Inday TrendingInday Trending
Kaibigan Kong si Jonas

Kaibigan Kong si Jonas

“Natatandaan ko pa noon ang isa kong kaklase na ubod ng laki ang utak pagdating sa biruan at kalokohan. Pangalanan natin siyang Jonas. Siya ‘yung tipong hindi kagwapuhan ang hitsura at madalas napipintasan noong hayskul pa. Hindi rin siya katalinuhan sa klase kasi madalas ko siyang tinutulungan, lalo na sa matematika at siyensya. Kahit ganito ay hindi ito hadlang para siya ang maging pinakamasaya kong kilala,” wika ni Brent.

“Brent, tara kain tayo, siomari-rice.” sabi sa akin ni Jonas.

“Sige lang, libre mo ako?”

“Oo, kwento libre ko sa’yo.”

“Tange, hindi, gusto ko ng sprite boy.”

“Gusto ka ba?” tanong ng binatilyo.

Masaya kasama si Jonas. Kapag oras na ng klase ay siya ang nagbibigay sigla sa tuwing tahimik na mga oras. Gagawin niyang sitwasyong puno ng tawanan ang kahit anong pangyayari. Hindi siya nauubusan ng masasabi, lalo na kung lalaitin niya ang mga kaklase nilang hindi ganun kaganda ang pag-uugali.

“Ma’am, si Rene Descartes po ang nagsabi niyan!” sagot ni Ricardo, ang mayabang nilang kaklase noon.

“Very good Ricardo!” sabi ng kanilang guro.

“Of course, ako pa ba ma’am?” at tatawa ito ng ubod na nakakapikon na tawa.

“Share mo lang Cardo?” biglang satsat ni Jonas.

“Wala kang paki-alam, Jonas!” sagot ni Ricardo.

“Meron kaya, pinansin kita, kawawa ka naman, walang tumatawa sa biro mo,” anito.

“Anong biro pinagsasabi mo?”

“Ah hindi ba biro ‘yung kanina? Akala ko biro ‘yung marami kang alam.”

Nagtatawanan na ang klase sa away ng dalawa.

“Hoy kayong dalawa, tumigil nga kayo! Umiingay ang klase eh,” biglang sigaw ng kanilang guro.

“Sorry ma’am!” humingi ng paumanhin si Jonas, samantalang nanahimik na lang si Ricardo.

“O kung nabuhayan ka na ng loob, Jonas, basahin mo nga ang susunod na pahayag sa kwento,” wika ng guro.

“Bat ma’am, inglish no good tu mi.” pabirong sinabi ni Jonas na nagpatawa sa buong klase.

“Basahin mo na at nang matuto ka!”

“Okay. He is beri eksayted tu si de park tudey.” pabiro pa nitong sabi.

Sa ganoong pagkakataon ay hirap na hirap nang pigilan ang tawa ng buong klase ni Brent. Paano ba naman, kung magsalita itong si Jonas ay sumasabay sa biro nito ang paggalaw ng mukha.

Matapos basahin ay pina-upo na ng guro si Jonas, marahil sumasakit ang ulo sa estudyante. Nagtuloy ang klase habang nagdadaldalan lang sina Jonas at Brent tungkol kay Ricardo. Ginagaya ni Jonas mula sa paghawi ng buhok ni Ricardo hanggang sa pananalita. Pilit tinatago ni Brent ang pagluluha sa tagong pagtawa. Sa totoo lang, pwede nang mapadala sa guidance si Jonas at Brent noon dahil sa istorbong nadudulot nila sa mga klase.

“Oh recess niyo na, huwag ninyo kalimutan magdala ng illustration board bukas ha?”

“Opo Ma’am Martinez!” sabay-sabay nilang sagot.

“Tara Brent, unli-bente tayo!” sabi ni Jonas.

“Anong unli-bente?” biglang napakamot ng ulo ang kausap.

“Unli-bente, bayad ka bente tapos tumusok ka nang tumusok ng fishball at kwekwek.”

“Sira-ulo! Huwag mong gagawin ‘yan!”

“Joke lang, ito naman hindi mabiro, sabagay mukha ko kasi mukhang biro.”

“Boy, kumusta kayo ng bebe mo, si Ashley?” tanong sa akin ni Jonas.

“Okay lang naman, busy siya ngayon sa thesis nila. ABM pa pinili eh.”

“Tayo nga STEM eh, lalo na ako, walang alam sa math,” biglang tawa ni Jonas.

“Oy hindi naman, may alam ka naman sa math ‘di ba?”

“Oo, one plus one is Magellan. Two plus two is–

“Huwag mo nang ituloy, sira-ulo ka talaga kahit kailan.” at nagtawanan ang dalawa habang kumakain. Saksakan talaga ng kalokohan itong si Jonas.

“Napapansin ko rin ngayon lang na dumadalas ang mga biro niya na pinapatamaan niya ang sarili. Noon hindi ko pa napapansin gaano at akala ko may bago lang siyang materyal sa mga biro niya. Nagdaan ang mga araw at bigla akong may balita kay Jonas. Sumali raw siya sa isang samahan sa eskwelahan at posisyong bise presidente ang tinatahak niya. Nagulat ako kasi ngayon ko lang nalaman ang plano niya, kaya agad ko siyang hinanap,” wika ni Brent sa isip

Kasama ni Jonas ang mga kapartido niya. Halatang ganado sa kanilang pangangampanya. Lumapit si Brent kay Jonas para kumustahin ito.

“Oh boy bakit nandiyan ka? Hindi ‘yan pila ng jueteng oy!” pabiro niyang sabi.

“Hindi, pila ng NFA ‘to. Mamimigay kami ng kanin kaya may mga bitbit kaming bag,” hirit naman ng kaibigan at nagtawanan ang lahat ng nasa grupo.

“Bakit ngayon ko lang nabalitaan ito?” tanong niya kay Jonas.

“Gulat ka no? Imaginin mo mga iba nating kaklase kapag nalaman nilang tatakbo ako,” sagot ng kaibigan na at sumikat ang ngiti ng kalokohan.

“Oy hindi biro iyang papasukin mo, tandaan mo ‘yan. Namamahala ka na ngayon.”

“Oo naman, ako lang mismo ‘yung biro. Hindi, joke lang!” na tila medyo pinilit ang tawa.

Isa-isa ay nilibot ng partido ang bawat silid sa eskwelahan. Isa-isa ay nangampanya ang bawat miyembro. Dumating na ‘yung oras na sa klase ni Brent sila nangampanya. Simula year level representative hanggang sa pangulo ay magaganda ang mga piyesa na gawa nila. Pulido, malinaw, at nakakagana, at ito namang kay Jonas:

“Gudmurning Ibriwan! May neym is Jonas Pamintuan, as in Nick Jonas. Charot! Hindi na lang ako mag-iingles, sapagkat mas magandang gamitin ang sariling atin. Ikaw, ginagamit mo ba ang iyong-iyo? Kung oo, edi mabuti kasi sa aming partido, ikaw ang panalo! Mukha ko man ay butas-butas, pwes mga pangako ko’y walang kupas. Gusto niyo ba ng palaro na lahat ay panalo? Pwes sali na sa aming programang ‘Laruan’ na kahit sumali ka lang ay may premyo ka na agad na kendi, na pinangsusukli sa akin lagi ng tindera sa amin! Charot! Tuklasin ang inyong kakayahan sa iba’t ibang laro na gawang Pinoy! Ate, kuya, natatakot ka ba? Bakit ko nagtatanong? Hindi ko rin alam kung bakit. Charot! Tara na at sumali sa kauna-unahang horror event sa ating eskwelahan, ang “Katotohanan”! Oh ‘diba, nakakatakot? Salita pa lang, parang ayaw mo na! Halina at tunghayan ang isang exhibit na nagpapakita ng mga iba’t ibang paniniwala at nilalang sa bawat grupong etniko sa ating bansa! Bago ako umalis sa entabladong ito, nais ko lang sabihin na bumoto kayo ng tama, wasto at angkop sa puso niyo. Muli, ako ay si Jonas Pamintuan, running for the position of VP! Ops, hindi Vovo Pamintuan, hindi rin Very Poging Jonas, kung hindi Vice President Jonas Pamintuan!”

Noong natapos ang kanyang piyesa ay lahat ng mag-aaral sa silid ay tumayo at nagpalakpakan. Sobrang natawa at naiyak sa kakatawa ang mga kaklse ni Brent sa taba ng utak ni Jonas. Pinagmamalaki ni Brent ang kanyang kaibigan na si Jonas. Hindi pa doon nagtapos ang kalbaryo nila at naglibot pa sila sa iba’t ibang silid. Kinopya na ni Brent ang mga kailangang aralin para may kopya si Jonas pagktapos ng pangangampanya nila.

Isang buwan na nakalipas at naitala na ang mga nanalo sa eleksyon. Hindi na nagduda si Brent at panalo si Jonas! Ilang daang agwat ang nakuha nito mula sa kalaban. Laking tuwa ni Brent noon na ‘yung kaibigan niya ang nanalo bilang bise presidente ng eskwelahan. Gusto sana ni Brent na kumustahin ang kaibigan, kaso hindi raw pumasok si Jonas, wala raw alam ang partido kung bakit walang paa-pa-alam si Jonas. Sinubukan ni Brent na itext noon:

“Boy, saan ka? Panalo ka! Dalian mo at kain tayo sa labas, libre ko.”

Umabot na ang gabi at wala pa ring reply si Jonas. Kaya umuwi na lang muna si Brent at nagpahinga na lang ang binata. Hindi namalayan ni Brent na nagtext na pala si Jonas; ngunit tulog na siya noon. Pagkagising, nakita agad ni Brent ang text ni Jonas:

“Boy,” sabi sa text.

“Ano na boy? Saan ka?” kaso, wala nang sumunod na text pa.

“Boy, Jonas, tatlong buwan na rin ang nakalipas. Malungkot kaming lahat. Wala nang nag-iingay sa klase. Wala nang nang-aasar kay Cardo. Hindi ko akalain na huli mong text sa akin ay ‘yung umagang ‘yun. Anong nangyari sa’yo? Pero, okay lang. Masaya ka ba diyan? Sigurado ako pinapatawa mo na mga kasama mo diyan. Pati ang Panginoon, pinapatawa mo rin. Nami-miss ka na namin boy. Bakit ka lumipas bigla?” bulong ni Brent sa sarili habang umiiyak sa puntod ng matalik niyang kaibigan.

“Paalam, Jonas. Hanggang sa magkita ulit tayo.”

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement