
Matagal na Palang Hiwalay ang Kaniyang mga Magulang, Nalaman Lang Niya Noong Nagdala ng Babae ang Kaniyang Ama; Sino ba ang may Kasalanan?
“Mama, totoo ba ang sinabi ni papa?” Umiiyak na tanong ni Gretchen sa ina.
Nagdala kasi ang kaniyang ama ng babae sa bahay nila. Kaya nagalit siya at nagalit rin ito sa kaniya. Hiwalay na raw ito at ang kaniyang inang kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa, dahil may ibang lalaki na raw ito doon.
“Totoo bang may ibang lalaki ka na d’yan kaya si papa ay may ibang babae na rin. Naghiwalay na ba kayo?” Humihikbi niyang dugtong.
“Totoong naghiwalay na kami ng papa mo, anak. Pero hindi totoong may ibang lalaki ako rito. Matagal ko na dapat sinabi sa inyo ni Alma ang totoong dahilan kaya nagdesisyon akong magtrabaho rito sa malayo.
Matagal nang may babae ang papa niyo. Sinubukan ko noong makipaghiwalay at isama kayo, kaso ayaw pumayag ng papa niyo. Sinabi niya sa’kin noon na pap@tay*n niya ako kapag kinuha ko kayo, kaya ang ginawa ko’y lumayo na lang at nagtrabaho rito. Gusto kong mag-ipon para makuha ko kayo,” umiiyak na paliwanag ni Grace, sa panganay na anak.
“Paano na kami mama kung ganito na ang sitwasyon niyo?” Naguguluhang wika ni Gretchen.
Labing limang taong gulang pa lang siya at sampong taon naman si Alma. Paano sila magsisimulang dalawa kung wala na ang mga magulang nila.
“Anak, malaki na kayo ni Alma. Alam kong malakas kayong magkakapatid at alam kong kaya niyo nang magdesisyon sa sarili niyong paraan,” mahinahong wika ni Grace. “Magdesisyon ka kung d’yan pa rin ba kayo ni Alma sa bahay natin, o uuwi kayo ng Bicol. Doon sa lola at lolo mo.”
Biglang natigilan si Gretchen sa suhestyon ng ina. “Paano na si papa?”
“Kaya nga hinahayaan ko kayong magdesisyon anak. Hindi ko kayo pipilitin sa ayaw niyo. Kung gusto niyong manatili kay papa niyo’y wala akong magagawa. Basta tandaan niyo palagi na nandito lang ako para sa inyo ni Alma. Kailanman ay hinding-hindi ko kayo ipagpapalit,” mariing wika ni Grace at maya maya rin ay nagpaalam na sa anak.
Ayaw ni Gretchen na iwan ang kanilang Papa Fabio. Naniniwala siyang mabubuong muli ang pamilya nila. Hindi naman sila pinapabayaan ng papa niya kahit may ibang babae na ito.
Ngunit mula no’ng dinala ni Fabio si Elsa sa kanila’y hindi na ito umalis pa. Sa halip ay umasta itong reyna sa bahay nila’t ginawa silang katulong na magkapatid, kahit nariyan lang ang kanilang papa ay hindi man lang nito makuhang suwayin ang babae.
Dumating ang araw na napuno si Gretchen sa ginagawa ni Elsa kaya sininghalan niya ito at pinagsalitaan ng hindi maganda. Dahilan upang sampalin siya ng kaniyang ama.
“Hindi kita pinalaking ganyan, Gretchen! Bunganga mo ah,” galit na wika ni Fabio, matapos sampalin si Gretchen ng napakalakas.
Gustong humagulhol ng iyak ni Gretchen sa ginawa ng ama. Ngunit wala na siyang luhang mailabas. “Napansin mo ang talim ng tabas ng dila ko sa babae mo, pero hindi mo pinapansin ang pang-aalilang ginagawa niya sa’min.”
“Dini-disiplina lamang kayo ni Elsa! Dahil tama siya. Masyado namin kayong na-spoiled ng nanay niyo kaya ganyang wala kayong alam na gawin,” dahilan pa ni Fabio.
“Talaga ba? Anong karapatan niyang disiplinahin kami? Hindi nga niya nagawang disiplinahin ang sarili niya. Bakit kami magpapadisiplina sa babaeng naging dahilan kung bakit nasira ang pamilya natin?” Matalim ang tinging pukol ni Gretchen sa babae.
Akmang sasampalin siya ulit ni Fabio nang muli siyang magsalita. “Wala ka na ngang pag-asa, papa! Umasa akong balang araw ay mabubuo pa tayong muli, pero sa nakikita ko ngayon ay parang ayoko na rin na makisama si mama sa’yo.
Alam ko na ang buong katotohanan, pero mas pinili ko pa ring makasama ka dahil ikaw ang papa namin ni Alma. Pero mas maigi na rin sigurong umalis na kami ni Alma sa buhay mo.
Bakit ba namin ipagsisiksikan ang sarili namin sa’yo kung wala ka nang ibang nakikita kung ‘di iyang si Elsa!” Galit na wika niya sa ama saka binalingan ang kabit nito. “Sana maging mapayapa ang ang buhay mo sa piling ng tatay ko.
Baka nakakalimutan mong karma is a b!tch! Baka bumalik sa’yo ang ginawa mo sa mama namin,” ani Gretchen saka tinalikuran ang dalawa, habang hila-hila si Alma.
Nang matapos mag-empake ay agad niyang tinawagan ang ina. Walang pagdadalawang-isip namang pumayag si Grace sa gusto ng anak. Ilang minuto lang ay naroon na agad ang kapatid ni Grace upang sunduin ang dalawang bata.
Bago pa man sila nakalabas ay nagsalita si Fabio. “Na brain wash ka na nga ng nanay mo, Gretchen.” Mahinang wika nito.
Hinarap naman ni Gretchen ang ama at saka hinalikan sa pisngi bilang paalam. “Malaki na po ako, papa. May sariling isip na ako, kaya hindi na ako kayang i-brain wash ni mama. Saka kahit katiting ay walang sinabi si mama na masama sa’yo.
Hinayaan niya akong magdesisyon at ito ang naging desisyon ko para sa’min ni Alma. Kahit baliktarin ko man ang mundo ay ikaw pa rin ang papa namin. Kailanman ay ayokong magtanim ng galit sa’yo. Pero ibang usapan na kapag kasama mo ang babaeng sumira sa pamilya natin,” ani Gretchen saka tuluyang umalis sa poder ni Fabio, kasama ang kapatid.
Kahit galit siya sa dalawa’y hangad pa rin niyang maging masaya ang mga ito. Kailanman ay hindi niya naisip na may kakayahin siyang magalit sa kaniyang ama. Mahal na mahal niya ito, sa kabila ng kasalanang ginawa nito. Kailangan lang sigurong dumistansya na muna sila at hayaan ito.