Inday TrendingInday Trending
Matindi ang Pagmamalupit ng Amo sa Kaniyang Kasambahay; Magugulat ang Dalaga sa Dahilan

Matindi ang Pagmamalupit ng Amo sa Kaniyang Kasambahay; Magugulat ang Dalaga sa Dahilan

“Wala ka talagang kasing t@nga, Lisa! Hindi mo ba alam na napakamahal nitong damit na ito tapos ay mamantsahan mo lang? Ano na ngayon ang gagawin ko dito, sige nga?” nanggagalaiting sigaw ni Helen sa kaniyang kasambahay nang makitang nangupas na ang kulay sa paborito at mamahalin niyang damit, sabay bato sa pagmumukha ng dalaga.

“P-patawad po, ma’am. Pero, sinigurado ko po na maayos po ang lahat ng damit ninyo,” paliwanag ni Lisa sa kaniyang amo.

“Anong sinasabi mo? Sinungaling ako? Ako ang nagmantsa ng damit na ‘yan? Ibabawas ko sa sahod mo ang damit na ito pati ang lahat ng pagkakamali mo dito sa pamamahay ko. Ewan ko na lang kung hindi mo pa ayusin ang pagtatrabaho mo!” sambit pa ni Helen.

Malaki ang pagkakautang ng pamilya ni Lisa sa among si Helen. Kasambahay din noon sa bahay ni Helen, isang mayamang negosyante ang ina ni Lisa. Nang magkasakit at hindi nila alam kung saan kukuha ng pera upang ipantustos sa gamutan ng ina kaya minabuti nilang humiram muna sa kanilang amo.

Hindi rin nagtagal at humina na ng husto ang katawan ng ina ni Lisa at tuluyan na itong nagpaalam sa mundo. Dahil salat sa pera at wala silang ipapambayad sa amo ay minabuti na lamang ni Lisa na pumasok bilang kasambahay kina Helen. Ngunit mula noon pa ay hindi na maganda ang pagtrato nito sa dalaga.

Hindi rin alam ni Lisa kung bakit ganoon na lang katindi ang pagka-init ng dugo ni Helen sa kaniya. Lagi na lamang niyang iniisip ang bilin ng ina na magpakumbaba sa ginang sapagkat malaki ang utang na loob nila rito.

“Lisa! Lisa! Lisa!” patuloy na pagtawag ni Helen sa dalaga.

“Bingi ka ba? Kanina pa kita tinatawag! Ano ba ang ginagawa mo?” inis pa nitong sambit.

“P-pasensiya na po, madam, tinapos ko pa po kasi ang paglilinis sa may hardin tulad po ng sinabi ninyo,” paliwag ni Lisa.

“Kaninang umaga pa ‘yon? Ngayon ka pa lang natapos? Ang bagal mo talagang kumilos!” muling saad ni Helen.

“Ikuha mo nga ako ng tsaa. Bilisan mo at medyo masakit ang sikmura ko! Bilisan mo, a! Baka mamaya ay babagal-bagal ka na naman!” saad pa ng amo.

“Opo, madam. Sandali lang po,” pagsunod ni Lisa.

Ilang sandali lamang ay bumalik na si Lisa dala ang tsaa na iniutos ng amo. Unang higop pa lamang ni Helen ay nabanas na naman ito sapagkat purong tsaa lamang ito.

“Ilang beses mo na akong pinagtitimpla ng tsaa at ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na lagyan mo ng kaunting asukal at limon ito? Wala ka talagang kakwenta-kwentang utusan! Nanggigigil na ako sa iyo! Sige, ikaw na ang uminom niyan tutal lahat ng iniutos ko sa iyo ay hindi mo magawa nang tama!” sigaw ni Helen sabay buhos ng mainit na tsaa sa dalaga.

Napasigaw na lamang si Lisa sa hapdi ng pagkakadampi ng mainit na tubig sa kaniyang balat. Nais sana niyang gantihan ang amo ngunit mas matimbang pa rin ang bilin ng kaniyang ina na tumanaw ng utang na loob sa ginang. Kahit siya na ang nasaktan ay siya pa rin ang nagpakumbaba.

Ilang linggo ang nakalipas at patuloy ang pagsakit ng tiyan ni Helen. Nang siya ay kumunsulta sa doktor ay napag-alaman na matindi na pala ang sakit niya sa bituka. Kailangan na niyang sumailalim sa isang operasyon.

Ang akala ni Helen ay kapag siya’y naoperahan na ay patuloy nang gaganda ang kaniyang pakiramdam. Ngunit nagkakamali siya. Masyado na palang malubha ang kaniyang sakit at wala nang nagawa pa ang nasabing operasyon.

Unti-unting nanghina ang katawan ng ginang hanggang sa hindi na siya makakain. Hindi na rin siya makatayo pa. Ang dating malakas na pangangatawan ni Helen ay tila lantang gulay na.

Sa kabila ng lahat ng dinaranas ay tanging si Lisa lamang ang nariyan sa kaniyang tabi upang mag-alaga sa kaniya. Ang dalaga ang naglilinis, nagpapakain at gumagawa ng lahat para sa kaniya. Hindi ito nagrereklamo sa kahit anong ipagawa at gawin sa kaniya ng amo.

Isang araw ay pinagmamasdan ni Helen ang dalaga.

“Malaki talaga ang pagkakahawig mo sa iyong ama,” sambit ni Helen sa dalaga.

Napatingin lamang si Lisa.

“Kilala po ninyo ang aking ama?” laking gulat niya.

Tumango si Helen at napangiti ngunit tila may kurot na makikita sa kaniyang mga mata.

“Kilalang-kilala ko ang tatay mo. Paanong hindi? Siya ang asawa kong namayapa,” pag-amin niya.

Laking gulat ni Lisa sa sinabi ng amo.

“P-paano pong nangyari iyon?” pagtataka ng kasambahay.

“Matagal nagkaroon ng relasyon ang iyong ina at ang asawa ko. Kaya ganoon na lamang ang hinanakit ko dahil biniyayaan sila ng isang anak samantalang sa loob ng dalawang dekadang pagsasama namin ay hindi man lamang nagbunga ang pagmamahalan namin, iyon ay kung talagang minahal ako ng asawa ko,” pahayag ng ginang.

“Alam ko naman noon pa na iba talaga ang pagtingin ng asawa ko sa iyong ina ngunit hindi maaari dahil sa antas ng aming buhay. Nang maaksidente ang asawa ko ay ibinilin niya sa akin ang kaniyang “mag-ina”. Napakasakit nito para sa akin sapagkat ako ang legal niyang asawa. Kaya sa tuwing nakikita kita ay ganoon na lamang ang galit ko. Sapagkat naaalala ko ang lahat ng pagtataksil nila sa akin,” naluluhang paglalahad ni Helen.

“Pero heto ka. Kahit anong ginawa kong masama sa iyo ay pilit ka ring hindi umaalis sa aking tabi at inaalagaan ako. Ni hindi ka nasuklam sa akin o nagtanim ng sama ng loob,” pagpapatuloy ng ginang.

“Lagi ko po kasing naaalala ang sinabi ng aking ina. Malaki po ang utang na loob namin sa inyo kaya kailangan ko po itong tanawin,” saad ng dalaga.

Hindi na napigilan pa ni Helen ang kaniyang pagluha.

“Alam ko, malapit na akong mawala sa mundong ito, Lisa. Nais kong ibigay sa iyo ang lahat ng noon pa ay dapat natamasa mo. Lahat ng ari-arian namin ng iyong ama ay iiwan ko na sa iyo, iyan din ang matagal na kahilingan sa akin ng asawa ko,” wika ni Helen.

“Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa iyo, Lisa. Mabuti kang bata. Magaling ang pagpapalaki sa iyo ng iyong ina,” saad pa ni Helen.

Niyakap ni Helen sa huling pagkakataon si Lisa. Nakaramdam siya ng panghihinayang. Sa huling sandali ng kaniyang buhay ay doon niya napagtanto na sana pala ay ginamit na lamang niya ang mga nalalabing oras sa pagtrato ng mabuti sa dalaga. Sana pala ay itinuring na lang niya ito bilang sarili niyang anak sapagkat wala na itong ina at anak naman ito ng kaniyang asawa.

At sa pagkakataong iyon ay nawalan na ng hininga si Helen. Walang tigil naman sa pag-iyak si Lisa ngunit lubos ang pasasalamat niya sa kaniyang puso dahil sa huling pagkakataon ay inamin ni Helen ang totoo sa kaniya.

Naiwan kay Lisa ang lahat ng ari-arian at kayamanan ni Helen at ng kaniyang asawa. Ginamit ng dalaga ang lahat ng ito upang magsimula ng panibagong buhay na baon niya sa kaniyang puso ang pagmamahal ng ina, ama at ng madrasta.

Advertisement