
Nais Lasunin ng Ginang ang Kaniyang Asawa dahil Malupit Ito; Natigilan Siya nang Mapagtanto ang Isang Bagay
Tandang-tanda pa ni Salve ang lahat ng matatamis na salita na sinambit sa kaniya ng kaniyang asawang si Ricardo nang sila ay magpakasal. Parang inuugoy siya ng mga anghel sa pagkakataong iyon at lubusan ang pagmamahal nila sa isa’t isa.
Sa puntong iyon ay na siyang mahihiling pa. Nakapangasawa siya ng isang lalaking galing sa isang prominenteng pamilya na may magandang propesyon at bukod doon ay lubusan siyang minamahal.
Tinalikuran ni Salve ang kaniyang propesyon bilang isang guro upang pagsilbihan ang kaniyang mister at ituon ang oras sa pag-aalaga ng kanilang mga anak.
Masaya naman ang mga unang taon ng kanilang pagsasama hanggang sa ang lahat ng kaniyang pinangarap ay bigla naman lamang kinain ng masamang panaginip.
“Punyet@ naman, Salve, wala ka ba sa katinuan mo? Bakit mo kasi nilagay ang kape dito sa mesa ko. Tingnan mo at natapunan ang mga ginagawa kong disenyo! Anong gagawin ko nito?” galit na sigaw ng mister sa asawa.
“P-pasensiya ka na. H-hindi ko naman alam na matatapon. G-gusto ko lang naman na pagtimplahan ka ng kape kasi kanina ka pa riyan at tingin ko ay pagod ka na,” saad ng ginang.
“Oo! Pagod na pagod na ako tapos darating ang isang tulad mong walang utak dito sa silid tapos ay guguluhin ang lahat ng ginagawa ko! Umalis ka na sa harap ko at nagdidilim na naman ang paningin ko sa’yo!” sigaw muli ni Ricardo.
Sa takot ay napaiyak na lamang ang ginang at tuluyang umalis sa silid. Saan na nga ba napunta ang lahat ng masasayang sandali ng kanilang pagsasama?
Simula kasi ng bumagsak ang negosyo ng kaniyang asawa ay naging mainitin na ang ulo nito. Madalas ay hindi na niya ito makausap ng maayos at sa mga pagkakataon na mainit ang ulo ng ginoo ay si Salve ang kaniyang napagbubuntungan.
“K-kanina nga pala, may tumawag sa iyo sa telepono. Alam ko na ayaw mong maabala kaya sinabi ko na tumawag na lamang siyang muli,” nangangatal na sambit ni Salve sa mister.
“Sino daw?” inis na tanong ni Ricardo.
“Si Ginoong Bernardo Mendez daw,” tugon ng misis.
Nanlaki ang mata ni Ricardo pagkasambit ni Salve sa pangalang ito.
“Punyet@ ka! Bakit hindi mo ako tinawag? Wala ka talagang alam! Isa sa mga kilalang mayaman at dati kong kliyente yang si Ginoong Mendez. T@nga mo talaga! Wala kang utak, hindi mo man lang sinabi kaagad sa akin!” sambit ng mister habang dinuduro sa sentido ang ginang.
Agad nitong kinuha ang telepono at tinawagan ang nasabing ginoo. Nasaktan si Salve sa masasakit na salitang nabitawan sa kaniya ng kaniyang asawa.
“Ma, bakit mo hinahayaan na ginaganyan ka ni papa? Kung gusto niyo pong umalis na tayo ay sasama po kami sa inyo,” saad ng panganay nilang anak na si Jasmine.
“Pabayaan mo na, anak. Kunwari ay wala ka na lang nakita. Kasalanan ko naman talaga,” pilit na pinipigil ng ina ang kaniyang luha dahil ayaw niyang masaktan ang anak.
Ngunit hindi maiaalis sa mga anak nila na masaktan dahil sa ginagawang pagmamalupit ni Ricardo sa kaniyang maybahay.
Isang araw ay umuwing mainit ang ulo ni Ricardo dahil hindi nito nakuha ang proyekto ng nasabing kliyente. Sinisi niya si Salve dahil sa katangahan daw nito. Sa labis niyang galit ay hindi na niya naiwasan pa na pagbuhatan ng kamay ang ginang. Pilit na pinapatigil ni Salve ang asawa sa pananakit sa kaniya ngunit tila bingi na ito dahil sa matinding galit.
Walang ginawa si Salve kung hindi umiyak ng puntong iyon. Higit kasi sa emosyonal na sakit ay mas masakit na sinaktan ka ng asawa mo ng pisikal.
“Ang sabi nila mas masakit daw kapag sinaktan ka ng emosyonal, pero mas masakit pala talaga ng literal ang saktan ka ng pisikal. Hindi lamang dahil sa mga pasang ito, mas masakit sapagkat ang gumawa nito ay ang pinakamamahal ko!” pagtangis ni Salve sa anak.
Sumasama na rin ang tingin ng mga anak sa kanilang ama. Dahil sa galit na namuo sa damdamin ni Salve ay pinagplanuhan niyang lasunin ang asawa.
“Hindi ko na makakaya pa ang lahat ng pananakit mo at pagpapakababa ng pagkatao ko. Minahal kita pero ito lang ang igaganti mo sa akin,” sambit niya sa sarili habang inilalagay ang l@son sa inumin ng asawa.
Takot man ay ibinigay ni Salve ang inumin sa kaniyang asawa. Sa puntong iyon ay akala niya ay desidido na siya sa kaniyang gagawin. Hindi maalis ang kaniyang pagkakatitig sa kaniyang asawa at sa inuming may l@son.
Habang nangyayari ang lahat ng ito ay bumalik sa kaniyang alaala ang tamis ng kanilang sumpaan noon at ang saya ng kanilang pamilya kapiling ang mga anak. Nang tangkang iinumin na ni Ricardo ang inuming binigay ni Salve at agad itong tinabig ng ginang.
“Hindi ko kaya!” napaluhod na lamang si Salve sa pag-iyak.
“Kahit na malupit ka sa akin, Ricardo, ay hindi ko kaya! Mahal na mahal kita at alam kong mahal ka rin ng mga bata. Ayaw kong mawalan sila ng ama at kung makukulong ako ay mawawalan sila ng ina,” patuloy sa paglalahad ang ginang habang umiiyak.
“Ano ba ang ibig mong sabihin, Salve?” sigaw ng asawa.
“Nilagyan ko ng l@son ang inumin mo, Ricardo. Hindi ko na kasi makayanan ang lahat ng ginagawa mo sa akin. Pero, hindi ko pala kaya! Hinding-hindi ko kaya!” pagtangis muli ng ginang.
Hindi makapaniwala si Ricardo sa kaniyang narinig. Muntik na palang manganib ang kaniyang buhay. Ngunit hindi galit ang kanilang naramdaman habang nakikita niyang nakaluhod ang asawa at humihingi ng kapatawaran.
Napagtanto niya ang lahat ng kaniyang maling nagawa parang muling nabuksan ang kaniyang mga mata sa katotohanan. Pinagmasdan niya ng matindi ang asawa at laking gulat niyang mapansin ang laki ng pagbabago dito. Ang dating masaya at magandang si Salve ay bagsak ang katawan at bakas sa mukha ang paghihirap.
Niyakap niya ang asawa.
“Patawarin mo ako, Salve, sa lahat ng nagawa ko sa’yo! Hindi ko na kilala pa ang sarili ko! Patawarin mo ako!” sambit niya sa asawa.
Niyakap na lamang siya ni Salve.
“Mahal kita. Mahal na mahal kita, Ricardo!” tanging nasambit ni Salve sa kaniyang mister.
Tinapos ng kanilang mga yakap ang lahat ng madidilim na araw na naganap sa kanilang pagsasama. Sa puntong iyon ay nangako si Ricardo na hindi na magbabago na siya at hindi na sasaktan pang muli ang asawa. Muling nanumbalik ang kanilang masaya at matamis na pagsasama kabilang ang kanilang mga anak.
Sa pagbabago ni Ricardo ay kasunod din ang muling pag-angat ng negosyo nito. Kahit na hindi na ito kasing unlad tulad ng dati ang mahalaga ay sama-sama silang pamilya at kahit kailanman ay hindi na niya bibiguin pa ang kaniyang mapagmahal na asawang si Salve.