Tingin ng Biyenan ay Nagseselan Lamang ang Buntis na Manugang; Nang Magpunta Ito sa Ospital ay Ikinagulat Nila ang Nangyari

Tingin ng Biyenan ay Nagseselan Lamang ang Buntis na Manugang; Nang Magpunta Ito sa Ospital ay Ikinagulat Nila ang Nangyari

FamilyMiracleStories

“Mahirap ang magbuntis sa panahon ngayon, Dina. Kaya pigilan mo ang sarili mo kapag naghahanap ka ng kung anu-ano para hindi ka magselan. Minsan pa naman kapag nalaman mong buntis ka ay damang-dama mo ang mga nararamdaman mo sa katawan. Kunwari ay naglilihi pero hindi naman,” saad ni Aling Lourdes sa kaniyang manugang na si Dina. 

“Nagpapahanap lang naman po ako ng mangga at bagoong kay Rudy. Nasusuka po kasi ako at gusto ko ng maasim,” paliwanag naman ni Dina sa byenan.

“Magsisimula sa mangga. Tapos ang susunod ay pahihirapan mo na ang anak ko na humanap sa dis-oras ng gabi ng kung ano-anong nanaisin mo. Kaya nga habang maaga pa ay h’wag mong sanayin ang sarili mo na ganiyan. Ikaw rin, pare-parehas tayong mahihirapan,” wika pa ng matanda. 

Hindi naman talaga nais ni Dina na maramdaman ang ganito. Pero talagang hinahanap ng kaniyang bibig ang mangga. Marahil ay dahil na rin sa sama ng kaniyang pakiramdam buhat ng magbuntis sa unang pagkakataon.

Ang nagpapahirap pa lalo sa ginang ay ang pakikisama sa kaniyang biyenan na nakatira sa bahay nilang mag-asawa. Bawat kibot kasi niya ay may nasasabi ito. Imbis na tuloy tamasahin niya ang sarap ng pagiging unang beses na ina ay hindi niya ito magawa dahil natatakot siya na baka may masabi sa kaniya ang nanay ng kaniyang asawa. 

“Rudy, medyo sumasakit ang tagiliran ko dito sa bandang puson. Kanina pa kasi ito, baka kailangan ko ng magpatingin,” pahayag ni Dina sa asawa. 

“Magbihis ka at dadalhin kita ngayon kung iyan ang nais mo, mahal,” tugon naman ng mister nito. 

“Hindi na kailangan. Normal ang ganiyan. Naku, may maramdaman ka lamang na kakaiba ay napapraning ka na. Ganiyan talaga kapag buntis may mga sasakit sa iyo. Hindi mo pa naman kabuwanan,” wika ni Aling Lourdes. 

“Ang hihina talaga ng mga babae ngayon. Noong panahon na buntis ako ay ako pa rin sa mga gawaing bahay. Inaalagaan ko pa ang ibang kapatid niyang asawa mo. Saka ako pa rin ang naglalaba, nagluluto at naglilinis ng bahay. H’wag mong sasanayin na konting kibot ay pupunta ka agad ng ospital. Gastos lang ang gusto mo,” dagdag pa ng matanda. 

Dahil sa pagtutol ng biyenan ay wala nang nagawa pa si Dina kung hindi pumasok na lamang ng silid at magpahinga. Baka nga naman tama ito na ganoon talaga kapag nagbubuntis ang isang babae. 

Kinabukasan ay naging mabuti na rin ang pakiramdam ni Dina pero pinakikiramdaman pa rin niya ang kaniyang sarili. Upang hindi mabagot sa pagpapahinga ay inilabas na lamang niya ang ibang gamit ng anak upang kaniyang burdahan ng pangalan nito. 

Maya-maya ay nakita na naman ng biyenan ang mga damit na kaniyang inihahanda para sa anak.

“Bakit hindi purong puti ang mga ito? Kailangan kapag sanggol ay wala silang ibang kulay na susuotin kung hindi puti. Itabi mo na lang muna ang mga iyan at saka mo na ipasuot. Ilabas mo na lang muna itong mga puti,” sambit ng biyenan. 

Dahil ayaw na ni Dina na ma-istres ay sinunod na niyang muli ang matanda. 

Ilang linggo pa ang lumipas at malapit na ang kabuwanan ni Dina. Hindi na makapaghintay ang mag-asawa na makita na nila sa wakas ang kanilang supling. 

Dumating na ang araw ng kabuwanan ng ginang. Minsan ay nakakaramdam na ito ng paghilab. 

“Sabi ng doktor ay kapanganakan ko na bukas, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakaramdam ng hilab,” sambit niya sa asawa. 

“Gusto mo ba ay dalhin na kita sa ospital, mahal?” tanong ng asawa. 

“Hindi na kailangan, Rudy. Ganiyan talaga kapag panganay. Minsan ay lalagpas pa ng dalawang linggo bago siya manganak. Iba ang hilab ng manganganak na. Hindi ganiyan na tila naitutulog pa niya,” saad ng biyenan. 

“Pero, Rudy, iba na talaga ang nararamdaman ko. Madalas ang paghilab ngunit nawawala din. Hindi nga ganoon kasakit ngunit may iba akong nararamdaman. Hindi na masyadong magalaw ang bata,” pahayag ni Dina. 

“Talagang ganiyan! Masikip na siya sa loob ng sinapupunan mo paano pa siya gagalaw? H’wag kang magmadali, Dina. Kapag ganiyan ka ng ganiyan ay baka maoperahan ka pa. Gustung-gusto pa naman iyon ng mga doktor dahil malaki ang bayad doon!” sambit muli ni Aling Lourdes. 

Ngunit kahit ano pa ang sabihin ni Aling Lourdes ay iba na talaga ang pakiramdam ni Dina. Hindi na siya mapakali.

“Rudy, hindi na magalaw ang bata sa tiyan ko. Dalhin mo na ako sa ospital,” pakiusap ng ginang.

“Parang naniniwala kasi ako sa sinabi ni nanay, mahal. Baka mamaya ay maoperhan ka pa sa pagmamadali mo. Hintayin mo na lang lumabas ang bata,” pahayag ng mister. 

“Rudy! Makinig ka sa akin. Ako ang nagbubuntis at kabisado ko ang galaw nitong bata  sa tiyan ko! Kailangan akong matignan ng doktor. Kung sabihin niya na wala, ay e ‘di wala. Iuwi mo na ako sa bahay na ito. Pero makinig ka sa akin ngayon! Kahit ngayon lang, Rudy. Buhay namin ng anak mo ang nakasalalay dito,”  giit ni Dina sa asawa. 

Dinala ni Rudy si Dina sa ospital. Nang masuri ang ginang ng doktor ay laking gulat nila na kailangan na nitong sumailalim sa operasyon. 

“Hinog na hinog na po ang bata at kailangan na po siyang mailabas kung hindi ay baka makakain pa siya ng dumi at kung ano pa ang mangyari sa kaniyang hindi maganda. Hindi po lumalaki ang balakang ng inyong asawa kaya hindi po mailalabas ang sanggol sa normal na paraan,” paliwanag ng doktor. 

Agad na sumailalim si Dina sa isang operasyon upang mailabas niya ang bata. Makalipas lamang ng ilang minuto ay dumumi na ito. Mabuti na lamang ay agad itong nailabas kung hindi ay impeksyon ang aabutin nito at baka mamaya pa ay malagay sa alanganin ang buhay ng bata. 

“Tila isang mirakulo ang nangyari dahil tamang-tama sa oras ang paglabas ng bata. Mabuti na lamang ay pumunta kayo agad dito sa ospital. Kung nahuli pa kayo ng ilang oras o ipinagpabukas pa ay maaaring malagay sa hindi magandang sitwasyon ang asawa at anak mo,” wika muli ng doktor kay Rudy. 

Nabahala si Rudy sa kaniyang nalaman. Mabuti na lamang pala ay nagpumilit ang kaniyang asawa. Nang malaman naman ito ni Aling Lourdes at lubusan ang kaniyang pagkapahiya. Kung may nangyari kasi sa bata ay tiyak na nasa kaniya ang sisi sa pangingialam nito. 

Nailabas ang sanggol sa tamang pagkakataon at wala itong kasing lusog. Mabuti na lamang ay pinakinggan ni Dina ang kaniyang kutob at naisalba ang buhay nilang mag-ina. 

More Stories