Inday TrendingInday Trending
Hinusgahan Niya ang Ina Dahil sa Dating Trabaho Nito; Pahiya Siya nang Malaman ang Pinagkakaabalahan Nito

Hinusgahan Niya ang Ina Dahil sa Dating Trabaho Nito; Pahiya Siya nang Malaman ang Pinagkakaabalahan Nito

“Ikaw naman din kasi Emily, ‘di ka pa ba nasasanay sa mga sinasabi ng ibang tao? Ang tagal mo nang estudyante dito at pare-pareho lang naman ang naririnig mo,” inis na sambit ng kaibigan ni Emily na si Monica.

“Aray ko naman! Dahan dahan lang!” Agad na napadaing sa sakit si Emily nang idutdot ng kaniyang kaibigan ang bulak na may gamot sa sugat niya sa mukha.

Kasalukuyang ginagamot ng kaibigan ni Emily ang sugat sa kaniyang mukha dahil sa pakikipag-away.

Nakipagsabunutan na naman kasi siya sa kaniyang malditang kaklase.

“Nanggigigil talaga ako doon sa Maureen na ‘yun. Napakayabang at napakamaldita! Akala mo kung sino!” Muling nag-init ang ulo ni Emily ng maalala ang kinaiinisan niyang kaklase.

Hindi lang si Maureen ang kaniyang nakakaaway sa eskwelahan. Marami din siyang kaklase na palagi niyang nakakasagutan dahil sa paulit-ulit na rason: ang pagiging pr*stitute ng kaniyang ina noong kabataan nito.

Sa tuwing may nakakasagutan siya ay palaging binabanggit ng mga ito ang katotohanan na anak siya ng isang pr*stitute.

“Kaya nga dapat ay sanay ka na sa lagay na ito pero palagi ka pa ring nagpapaapekto at pumapatol sa kanila,” tunog nanay na pangaral ni Monica sa kaniya.

“Eto, tatapatin na kita. May dapat ka bang ikagalit pag sinasabi nilang pr*stitute ang nanay mo? Wala naman dapat, ‘di ba? Bakit? Una, totoo naman. Pangalawa, binuhay ka ng nanay mo sa paraang alam niya. Hindi siya nagnakaw o naging kr*minal. Ano bang pakialam nila?” nakapamewang na daldal ng kaibigan.

Hindi nakapagsalita si Emily. Totoo naman kasi ang sinabi nito.

“Nasa kolehiyo na kasi tayo pero hindi pa rin sila napapagod na ipanglaban sa akin ang bagay na ‘yun. Akala mo mga bata,” bulong ni Emily na parang bata habang nakanguso pa.

“Pare-pareho lang kayong parang mga bata,” muling tugon ni Monica habang tinatapos ang paggagamot kay Emily.

Sa loob ng napakaraming taon ng pag-aaral ni Emily ay dapat nga lang na sanay na siya sa panunukso ngunit iba pa rin ang sakit na nararamdaman niya kapag may umaapak sa pagkatao ng kaniyang ina.

Hindi man ganoon kaganda ang kanilang relasyon ay mahalaga pa rin sa kaniya ang kaniyang ina.

Nagagalit siya dito dahil sa kaniyang mga nararanasan sa eskwelahan ngunit agad niya ring naiisip na hindi dapat niya isipin iyon. Ang mahalaga ay makapagtapos siya at mabigyan ng marangal na buhay ang kaniyang ina.

“Minsan kasi ay sobra na ang kanilang mga sinasabi, hindi ko rin naman pwedeng palagpasin ang mga ‘yon,” pagpapaliwanag ni Emily.

“Alam ko. Kaunting pagtitiis na lang at makakaalis na tayo rito,” pag-aalo sa kaniya ng kaibigan habang tinatapik ang balikat niya.

Graduating na si Emily sa kolehiyo ngayong taon. Kaunting pagtitiis na lamang ang gagawin niya at pwede na siyang makatakas sa mga taong nakakaalam ng pinagmulan niya.

Binabalak si Emily na magtrabaho sa ibang bansa upang makalayo sa mga taong nakakakilala sa kaniya.

Hindi dahil sa ikinahihiya niya ang kaniyang ina ngunit upang magkaroon ng bagong buhay at kapaligiran.

“Tara na’t baka mahuli pa tayo,” pag-aaya ni Monica sa kanilang classroom.

Mabilis lamang na lumipas ang mga araw at sa wakas ay sumapit na ang araw ng graduation nila Emily.

Mataray niyang tiningnan si Maureen dahil nakangisi ito sa kaniya.

Kasama niya ang kaniyang ina na hapit na hapit ang damit na suot. Kitang kita tuloy ang kurba ng katawan nito na hindi nawala kahit na nagkaedad na ito.

Napairap na lamang siya ay binilisan ang paglakad dahil sa mapanghusgang tingin ng mga tao.

“Emily! Hintayin mo ako,” pagrereklamo ng kaniyang ina saka nagsimulang maglakad din ng mabilis at humabol sa kaniya.

“Graduation ‘to at hindi lugar para mag-model,” mataray na pangaral ni Emily sa ina.

“Mataas kasi ang sapatos ko,” pagdadahilan pa nito.

Muling napairap si Emily ngunit dahan-dahan din naman niyang binagalan ang paglalakad.

Natapos ang graduation at mabilis na ring nakauwi ang mag-ina. Para bang mas nakahinga nang maluwag si Emily nang makatakas sa mga mapanghusgang tingin ng mga tao.

“Congratulations anak,” mahinang sambit ng ina ni Emily habang kumakain sila.

Saglit na natigilan si Emily sa pagkain dahil sa gulat ngunit hindi siya nagpahalata at nagpatuloy muling kumain.

“Pasensiya ka na’t hindi naging komportable ang graduation mo dahil sa akin,” dagdag pa nito. Tila may kumurot sa puso ni Emily.

“Ayos lang, salamat at sinamahan mo pa rin ako,” sinserong tugon ni Emily sa ina..

Ilang linggo ring nakatambay si Emily sa kanilang bahay upang asikasuhin ang paghahanap ng trabaho sa ibang bansa pati na rin ang mga kailangan niyang mga papeles.

Ang nakapagtataka ay ang mas madalas na pag-alis ng kaniyang ina sa kanilang bahay.

Ang alam niya ay may mas maayos na trabaho ito sapat na upang may makakain sila sa araw-araw, subalit mas madalas kaysa dati ang pag-alis-alis nito.

Hindi niya maiwasang mag-suspetsa dito. Ayaw niyang isipin na bumalik sa dating trabaho ang kaniyang ina ngunit iyon lamang ang bagay na pumapasok sa kaniyang isipan.

Isang gabi ay nagulat si Emily ng makarinig ng iyak ng sanggol.

Agad siyang lumabas at nakita ang kaniyang ina na may hawak na bata.

“Ano ‘yan?” barumbadong tanong ni Emily kaya agad siyang sinimangutan ng kaniyang ina. Hindi agad nakasagot ang kaniyang ina na para bang naghahanap pa ito ng maaaring isagot.

“Nabuntis na naman ba kayo?” Iyon agad ang nasabi ni Emily sa kaniyang ina dahilan upang manlaki ang mga mata nito.

“A-anong sabi mo?” Iyon lamang ang nasabi ng kaniyang ina dahil muling umiyak ang bata.

“Kaya pala lagi kayong naalis. Bumalik na naman kayo sa dati niyong trabaho?” galit na galit ang mga mata ni Emily na nakatingin sa kaniyang ina.

“Maawa naman kayo sa bata! Lalaki siya na bitbit ang lahat ng kahihiyan ng ina niya. ‘Wag mo nang iparanas sa kaniya ‘yung naranasan ko,” dire-diretsong paglalabas ni Emily ng saloobin.

Ang kaniyang ina ay tigagal na nakatayo lamang doon hawak ang umiiyak na sanggol.

Subalit maya maya ay nakita niya na rin ang pagtaas baba ng balikat ng kaniyang ina tanda na umiiyak na rin ito.

“Kailan pa? Kailan pa kayo nanganak?” usisa pa ni Emily habang nakatingin sa bata.

Hindi sumasagot ang kaniyang ina at patuloy lamang ang pagtulo ng masaganang luha sa mga mata nito.

“Pasensiya ka na at nagkaroon ka ng ganitong klase ng buhay, Emily. Pasensiya na dahil anak ka ng isang kagaya ko. Pasensiya na dahil hindi naging madali ang buhay mo dahil nanay mo ako,” malungkot na sambit ng kaniyang ina.

Tila sinampal naman si Emily. Noon niya napagtanto ang bigat ng mga sinabi niya sa ina.

Hindi siya makapaniwala na hinayaan niyang lunurin ng masasamang bagay na naranasan niya ang mga mabubuting bagay na ginawa ng kaniyang ina para sa kaniya.

“Siya si Ella. Anak siya ng kasamahan ko dati. Dapat ay ipapalagl@g siya pero sabi ko ay kukupkupin ko na lang siya. Kasi alam ko na magiging mabuting bata rin siya katulad mo,” mahabang eksplanasyon ng kaniyang nanay habang nakangiti sa anghel na yakap nito.

Agad na napuno ng pagsisisi ang puso ni Emily. Hindi dapat niya hinusgahan ang kaniyang ina. Iniligtas pala nito ang isang anghel mula sa panganib.

“Mama. Patawarin niyo po ako. Palagi akong nagpapasalamat dahil binuhay niyo ako. Minahal, inaruga at pinag-aral niyo po ako.” Nagsisising humingi siya ng tawad sa ina.

“Pasensiya na po at nagpatalo ako sa damdamin ko. Pasensiya na kung ngayon ko lang sasabihin pero… mahal ko po kayo.” Niyakap niya nang mahigpit ang ina.

“Napakasarap naman pakinggan ‘yan, anak,” emosyonal na sambit ng kaniyang ina habang hinahaplos ang buhok niya.

“Lagi mong tatandaan na mahal na mahal din kita,” matamis na wika ng kaniyang ina saka nito hinalikan ang ulo niya.

Napahiwalay sila sa isa’t isa nang marinig muli ang iyak ni Ella kaya natawa bigla ang mag-ina. Agad na binuhat ni Emily ang bagong kapatid upang patahanin ito.

Simula nang gabing iyon ay mas tumatag ang relasyon ng mag-ina. Wala nang galit, tampo, o kahit na anong negatibong pakiramdam ang bumalot sa kanilang tahanan.

Ang tahanan nila ay napuno ng pagmamahal at pagtanggap. Kasama na rin ang maliit na tinig at tawa ng bagong anghel na ngayon ay parte na ng kanilang pamilya.

Advertisement