
Matapos Maagang Mabuntis ay Naglayas ang Babae; Nagulat Siya sa Sorpresang Naghihintay sa Kaniyang Pagbalik
“Nasaan nga pala ang pamilya mo?” tanong kay Alice ng ka-date na binata na naging dahilan para mapatigil siya sa pagkain. Naroon sila sa isang mamahaling restaurant sa America. Matagal nang nanliligaw sa kaniya si Alvin na kapwa Pilipino at katrabaho sa kompanyang pinapasukan niya roon. Ito ang naging pinakamalapit sa kaniya simula noong napadpad siya sa America. Sa katagalan ay nahulog na rin ang loob niya dito at balak na niyang sagutin. Ngunit biglang napuno ng takot ang lungkot ang kaniyang puso nang marinig ang tanong nito. Hindi na ata siya kailanman makatatakas sa nakaraan niya.
Hindi niya gusto ngunit biglang bumalik sa kaniya ang lahat pitong taon na ang nakalilipas.
“Patawarin mo ako, anak…” iyon lang ang huling sinabi ni Ali saka kinuha ang isang maliit na bagahe. Tinalikuran niya ang sanggol na payapang natutulog sa labas ng pinto ng isang ampunan at tumakbo palayo.
Ang dahilan ng kaniyang pagtakas ay ang maaga niyang pagbubuntis. Katatapos niya lang sa kolehiyo noon ngunit hindi inaasahang nagbunga ang kapusukan nila ng kaniyang nobyo. Nahulog siya sa depresyon nang magalit ang pamilya sa kaniya dahil masisira ang kanilang pangalan. Gusto ng mga ito na ipaglaglag ang bata ngunit hindi siya pumayag. Mas lalong masakit sa kaniya dahil iniwan din siya sa ere ng nobyo dahil mula rin ito sa kilalang pamilya. Natakot siya para sa bata kaya imbes na magdusa ito dahil sa kaniya, nagpasya siyang iwan ito sa isang ampunan. Tiyak kasi siyang magiging miserable lang ito sa poder ng kaniyang ama’t ina na walang inisip kung hindi ang reputasyon ng pamilya.
Pagkatapos talikuran ang anak ay nagpasya si Alice na magtago sa ibang bansa at doon magsimula ng bagong buhay. Nagulat siya nang dumampi ang kamay ni Alvin sa kaniyang pisngi. Hindi niya namalayang umiiyak na pala siya!
Tila naiintindihan naman nito ang emosyon niya at hindi na muling nagtanong. Ngunit dahil inaasahan niya ito at balak na ring sagutin, nagpasya siyang ibahagi ang lahat. Hindi na rin kasi kaya ng loob niya ang sakit na kinimkim sa mahabang panahon. Kung talikuran man siya ng binata sa kaniyang ikukwento ay tatanggapin niya.
Matapos ang gabing iyon, mas lalong tumibay ang kanilang relasyon. Hanggang isang araw nga ay sinagot na niya ito. Naging masaya sila sa piling ng isa’t isa. Ngunit kahit gayon ay hindi maalis sa puso ni Alice ang bigat ng nakaraan. Nasaan na kaya ang kaniyang anak? Mabubuting tao kaya ang kasama nito ngayon?
Hindi lingid sa kaalaman ni Alvin na malalim pa rin ang sugat ni Alice dala ng mga nakaraang taon. Kaya naman nagpasya siyang palihim na hanapin ang anak nito. Hindi niya ipinaalam sa nobya dahil tiyak magagalit at tututol, kahit sa kaibuturan ng puso nito ay nais nitong makapiling ang anak at nagsisisi sa ginawa.
Naging matagumpay ang kaniyang imbestigayon ngunit labis siyang nagulat sa resulta noon. Hindi tulad sa inaasahan ni Alice, ang anak nito ay nasa poder ng mga magulang nito!
Sa mga larawang nakalap niya ay mukhang masayang-masaya ang bata sa piling ng abuelo. Halong tuwa at pagkalito ang naramdaman ni Alvin, paano niya sasabihin sa nobya ang lahat?
“Hmm, hon? Naiiisip mo ba minsan… na bumalik sa Pilipinas? Maingat niyang tanong dito isang araw. Agad naglaho ang ngiti nito at yumuko. Ayaw niyang dalhin nito ang bigat habang buhay kaya kinumbinsi niya itong bumalik sila sa Pilipinas at hanapin ang anak nito. Noong una ay maigting ang pagtutol nito, hanggang tila ba unti-unting lumambot ang puso nito. Nais nitong malaman man lang kung ayos lang baa ng kalagayan ng anak, ngunit tanggap niyang hindi na iyon makakapiling.
Labis ang tuwa ni Alvin nang magdesisyon si Alice na magbalik-bayan. Hindi nito alam na matagal na rin niyang kinontak ang pamilya nito at ni walang bahid ng galit o pagkamuhi ang mga ito ‘di gaya ng kinakatakot ng dalaga. Sa halip ay narinig niya sa telepono ang pagtangis ng mga ito at pasasalamat sa posibilidad na makapiling muli ang anak.
Nang makalapag ang kanilang eroplano ay tila ba ayaw bumaba ni Alice. Humigpit ang kapit niya sa kamay ng nobyo at tila ba nahihilo siya sa halo-halong kaba, tuwa, at takot. Nagulat siya nang may tumawag sa kaniyang pangalan. Paglingon niya ay nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang pamilyar na mga mukha. Walang iba kung hindi ang kaniyang ama’t ina! Kung hindi pa siya hilahin ni Alvin ay hindi siya makakagalaw sa kinatatayuan. Naghihintay siyang sampalin siya ng ama at makarinig ng masasakit na salita sa ina ngunit isang mahigpit na yakap lang ang isinalubong ng mga ito sa kaniya. Naluha na rin siya nang makitang pati ang istriktong ama ay lumuluha na rin.
“Lolo… lola?” narinig niyang sabi ng isang bata sa kaniyang likuran. Nanigas ang kaniyang katawan nang magtama ang mata nila ng batang lalaki. Kapareho niya ang mga mata nito… hindi makapaniwalang napalingon siya sa mga magulang.
“Nagkamali kami ng mama mo noon, Alice. Nang iwan kami ng kaisa-isa naming anak ay doon lang naming napagtantong ikaw ang pinakamahalagang bagay sa amin. Sinubukan ka naming habulin ngunit walang balita tungkol sa iyo, mabuti na lang at nahanap namin ang apo naming si Alex at kahit doon man lang ay makabawi kami sa’yo.
Iyon lang at mahigpit na niyakap ni Alice ang batang tinawag na Alex. Tila sasabog ang puso niya nang magtanong ito.
“Ikaw po ba ng mommy ko? Sabi nila lolo dadating ka raw ngayon eh,” sabi nito.
“Anak ko… Alex. Patawarin moa ng mommy mo ha? Simula ngayon ay hinding-hindi na kita iiwan,” umiiyak pa ring sabi ni Alice sa anak.
Simula noon ay masayang nabuo muli ang pamilya. Sa Pilipinas na ring pinili magpakasal ni Alvin at Alex at naging masaya sila.
Lubos na nagpapasalamat si Alice sa Diyos na nanaig pa rin ang pagmamahal sa puso niya higit sa takot, kung hindi ay baka bilanggo pa rin siya ng nakaraan at hindi niya mararanasan ang lubos na biyaya nito sa kaniyang buhay.