
Nabigla ang Mayamang Lolo nang Makita ang Apo sa Unang Pagkakataon; Mas Nagulat Siya sa Nalamang Katotohanan
Mas pinagarbo pa ang handaan ngayong taon para sa kaarawan ng mayamang matandang si Don Sergio. Isa-isa nang nagdadatingan ang kaniyang mga anak at apo at iba pang kaanak upang dumalo sa nasabing piging.
“Kailangan ba ay ganito pang kalaki ang handaan?” tanong ni Don Sergio sa kaniyang panganay na anak na si Miguel.
“Siyempre, papa. Mas lalo pang maraming kamag-anak tayong dadalo ngayon. Hayaan niyo na at kaarawan niyo naman,” saad ng anak.
“Naisip ko lang mas maganda sana kung kayong mga anak at apo ko lamang ang makakasama ko ngayon. Kahit isang maliit na handaan lamang basta sama-sama tayo,” wika pa ng matanda.
“Minsan lang sa isang taon ito, papa. Saka gusto rin kayong madalaw ng iba nating kamag-anak. Basta, h’wag na kayong ma istres pa riyan at i-enjoy niyo na lang po ang party na ito,” giit pa ni Miguel.
Maya-maya ay dumating na ang isa pang anak ni Don Sergio na si Melissa.
“Magmano kayo sa lolo ninyo, mga anak,” utos ng ginang sa dalawa nitong anak na dalaga.
“Maligayang kaarawan po, papa. Masaya akong makita kayo na maganda pa rin ang tindig ninyo,” bati ni Melissa sa ama.
“Nasabihan niyo ba ang bunsong kapatid niyong si Mira na dumalo rin ng salu-salo? Ilang taon ko na kasi siyang hindi nakikita,” tanong ni Don Sergio sa kaniyang mga anak.
Napaismid lamang si Melissa sa sinambit ng ama.
“Hindi ho ba, papa, kayo ang may nais na hindi na siya makita. Ang sinabi niyo sa kaniya noong pinili niya ang magsasaka niyang asawa ay hindi niyo na siya tinuturing na anak. Ngayon ay hahanapin niyo siya? Saka, nandito naman kami, papa. Hindi ka namin binibigyan ng sakit ng ulo,” pahayag ni Melissa.
“Oo nga. Pero nakikita ko lamang kayo kapag may kailangan kayo sa akin. Nakakapanghinayang lang sapagkat malapit na ako sa dapit-hapon ng buhay ko at hindi pa rin nagagawa ni Mira na dalawin man lamang ako,” saad ng matanda.
“Baka masama din ang loob sa inyo, pa,” tugon naman ni Miguel.
“Hay, ibahin na nga lang natin ang usapan. Kaarawan niyo ngayon, papa. Kailangan ay masaya kayo! H’wag niyo nang hanapin ang mga taong wala dito at nagbigay lamang ng sakit ng ulo,” saad pa ni pangalawang anak.
Ngunit sa dinami-dami ng taong pumupunta sa piging ay tanging ang mukha lamang ng anak na si Mira ang kaniyang pinakahihintay.
Hanggang sa isang dalagang kamukha ng anak ang kaniyang natanaw.
“Akala ko ang anak kong si Mira. Kamukhang-kamukha mo siya,” saad ni Don Sergio.
Napangiti ang dalaga.
“Marami nga pong nagsasabi na kamukha ko ang aking ina,” saad nito.
“Ako po pala si Mandy. Ako po ang apo ninyo sa nanay kong si Mira,” pahayag pa ng dalaga.
Lubos na nagulat si Don Sergio. Hindi siya makapaniwala na dalaga na pala ang anak ng kaniyang bunso. Muli siyang luminga upang hanapin ang anak.
Bigla namang sumingit sa eksena si Melissa.
“Anong ginagawa ng anak ng isang hampaslupa dito? Hindi ba ay hindi na kayo kabilang sa pamilyang ito? H’wag niyong sirain ang party ng papa ko! Sobra na ang ginawa niyong pagsira sa pangalan ng pamilya namin,” sambit ng pangawalang anak ni Don Sergio.
“Ano pa ang itinat@nga-t@nga mo?! Umalis ka na rito!” pilit na itinutulak ng ginang ang dalaga.
“H’wag mong saktan ang anak ko!” sambit ni Hector, ama ng dalaga at asawa ni Mira.
“Sinabi ko na sa’yo, anak, na mali na pumarito pa tayo. Tara na at umuwi na tayo sa atin,” saad ng ginoo.
“Mabuti pa nga at nakakasira kayo ng piging na ito na tanging para lamang sa pamilya!” wika pa ni Melissa.
“Sandali, apo. H’wag kayong umalis! Sa akin ang party na ito at ako ang magdedesisyon kung sino ang dadalo sa hindi,” wika ni Don Sergio.
“Pero, papa, sisirain lamang nila ang party na ito!” giit ni Melissa.
“Tumigil ka na! Sinabi ko na mananatili sila kaya mananatili sila!” saad pa ng matanda.
Agad kinausap ni Sergio si Mandy.
“Ikinagagalak ko ang pagpunta niyo rito. P-pero p’wede ko bang malaman kung nasaan ang nanay mo? Kay tagal ko na siyang hinihintay,” saad ng matanda.
Isang pilit at may kalakip na lungkot na ngiti ang inilakip ni Mandy sa kaniyang sagot.
“Lolo, dalawang taon na pong namayapa ang aking ina. Ginupo po siya ng matinding karamdaman. Maraming beses po niyang nais na kausapin kayo upang humingi ng paumanhin ngunit ayaw niyo raw po. Hanggang sa kinuha na po siya sa amin,” pahayag ng dalaga.
Labis na ikinalungkot ng matanda ang kaniyang narinig sa apo.
“A-anong ibig sabihin noon? Kay tagal kong ninanais na makita siyang muli at makausap ngunit ang akala ko ay masama pa rin ang kaniyang loob,” wika ni Don Sergio na lubusan ang pagtataka.
“Hindi ko po alam. Siguro po ang dapat po ninyong tanungin ay ang dalawa pa po ninyong anak. Sina Tito Miguel at Tita Melissa. Sila po ang palaging nakakausap ng nanay ko. At sa tuwing sinasabi niya na nais niya kayong makausap ay lagi nilang sinasabi na hindi niyo gusto,” paliwanag ng dalaga.
Pilit na nagpapaliwanag sina Melissa at Miguel ngunit hindi na nakinig pa sa kanila ang kanilang ama. Na tila ba hindi na nito nakikita pa ang mga ito. Nagbalik sa kaniyang gunita ang lahat ng alaala ng kaniyang bunsong si Mira. Doon ay hindi na niya naiwasan pang bumagsak ang kaniyang mga luha.
“Mahal na mahal po kayo ni nanay, lolo. Walang sandali na hindi po siya nangulila sa inyo at walang gabi na hindi siya nanalangin na sana ay haplusin ng Panginoon ang puso niyo at tuluyan na niyo siyang mapatawad. H’wag po kayong mag-alala, wala pong sama ng loob sa inyo ang nanay ko,” saad pa ng dalaga.
“Pinilit ko pong pumunta dito kasama ang tatay ko sa bilin na rin ng nanay ko. Kahit alam kong hindi niyo kami tanggap ay nais ko pong magpakilala sa inyo sapagkat ito ang huling kahilingan ni nanay. Lolo, ako po ang apo niyong si Mandy at matagal ko na po kayong nais makilala nang tuluyan,” napaiyak na rin ang dalagang apo.
Niyakap na lamang ni Don Sergio ang kaniyang apong si Mandy. Sa pagkakayakap niya sa dalaga ay tila yakap na rin niya ang anak na matagal na niyang hindi nahahagkan. Lubos ang kaniyang pangungulila sa kaniyang bunso.
Sa kabilang banda ay tinanggalan ni Don Sergio ng mana ang kaniyang dalawang anak dahil sa mga ginawa nitong pagpigil na muling makita ni Mira ang ama. Nais kasi ng dalawa na sa kanila lamang hatiin ang kayamanan ni Don Sergio.
Ngunit dahil sa pangyayaring ito ay lahat ng kayamanan ng matanda ay ipinamana niya sa kaniyang apong si Mandy bilang ganti na rin sa lahat ng pagkukulang niya sa anak na hindi na niya muling makakapiling pa.