Inday TrendingInday Trending
Sila ang Nagtanim, Pero Wala Silang Aanihin

Sila ang Nagtanim, Pero Wala Silang Aanihin

“Ginoong Harold! Baka pwede niyo naman kaming tulungan! Maawa na po kayo! Kami ang naghihirap na magtanim pero kami ang walang makain!” daing ng isang magsasakang halos lumuhod na sa harapan ng munisipyo sa isang lalawigan.

“Magkaroon ka naman ng puso Ginoong Harold! Ikaw na lang ang pag-asa namin! Tulungan mo kami! Nagugutom na kami!” sigaw ng isa pang magsasakang ale habang karga karga ang isang batang babaeng labis kung makaiyak.

Halos araw-araw ganito ang naririnig ni Ginoong Harold sa labas ng kanyang opisina. Naubusan na kasi ng supply ng bigas ang kanilang buong lalawigan. Maraming magsasaka ang tumigil na sa pagtatanim bunsod na rin ng nagbibitak-bitak na lupang mayroon sila dahil sa init.

Si Ginoong Harold ang namumuno sa lugar. Noong una ay labis ang tuwa ng mga magsasaka dahil mataas ang palitan ng kanilang mga aning palay, nakakaipon pa sila at nakabibili ng mga pagkain, ngunit hindi nagtagal pababa na ito nang pababa hanggang sa hindi na sila binabayaran. Katwiran ng namumuno, mababayaran lamang sila kapag naibenta na ang kanilang mga aning palay.

Ngunit dumaan na ang mga araw, wala pa rin ni pisong napupunta sa kanilang mga kamay. Halos lahat sila ay kumakalam na ang sikmura.

“Akala ko pa naman sa pamumuno ni Ginoong Harold matutugunan na ang ating mga karapatan.” minsang daing ng isang magsasaka.

“Mukhang gutom na ang magiging rason para sumakabilang buhay tayo. Kalian pa kaya aagos ang ginhawa? Por que mga magsasaka lamang tayo, ganon na nila tayo tinatapak-tapakan. Kita mo pupunta sila upang kumuha ng palay saka aalis ng wala man lang pahintulot.” mangiyak-ngiyak na sabi ng isa sa mga beteranong magsasaka sa lalawigan.

Lumipas pa ang mga buwan at patuloy na nagwewelga ang mga magsasaka sa harapan ng opisina ni Ginoong Harold.

“Ginoong Harold! Hayaan mo naman na makakain kami kahit na mahirap lang kami!” ani ng isang magsasaka, napatigil naman si Ginoong Harold sa pagbabasa sa loob ng opisina.

“Umalis kana sa kinauupuan mo kung hindi mo ito masosulusyunan!” ika ng isang magsasaka, napatayo na siya at bahagyang sumilip sa bintana.

“Habang ikaw nakaupo sa de-aircon na silid, andito kami nakabilad sa init at nagmamakaawang tulungan mo kami para makakain!” mangiyak-ngiyak nang sigaw ng isang ale, bahagya siyang napaluha sa nakitang ale na halos mapaupo na sa semento.

“Hindi ka Diyos para kitilin ang mga buhay namin!” sigaw ng isang dalagitang babae, habang nakatitig sa kanyang mga mata, dali-dali niyang sinara ang bintana.

Bigla siyang kinalibutan. Labis ang takot na nararamdaman niya ng biglang may magbukas ng kanyang pintuan. Napasigaw siya sa takot.

“Ah, Ginoong Harold, okay lang po ba kayo?” nag-aalalang ani ng isa sa kanyang mga emplayado.

“Ayos lang ako, andyan pa ba yung mga magsasakang nagwewelga? Pwede ba paalisin mo na? Naririndi na ako.” inis na sabi ni Ginoong Harold habang hawak-hawak ang kanyang kaliwang dibdib.

“Ah Ginoo, wala pong mga magsasaka sa labas. Ang totoo po niyan mga pulis po ang nasa labas, kanina pa po kayo hinihintay.” ani nito, hindi makatingin sa mata ni Ginoong Harold.

“Anong mga pulis? Bakit? Saka kitang-kita ko yung mga magsasaka sa labas! Ako ba niloloko mo?” sigaw ni Ginoong Harold, dahilan para pumasok na ang mga pulis sa silid.

Tagaktak ang pawis ng lalaki, walang ibang nagawa kundi ang magsumiksik sa sulok. Tinakpan niya ang dalawang tenga na animo’y naririndi.

“Ginoong Harold Espectacion, inaaresto po namin kayo sa salang pagp*a*tay,” sabi ng isang pulis.

Doon natauhan ang lalaki. Oo nga pala, isang buwan na ang nakalipas nang matuliro siya at atasan ang mga tauhan na kitilin na lamang ang buhay ng mga magsasakang walang tigil sa welga.

Ang mga naririnig niya pala araw araw ay ang kanyang konsensya.

“Labis na kasi ang bigat na binibigay nila sa akin. Ginagawa ko naman ang lahat para mabigyan sila ng sapat na pagkain kapalit ng mga palay nila ngunti ewan ko ba. Nadala na ako ng inis at takot nab aka ikalat nila ang balitang kinukumpiska ko ang mga ani nilang palay para ibenta sa ibang lalawigan.

Ngayon napagtanto ko na sobrang mali ng ginawa ko. Napakamakasarili ko, inisip ko lang yung posisyon ko, imbis na ang mga mamamayan ng aking buong lalawigan.” nakatungong pag-amin ni Ginoong Harold sa presinto ng pulisya.

Pumayag siya na mabilanggo kapalit ng kanyang mga ginawa. Napatalsik siya sa kanyang pwesto at napatungan ng mga kaso.

“Siguro nga mas mabuti na ito, kaysa araw-araw akong nakokonsensya sa ginawa ko. Marapat lamang na pagbayaraan ko lahat ng ito. Patawarin niyo ako mga mahal kong kababayan, patawarin mo ako Diyos ko.” iyak niya sa kanyang selda.

Ang labis na kapangyarihan ay walang buting maidudulot sa isang tao. Natututo tayong maging sakim, umaabot pa sa puntong mananakit ng kapwa para lang magtagumpay. Palaging panatilihin ang paa sa lupa, kapag nahihirapan na ay lumapit sa Diyos dahil Siya ang magtuturo ng solusyon sa ating mga problema. Sa paraang tama.

www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement