Ipinahiya Niya Noon ang Kaibigang May Gusto sa Pangit na Lalaki; Siya Naman ang Napahiya sa Muli Nilang Pagkikita-kita
“Hi, Gela,” nahihiyang bati sa kaniya ni Dino.
Ismid ang isinukli niya rito bago taas noo niya itong nilampasan.
“Gela, grabe ka naman kay Dino! Ang bait bait nung tao, bakit mo naman ginaganun?” sita sa kaniya ng kaibigang si Carmela.
“Hay naku, naiinis kasi ako sa lalaking ‘yun! Ang lakas lakas ng loob na lapit lapitan ako! Wala yatang salamin sa bahay nila!” inis na paliwanag niya sa kaibigan.
Pangit kasi ang lalaki. May sunog ang kaliwang panig ng mukha nito. Nakuha nito iyon mula sa isang car acc*dent sangkot ang buong pamilya nito.
Hindi lamang ito magawang asar-asarin ng kanilang mga kaeskwela dahil ito ang nag-iisang anak ng may-ari ng eskwelahan na pinapasukan niya.
At siya – siya lang naman ang pinakamagandang babae sa kanilang eskwelahan.
Maraming lalaki ang nagkakandarapa sa kaniya. At hindi pa siya nahihibang para patulan si Dino!
“Hindi maganda ‘yan ha. Hindi naman nasusukat sa panlabas na loob ang katapatan ng pagmamahal ng isang tao,” naiiling na kastigo nito sa kaniya.
“Nasasabi mo lang ‘yan kasi–”
Napahinto siya sa sasabihin. Hindi niya naman kasi direktang masabi rito na hindi siya nito maiintindihan dahil kagaya ito ni Dino na pangit. Pangit din kasi si Carmela.
“Kasi ano?” kunot noong usisa nito.
“Kasi masyado kang mabait,” pagdadahilan niya na lamang upang hindi ito masaktan.
Napabuntong hininga na lang ito. “Gela, kung ayaw mo kay Dino, sabihin mo sa kaniya. Hindi ‘yung dinadaan daanan mo lang ‘yung tao,” payo nito.
Patagong napairap na lang si Gela sa kaibigan. Kung minsan talaga ay masyado itong pakialamera. Kung hindi lang siya nito tinutulungan sa mga gawain sa eskwelahan ay hinding hindi niya ito kakaibiganin.
Sumapit ang araw ng kanilang pagtatapos.
Kinagabihan ay may ginanap na sayawan bilang selebrasyon sa kanilang pagtatapos.
Talaga namang tingkad na tingkad ang kagandahan ni Gela kaya naman halos hindi maubos ang mga lalaki sa na nais makipagsayaw sa kaniya.
Sa kaniyang tabi ay tahimik lamang na nakaupo si Carmela. Lihim siyang napangiti dahil tila walang nais na makipagsayaw dito.
Agarang uminit ang ulo niya nang makitang papalapit si Dino. May malawak na ngiti ito na nakahanda para sa kaniya.
“Gela, maaari ba kitang maisayaw?” tanong nito.
Napangisi siya bago sinagot ang lalaki.
“Dino, wala ba kayong salamin sa bahay?” taas kilay na tanong niya. Sa kaniyang gilid ay nararamdaman niya ang paghawak ni Carmela sa braso niya, na tila pinipigilan siya sa anumang nais niyang sabihin sa lalaki.
“Ha? Bakit mo naman natanong?” naguguluhang sagot nito.
“Kasi parang hindi mo nakikita ang repleksiyon ng mukha mo sa salamin! Hindi mo nakikita kung gaano ka kapangit? Ang kapal ng mukha mong lapit lapitan ako na para bang may pag-asa ka sa akin!” matalas na singhal niya rito.
“Gela! Ano ka ba?! Tama na ‘yan!” sigaw sa kaniya ni Carmela.
Unti-unting napayuko ang lalaki. Ang mata nito ay nabalot ng lungkot habang pulang pula ang tainga nito sa pagkapahiya. Tila itinulos ito sa kinatatayuan.
Inis na nilingon niya ang kaibigan.
“Ikaw naman! Bakit ba lagi mong kinakampihan si Dino? May gusto ka ba sa pangit na ‘yan?” baling niya sa kaibigan.
Nagulat siya sa isinagot nito.
“Oo! Gusto ko si Dino! Kasi mabait siya at mabuti ang loob! Ikaw, maganda ka lang, pero masama ang ugali mo!” matapang na pag-amin nito.
Galit na dinuro niya ito.
“Tama ‘yan! Magsama kayo, pareho kayong pangit! Kaya lang naman kita kinaibigan dahil matalino ka. Ngayong graduate na tayo, wala na rin akong pakinabang sa’yo!” sigaw niya rito bago nagdadabog na nilisan ang lugar na iyon.
Iyon na ang huling pagkakataon na nakita niya si Carmela at Dino. Sa Maynila kasi nag-aral ang dalawa habang siya ay nanatili sa probinsiya.
Lumipas ang maraming wala siyang naging balita sa dating kaibigan. Kaya naman laking gulat niya nang isang araw ay magtagpo ang kanilang landas.
“Carmela, ikaw na ba ‘yan?” nanlalaki ang matang wika niya sa isang pamilyar na babae na kasalukuyang namimili ng sapatos.
Nakilala niya agad ang babae dahil tila walang pinagbago ang babae. Batang bata pa rin ang itsura nito na para bang wala itong problema sa buhay.
“Gela?” tila hindi siguradong wika nito.
“Oo, ako ‘to, si Gela!” kumpirma niya.
Napangiti ang babae. Mukha pareho silang limot na ang naging dati nilang alitan.
“Kumusta ka na?” nakangiting wika nito habang pasimple siyang pinapasadahan ng tingin.
“Eto, may asawa na at dalawang anak. Kaya tingnan mo, losyang na dahil sa konsumisyon sa asawa at mga anak!” Napahagikhik siya. “Ikaw, mukhang single ka pa, ah?” puna niya rito.
“Naku, hindi, tatlo na ang anak ko!” sagot nito.
Ikinagulat niya ang bagay na ‘yun dahil tila dalagang dalaga pa rin ang hitsura nito.
“Wow! Grabe, ang sexy mo naman para sa isang nanay! Anong sikreto mo?” kuryosong usisa niya rito.
Napahagikhik ang babae. “Wala, ano ka ba. Maalagang mister lang,” sagot nito.
Sumagi sa kaniyang isipan ang mukha ng kanilang kaklaseng si Dino.
“Hindi naman siguro ang pangit na si Dino ang napangasawa mo, hindi ba?” alanganing biro niya.
Nawala ang ngiti sa labi nito. Ngunit agad ring bumalik nang lumapit sa kanila ang isang gwapong lalaki.
“Ayan na pala ang asawa ko,” wika nito.
“Ang gwapo naman ng asawa mo! Mabuti na lamang at hindi si Dino ang nakatuluyan mo ano? Ang pangit kaya nun!” natatawang komento niya.
Nagulat siya nang batiin siya ng lalaki.
“Gela. Ikaw pala ‘yan!” bati ng lalaki.
“Teka, bakit kilala mo ako? Naikwento ba ako sa’yo ni Carmela? Kaklase ka ba namin dati?” hindi magkaugagang usisa niya rito.
Napanganga siya sa sinagot nito.
“Ako ito, si Dino.”
“H-ha? P-paanong ikaw si Dino? Pangit ‘yun, samantalang gwapo ka!” naguguluhang usisa niya.
“Nagpaayos ako ng mukha sa isang espesyalista. Ayokong tinutuligsa si Carmela dahil lang sa itsura ko. Marami kasing tao ang malakas talaga manghusga na para bang perpekto sila,” pagkukwento nito na tila may halong pasaring.
Nahiling niya na sana ay lamunin siya ng lupa sa labis na pagkapahiya. Alam niya kasing isa siya sa mga humamak sa pagkatao nito.
Mabilis siyang nagpaalam sa mag-asawa nang maalalang ilang beses niyang tinawag na “pangit” si Dino. Ngunit bago siya makalayo ay tinawag siya ni Carmela.
Gulat na napalingon siya sa dating kaibigan. At lalo lang siyang kinain ng hiya sa huling sinabi nito.
“Walang pangit na mukha, dahil lahat tayo ay nilikha na kawangis ng Diyos. Pero mayroong mga pangit na puso. Ang mga may pangit na puso ay kailanman hindi magkakamit ng tunay na kaligayahan.”