwang nang yakapin siya pabalik ng mga ito.

Napagtanto ni Ginny na kahit pala napapagod siya sa pagdadala ng responsibilidad ay hinding hindi niya gugustuhin mawala ang pamilyang pinagkukunan niya ng lakas ng loob at rason para mabuhay.

Kinabukasan din ay maagang gumising si Ginny upang ipaghanda ng almusal ang kaniyang pamilya.

Niyaya niya ang mga ito na magsimba bilang pasasalamat sa Diyos sa patuloy nitong paggabay sa kanilang pamilya.

At tinupad niya ang hiling ng dalawang kapatid na magpunta sa mall.

“Ibibili ko kayo ng bagong sapatos!” panonorpresa niya sa mga kapatid.

“Yehey! The best ka talaga, Ate!” halos panabay na wika ng dalawa.

Habang namimili ang kaniyang mga kapatid ay nakangiti lamang na nagmamasid si Ginny. Hinding hindi niya ipagpapalit ang ganitong payak na kasiyahan sa kahit na anong materyal na bagay.

Maya maya ay naramdaman niya ang kamay ng kaniyang ina na hinawakan ang kaniyang kamay.

“Ginny, anak. Hindi ko ito araw araw nasasabi sa’yo pero napakaswerte namin sa’yo. Hindi mo naman kami dapat pang problemahin pero ikaw pa rin ang tumatayong padre de pamilya para sa amin,” wika ng kaniyang ina.

Tahimik na naluha si Ginny. Hindi siya makapaniwala na itinuring niyang pabigat ang mga taong pinagkukunan niya pala ng lakas,

“Wala kang dapat ipag-alala, Mama. Masaya ako na nariyan kayong pamilya ko,” emosyonal na wika ni Ginny.

Paminsan minsan ay napapagod pa rin si Ginny lalo na’t tao lamang siya at hindi perpekto. Subalit sa tuwing nakikita niya ang pamilya na masaya kapag naibibigay niya ang mga pangangailangan at gusto ng mga ito ay tila himalang nakakakuha siya ng ibayong lakas upang patuloy na lumaban sa mga hamon ng buhay.

Advertisement