Masama ang Kutob Niya sa Kaniyang Asawa at Kumare; Mapapatunayan Niya Kaya ang Kaniyang Hinala?
Pasado alas nuwebe na nang bumungad sa pinto ng kanilang bahay ang kaniyang asawang si Raymundo.
“Saan ka naman nanggaling?” takang tanong niya sa asawa.
“Diyan lang, sa bahay nila Mareng Anita,” agad na sagot nito bago dumiretso sa kwarto.
“Hindi ka pa ba kakain? Gabi na, baka malipasan ka ng gutom,” paalala niya rito.
“Kumain na ako!” sigaw nito mula sa kwarto.
Napailing na lamang si Gemma sa asawa. Bagaman nagtataka siya kung bakit parati na lamang itong wala sa bahay, hindi niya naman ito masisi.
Kareretiro lamang ng kaniyang asawa. Higit tatlumpung taon din itong nagtrabaho bilang isang abogado.
Noong una ay patambay tambay pa ito sa loob ng bahay. Subalit matapos ang ilang araw, marahil ay nabagot ito sa bahay kaya nagsimula itong maggagala.
“Ano ba ang ginagawa mo sa bahay nila Mareng Anita at halos isang linggo ka nang laging nakatambay doon?” usisa niya sa asawa.
“Wala naman. Nakikipagkwentuhan lang,” simpleng sagot nito bago ipinikit ang mata.
Nanahimik na lamang siya dahil tila ayaw na makipag-usap nito. Ngunit hindi niya mapigilang maghinala. Anong dahilan kung bakit halos araw araw doon ang asawa niya?
Kumare nila si Anita. Ang nag-iisang anak kasi nito na si Jeric ay inaanak nilang mag-asawa.
Biyuda na si Anita at bata bata lang nang kaunti sa kanila. Ngunit ang bumabagabag sa isip niya ay ang katotohanan na dati itong isang babaeng nagbebenta ng aliw.
Nag-aalala man ay nagdesisyon siya na ipagpabukas na lamang ang mga isipin at nagpasya na ring magpahinga.
Nang kinaumagahan ay nakahinga siya nang maluwag nang mabungaran ang asawa na nag-eehersisyo sa labas ng kanilang bahay.
Nakita niya pa may kinawayan ito sa kabilang bahay. Ngunit nang lingunin niya ito ay wala siyang nakitang tao.
Mas lalong tumindi ang kaniyang hinala.
Matapos nilang mananghalian ay dumating na ang kinatatakutan niya.
“Gemma, punta lang ako sa kabila,” paalam nito.
Napabungtong hininga na lang siya. Bago pa kasi siya makasagot ay nakalabas na ito ng bahay. Tila sabik na sabik pa ang asawa niya sa pagpunta nito sa kabilang bahay.
Hindi maiwasan ni Gemma na mapaluha. May masama kasi siyang kutob. Tila niloloko yata siya ng asawa?
Umiiyak na tinawagan niya ang panganay na anak.
“May kinakalantari ang Papa mo,” nanginginig na bungad niya nang sagutin ng anak ang tawag niya.
“Mama naman, buong buhay niyo, loyal si Papa sa’yo, ngayon pa ba siya magloloko? Saan mo naman nakuha ‘yan?” natatawang tugon nito, halatang hindi naniniwala sa paratang niya.
“Araw araw siyang napunta sa bahay nila Mareng Anita!” nandidilat na giit niya sa anak.
“Mama, hindi ako naniniwala. Hindi ‘yan magagawa ni Papa. Saka kung may ginagawa silang masama, hindi ba dapat ilihim ni Papa na sa bahay nila Aling Anita siya pumupunta? Bakit niya sasabihin sa’yo?” hindi pa rin kumbinsidong komento nito.
Naiinis na ibinaba niya ang tawag. May punto kasi ito.
Subalit sa isip niya ay buong buo na ang isang kongklusyon. Ang kapal ng mukha ng asawa niya! Kung kailan ito tumanda ay saka pa naghanap ng kabit! Maghahanap siya ng ebidensiya na may relasyon ito sa kanilang kapitbahay!
Inisa isa niya ang damit na ginamit nito para sa anumang senyales na may pambabaeng amoy ang mga ito subalit bigo siya.
Isang bagay lamang ang makakapagpatunay ng kaniyang hinala.
Pumunta siya sa kabilang kapitbahay. Mabuti na lamang at nakabukas ang gate ng mga ito at nakapasok siya nang walang aberya.
Nasa tapat pa lang siya ng nakaawang na pinto ay rinig na rinig niya na ang malakas na pagtawa ng kaniyang asawa. Tila ito isang batang kinikiliti kaya naman mas lalong nagsiklab ang galit niya.
Pumasok siya sa pinto at tinungo ang sala. Handa na siyang kumprontahin ang asawa subalit hindi niya inaasahan ang tagpong bumungad sa kaniya.
Ang kaniyang asawa ay aliw na aliw na nakikipaglaro sa isang batang lalaki at isang batang babae. Nakaupo ang dalawang bata sa magkabilang hita nito.
Walang ibang tao sa sala kundi ito at ang dalawang bata.
“Ninang!” mula sa kusina ay bungad ni Jeric na may hawak na dalawang bote ng gatas.
Gulat na napalingon naman ang asawa sa kaniya. “Oh, anong ginagawa mo rito?” takang tanong nito sa kaniya.
“Ah… magpapasama sana ako mamalengke,” palusot niya.
Napakamot sa ulo si Jeric. “Naku, Ninong. Kailangan ka pala ni Ninang,” tila nahihiyang wika ng binata.
“Ninang, pasensiya na po ha. Isang linggo na kasing wala si Mama dito sa bahay kaya ako lang mag-isa ang nag-aasikaso sa kambal. Nang makita ni Ninong na natataranta ako sa dalawang bata, nag-alok siya na tumulong sa pag-aalaga. Hindi talaga ako makatanggi kasi ang hirap mag-alaga ng bata,” nakangiwing paliwanag ni Jeric, na tila hiyang hiya sa kaniya.
Noon lamang niya tuluyang naunawaan ang nangyari. Maling mali pala ang kaniyang hinala!
“Naku, walang problema! Mas ayos na nandito siya kaysa mabagot siya sa bahay,” malaki ang ngiting sagot niya sa inaanak.
“Kahit bukas na kami mamalengke,” bawi niya sa sinabi bago nilapitan ang dalawang cute na cute na bata.
Gabi na nang makauwi sila sa kanilang bahay. Lubha kasi siyang nag-enjoy sa pakikipaglaro sa dalawang bata.
Bago sila matulog nang gabing iyon ay may sinabi ang asawa niya na labis niyang ikinahiya.
“Tumawag si Joy sa akin kanina. Sabi mo raw may babae ako?” nakangising pambubuska nito sa kaniya.
Hiyang hiya na napaamin siya sa asawa na sinagot nito ng isang malutong ng halakhak. Hiyang hiya rin siya na pinag-isipan niya nang masama ang kanilang kumare.
Tama ang kaniyang anak. Hinding hindi magagawa ng asawa na lokohin siya.
Sa wakas ay nakatulog si Gemma nang may ngiti sa labi. Mabuti na lamang at mali ang kaniyang hinala!