Inday TrendingInday Trending
Grabe Magpatong ng Interes sa Utang ang Ginang Upang Makakupit sa Asawa; Ito ang Balik sa Kaniya ng Karma

Grabe Magpatong ng Interes sa Utang ang Ginang Upang Makakupit sa Asawa; Ito ang Balik sa Kaniya ng Karma

“Ha? ‘Di nga ba’y tapos na dapat ang huhulugan ko?” sabi ng matandang si Takyo habang pilit iniintindi ang papel na ipinakita ni Lilya. Ngunit hindi na niya nabasa iyon dahil mabilis na hinaklit ng babae.

“Aba Mang Tasyo! Paulit-ulit po tayo dito, eh kako kailangan niyo pang bayaran ang dagdag interes! Ako naman ho ang kagagalitan ni Nilo kapag hindi pa kayo nagbayad,” mataas ang tonong sabi ni Lilya. Tiyak na kapag pangalan na ng asawa niya ay hindi na papalag ito. Maganda kasi ang reputasyon ng mister dahil matulungin ito dati sa tao. Ngunit dahil sa sakit nito ngayon ay bihira na ito makagawa ng mga aktibidades para sa mga kabarangay nila. Sa isip-isip niya ay mabuti nga iyon dahil wala siyang kaagaw sa paglalaanan ng pera nito.

Ngayon nga ay siya ang humahawak muna ng lahat ng negosyo, pati na ang pautang. Noong malusog pa si Nilo ay mahilig itong magbigay lang sa mga kapitbahay ng tulong, paminsan ay ni hindi nito sinisingil kapag gipit ang tao. Pero nang siya na ang humahawak ng lahat ay nagpasya siyang siguraduhing singilin ang lahat ng may utang at hindi lang iyon, pinapatungan pa ito ng napakataas na interes. Dahil mahihirap lang ang mga tao sa kanila ay tiyak kapag nakautang kay Lilya ay hindi na kailanman makababangon dahil sa taas ng interes. Pabor iyon sa ganid na ginang dahil marami siyang mahihita mula sa mga ito. Ngunit maingat siyang hindi ipaalam iyon sa asawa dahil tiyak na magagalit ito. Ayaw niyang muling makompara sa una nitong asawa na mapagbigay din. Sa opinyon niya ay mabuti na lang at pumanaw na iyon at siya na ang pumalit para naman kahit papaano ay mapalago pa ni Nilo ang pera nito.

Naiiritang bumalik ang tingin niya sa matanda na animo ay pinagsakluban ng langit at lupa. Nangutang si Mang Takyo sa kaniya dahil naistroke ang asawa nito at kailangan ng pera pampaospital. Malapit na kaibigan din kasi ito ng asawa niya noon kaya’t pinautang na niya . Ilang buwan na itong nagbabayad sa kaniya galing sa pagsisikap nitong magpedicab kahit matanda na, at ngayon nga ay kinukwestyon nito kung bakit kailangan pa nitong magbayad gayong sobra-sobra na ang bayad nito.

Ngunit si Lilya, sa kaswapangan, ay patuloy na pinahirapan ang matanda. Wala nang nagawa pa si Takyo kung hindi pumayag na bayaran ang ekstrang dalawang libong piso na ‘di umano’y tubo. Nakangising tiningnan ni Lilya ang hawak na papel na nagpapatunay na pumayag ito sa ‘di makataong interes na pinatong niya. Halos lahat ng nanghihiram sa kaniya ng pera ay nagugulangan niya dahil hindi marunong magbasa o ‘di kaya’y desperado na. Iniingat-ingatan niya talaga ang mga “kontratang” iyon para may maisupalpal sa mga reklamador.

Nang araw na iyon ay sunod-sunod din ang datingan ng mga may utang kay Lilya. Madami sa mga ito ang panay ang pakiusap na babaan ang interes na pinatong niya, lalo na iyong mga interes na lang ang binabayaran. Ngunit walang tinag si Lilya bagkus ay nilalait-lait pa ang mga ito.

“Isang araw ka lang hindi makahulog ay mababaon ka na! Sobra naman yata ‘yan!” reklamo ni Jinie, ang anak ni Mang Takyo na nakakaalam ng nangyari.

“Hayaan mo anak at sa Diyos naman sasagot ang babaeng iyon,” masama pa rin ang loob na sabi ni Takyo.

Tila ba nagdilang anghel ang matanda dahil nagbunga nga ang masasamang buto na itinanim ni Lilya. Madaling araw nang bigla na lang lumiyab ang mga dekorasyon niya sa bakuran na naging sanhi ng sunog. Naalimpungatan si Lilya dahil sa ingay ng mga boses na tumatawag sa labasan.

“Che! Kung kailan tulog ang tao dun mangangalampag. Bukas na kayo mangutang!” inaantok na sigaw ni Lilya sa bintana. Nanlaki ang mata niya nang sumalubong sa kaniya ang malaking apoy at usok. Akala niya mangungutang lang ang mga kapitbahay ngunit tumatawag pala ito upang makaligtas silang mag-asawa sa nagliliyab nilang tahanan.

Ilan sa mga tambay ang tumalon na sa gate at tumulong isalba si Lilya at Nilo.

“Ang mga papeles ko! Yung pera ko! Yung mga kontrata! Hindi!!” nagpupumiglas pa si Lilya sa mga taong pumipigil sa kaniyang bumalik sa nagliliyab na bahay.

“Mga walanghiya kayo! Bitawan niyo ko! Kung umaasa kayo na makakalimutan ko ang mga utang niyo asa kayo! Bitaw!” tila nababaliw na bintang pa nito sa mga kapitbahay na gusto lang tumulong.

“Lilya! Anong utang utang?! Iyan pa ba ang naiisip mo? Dapat nga’y magpasalamat ka at tingnan mo ang mga kapitbahay natin!” sabi nito sabay turo sa grupo ng mga kalalakihan na kaniya-kaniyang buhat ng timba upang tumulong sa pagpuksa ng apoy. Isa na doon si Mang Takyo na kahit may hinanakit kay Lilya ay piniling tumulong.

Tila ba naningil ang tadhana kay Lilya, at talagang malaki ang interes, dahil buong bahay nila, ang nag-iisang bahay, ang natupok ng apoy. Naapektuhan ang iba ngunit walang masyadong damage liban sa kanila na pinulbos talaga.

Galit at panlulumo ang naramdaman ng babae. Ngunit sa halip na pagtawanan at abusuhin ng mga kapitbahay ang sitwasyon, nagulat siya nang abutan sila nito ng tulong. Ang isa ay pinatuloy sila sa bahay saglit, ang ilan ay nagdala ng ulam. Kahit si Mang Takyo ay nagdala ng malinis na kumot para sa kanila.

Tiyak ni Lilya na mabait sa kanila ang mga kapitbahay dahil lamang sa asawa niya. Hiyang-hiya siya nang mapagtanto ang pagtrato niya sa mga ito. Ngayong siya ang nangangailangan ay bukas-palad at libre ang alok ng mga ito, walang nakalululang interes. Napaluha si Lilya sa hiyang nararamdaman. Nagising siya sa kaswapangan at kasakiman at natagpuan niya sa sarili ang kagustuhang magbago.

“Oh Lilya, heto muna yung isang libong piso, saka na yung iba pa,” abot ni Takyo sa kaniya.

“Tatanggapin ko ho ito bilang tulong sa ngayon, hindi kabayaran ng utang dahil wala na po kayong utang sa akin. Pasensiya na ho sa panggigipit ko sa inyo, sana mapatawad niyo ko,” madamdaming tugon ni Lilya.

Simula noon ay kinansela na ni Lilya lahat ng mga utang sa kaniya. Alam naman niyang sobra-sobra na ang mga naibayad nito. Natuto siyang maging matulungin at matapat din sa kaniyang asawa. Sobra pala maningil ang tadhana, pero buti na lang hinayaan pa rin silang mabuhay para magbago. Laking pasasalamat ni Lilya sa Panginoon para sa leksyon at bagong pagkakataon.

Advertisement