Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Panggigipit ng Maybahay ay Napilitang Magnakaw ang Isang Lalaki; Ito ang Kaniyang Kinahantungan

Dahil sa Panggigipit ng Maybahay ay Napilitang Magnakaw ang Isang Lalaki; Ito ang Kaniyang Kinahantungan

“Saan ka na naman ba nanggaling, Nestor? Kanina pa umiiyak itong anak mo at wala nang gatas!” bungad ni Vilma sa kaniyang asawa pagka-uwi nito.

“Ni wala nga tayong makain ngayong hapunan! Kanina maliligo sana ako, wala ring sabon. Nestor naman! Sawang-sawa na ako sa buhay na ganito! Lagi na lamang tayong nagigipit. Hindi naman ito ang buhay na pinangarap ko!” naiiritang sambit pa ng maybahay.

“Pasensiya ka na talaga, mahal. Ginagawa ko naman ang lahat para makahanap ng trabaho. Kung saan-saan na nga ako nagpunta pero wala pa rin,” paliwanag ni Nestor.

“‘Yung mga may pinag-aralan nga nahihirapan makahanap ng trabaho, ikaw pa kayang walang alam! Nahihirapan na ako, Nestor. Hanggang kailan ba ganito ang buhay ko sa iyo. Napakamiserable! Mabuti pa ay umuwi na lang kami ni Junior sa nanay ko. Baka sakali doon, may makain pa kami!” giit ng ginang.

“Vilma, h’wag naman ganiyan, mahal. H’wag mo naman daanin sa init ng ulo ang lahat. Hindi ko naman gusto na ganito ang danasin ninyo. Walang asawa at ama ang nais na pahirapan ang kaniyang mag-ina. Bukas na bukay ay magdedelihensiya ako, Vilma. Basta, h’wag kayong aalis ni Junior,” pagmamakaawa ng mister.

Dalawang taon pa lamang nagsasama sina Nestor at Vilma ay hindi na ata mabilang sa daliri kung ilang beses na ninais ng misis na lisanin ang kaniyang mister. Sa totoo lang kasi ay napilitan lamang sumama noon itong si Vilma kay Nestor dahil sa pagrerebelde niya sa kaniyang mga magulang.

Ngunit hindi niya akalain kung gaanong kahirap pala ang buhay ang dadanasin niya sa ginoo. Hanggang sa magbunga ang kanilang pagsasama. Nais sana itong ipalaglag ni Vilma ngunit mariing tinutulan ito ng asawa. Kahit na walang pinag-aralan ay pilit niyang binuhay ang kaniyang mag-ina. Kung anu-anong trabaho na ang pinasok nito.

Nariyan na magkarpintero ito, pumasok sa construction site, taga-buhat sa palengke, pedikab drayber at ang pinakamatindi ay naging taga-linis siya ng poso negro. Hindi nagtatagal din sa trabaho ang ginoo sapagkat siya pa rin kasi ang umaasikaso sa bahay at sa kaniyang nag-iisang anak. Minsan ay sabay-sabay ang mga trabaho ay mayroon siyang hindi napapasukan.

Ganoon kadedikado si Nestor dahil mahal na mahal niya ang asawa at kaniyang anak.

“Palaging ganiyan ang sinasabi mo, Nestor, nagsasawa na ako! Sabi mo ay bibigyan mo kami ng magandang buhay. Ni bagong damit ay hindi nga ako makabili. Nagkanda-losyang losyang na ako sa pakikisama sa iyo. Ni hindi mo pa nga kami naiaalis sa mabahong iskwater na ito! Isang malaking pagkakamali talaga ang mapasama sa iyo!” patuloy sa pagsasalita ng masakit itong si Vilma.

“Gumawa ka ng paraan ngayon, Nestor! Titiisin mo bang walang gatas itong anak mo? Ayaw mo pa kasi kaming hayaang umuwi sa mga magulang ko, gayong hindi mo naman kami kayang buhayin! Letseng buhay na kasama ka!” muling sigaw ng ginang.

Nataranta na si Nestor at agad na umalis sa kanilang bahay upang magdelihensiya ng gatas ng anak. Kumatok siya sa mga tindahan na malapit sa kanila at mabuti na lamang ay pinautang siya ng isang kakilala upang makabili ng panggatas ngayong gabi. Laking pasasalaman ng ginoo.

“Ito lang? Mabubuhay ba ang anak mo sa kapiranggot na gatas na ito?” napapailing na lamang sa inis si Vilma.

“Bukas na bukas, mahal, gagawa ako ng paraan. Maghahanap ako ng trabaho, sinisigurado ko sa inyo na hindi na kayo muling magugutom. Patawarin mo na ako,” pagtangis ni Nestor sa asawa.

“Siguraduhin mo lang, Nestor. Dahil sawang-sawa na ako sa lahat ng mga pangako mo. Gustong-gusto na kitang iwan dahil wala naman akong napapala sa iyo. Iniisip ko lang itong si Junior,” sambit pa ni Vilma.

Kinabukasan ay maagang gumising at umalis si Nestor upang maghanap muli ng trabaho. Nagpunta siya sa palengke at doon ay nakaekstra sa pagbubuhat ng mga pinamili ng mga tao. Pinapatos niya ang kakaunting barya kaysa wala siyang maiuwi sa kaniyang mag-ina.

Banat ang katawan sa init at pagod buong araw ngunit wala pa sa isang daan ang maiuuwi ni Nestor. Kulang na kulang pa ito sa panggatas ng kaniyang anak. Sa kaniyang paglalakad ay napulot niya ang isang pitaka. Ito na sana ang sagot sa kaniyang mga problema dahil sa dami ng perang laman nito ngunit nakita niya ang isang ginang na balisa at tila may hinahanap.

“Sa inyo po ba ang pitakang ito?” tanong niya.

Lubos ang saya ng ginang sapagkat hindi niya akalain na maibabalik pa sa kaniya ang nasabing pitaka. Nang iabot niya ang pitaka ay may tumawag sa ale paglingon pabalik ng ale ay wala na si Nestor.

Sa takot na mag-away na naman sila ng asawa at tuluyan na siyang lisanin nito ay pilit umiisip ng paraan ang ginoo. Hanggang sa napatingin na lamang siya sa isang grocery. Pumasok si Nestor at agad na tinungo ang lagayan ng gatas at tinapay at dalawang delata.

Palinga-linga siya at sinisigurado niyang walang makakakita sa kaniyang gagawin. Lalabas na sana siya sa nasabing grocery hanggang napatigil siya. Muli siyang tumalikod at ibinalik ang kaniyang mga kinuha. Mahirap man niyang bitawan ang gatas para sa anak ay ginawa niya ang nararapat.

Hanggang sa narinig niya ang tinig ng isang ginang.

“Mabuti pala talaga ang kalooban mo, ginoo. Kanina pa kita hinahanap,” saad ng babae.

Paglingon ni Nestor ay nakita niyang muli ang babaeng kaniyang tinulungan.

“Nakita ko ang lahat ng ginawa mo. Para kanino ba ang gatas na iyan?” tanong ng babae.

“Para sana sa anak ko. Kahapon pa kasi siya halos walang mainom na gatas. Pinilit kong maghanapbuhay ngayon pero kulang pa para sa isang kahon ng gatas na ito. Naisip kong nakawin sana ang lahat pero hindi ko maaatim na gumawa ng masama. Hindi ko kayang ipainom sa anak ko ang galing sa masama,” hindi na napigilan pa ni Nestor ang umiyak.

“Ang hirap maging mahirap. Ang hirap lalo kapag wala kang pinag-aralan. Ang gusto ko lang naman buhayin ang mag-ina ko. Pero kahit ano ang gawin ko ay wala pa rin,” patuloy sa pagtangis ang ginoo.

Lubusang nahabang ang ginang sa kaniyang narinig.

“H’wag kang mag-alala. Tutulungan kita. Ako ang may-ari ng grocery na ito. Dahil sa katapatan mo at sa kabutihan ng iyong loob ay hahayaan ko nag kuhain mo ang mga pagkaing kailangan mo. Tapos, bumalik ka rito bukas at bibigyan kita ng trabaho,” pahayag ng ginang.

Lalong napaluha si Nestor sa kaniyang narinig. Hindi lamang dahil sa may kakainin na sila ng gabing iyon at makakainom na ng gatas ang anak, dahil din sa trabaho na ibinibigay sa kaniya. Alam niyang malaki ang maitutulong nito para sa kaniyang pamilya.

“Hindi ko po alam kung paano ko po kayo pasasalamatan! Maraming maraming salamat po. Hulog po kayo ng langit!” walang tigil sa pagluha si Nestor.

Umuwi si Nestor ng masaya dala-dala ang mga pagkain para sa kaniyang mag-ina. Masaya din niyang ibinalita kay Vilma na may naghihintay na sa kaniyang trabaho sa grocery.

“Pangako, mahal. Pagbubutihan ko para sa inyo ng anak natin,” saad ni Nestor.

Tinupad ng ginoo ang kaniyang pangako. Simula noon ay hindi na muling nagipit pa ang mag-asawa. At dahil nakita ni Vilma ang pagtitiyaga ng asawa ay napagtanto niya na lubos ang pagmamahal nito sa kanila kaya naman simula noon ay pilit din niyang ginawa ang kaniyang parte bilang isang maybahay.

Naging kasangga ni Nestor si Vilma sa pag-aalaga sa kanilang pamilya. Hindi man nakakariwasa sa buhay ay alam ni Vilma na isang araw ay matutupad din ang kanilang mga pangarap dahil sa pagpupursige at mabuting kalooban ng kaniyang asawang si Nestor.

Advertisement