Kulang ang Pera ng Babae Kaya Tinalakan Ito ng Tindera ng Isda Ngunit Tinulungan Naman Siya ng Ale at Binayaran ang Kaniyang Binili; Darating ang Araw na Pagtatagpuin Ulit Sila ng Tadhana
Maagang gumayak si Beth para pumunta sa palengke. Wala na kasing laman ang kanilang refrigerator kaya naisipan niyang mamili na.
Ilang minuto lang ay narating na niya agad ang palengke. Napagpasiyahan niyang pumunta muna sa bilihan ng mga karne at isda. Magluluto siya ng sinigang na isda na paborito ng asawa niya at tatlong anak.
“Siguradong matutuwa ang mag-aama ko sa lulutuin ko para sa kanila. Taob na naman ang kaldero nito,” natatawang sabi ni Beth sa isip.
Dali-dali siyang nagtungo sa bilihan ng mga isda. Pagdating niya roon ay kitang-kita niya na maraming saiwang isda na puwede niyang pagpilian para isigang.
“Ano kayang isda ang bibilhin ko?”
Habang hindi pa makapadesisiyon kung ano ang bibilhin, napansin ni Beth ang isang babae na may kasamang batang babae. Nakatitig ito sa sa mga panindang isda na naroon. Sa tingin niya ay nasa isa o dalawang taon ang batang kasama ng babae na nasa disi otso hanggang beinte anyos ang edad. Napangiti siya dahil naalala niya na nasa ganoon din siyang edad nang magkaroon ng anak.
‘Di nagtagal ay nakabili na si Beth ng isda. Saktong aalis na siya nang marinig niyang sinigawan ng tindera ng isda ang babaeng may kasamang bata.
“Kanina mo pa hinahawak-hawakan ang mga isda ko, eh wala ka naman palang pambayad. Kay aga-aga, pinepeste mo ang paninda ko!” pagsusungit ng tindera.
“Pasensya na po, ale. Hindi naman po sa wala akong pambayad, kulang kasi ang dala kong pera kaya naisip kong hindi na lang bilhin itong napili kong isda,” paliwanag ng babae.
“Nagpapalusot ka pa, eh kanina ko pa nakikitang nilalapirot mo ang mga isda ko pero hindi mo naman pala bibilhin. Ang sabihin mo wala ka talagang perang pambili, sinungaling ka pa! Hindi ako papayag na hindi mo bayaran iyan. Ang aga-aga, binubuwisit mo ang umaga ko, peste ka!”
Napansin ni Beth na nangingilid na ang luha ng babae at tila natatakot na rin ang batang kasama nito. Hindi na rin niya kinaya ang masasakit na salitang binibitawan ng tindera kaya agad siyang sumaklolo.
“Ay Ale, sige na ako na ang magbabayad ng mga isdang kinuha niya,” aniya.
Napangiti ang tindera sa sinabi niya.
“Aba, napakasuwerte mo naman. Buti at mabait itong si ate at binayaran itong mga isdang nilapirot mo,” sabad pa ng ale.
Iniabot naman niya sa babae ang mga isdang galungggong na nakalagay sa plastik.
“O, miss ito na. Pagpasensyahan mo na ang tinderang iyon, mainitin talaga ang ulo niya,” sabi niya.
“Naku, maraming salamat po. Ang totoo’y bibilhin ko naman talaga ito kaso kulang ang dala kong pera,” sagot ng babae.
Hinatid din ni Beth ang babae at ang kasama nitong bata sa sakayan ng traysikel. Binayaran din niya ang pamasahe ng mga ito.
“Nakakahiya naman po sa iyo, ate. May pera pa naman kaming pamasahe.”
“Hayaan mo na, ipambili mo na lang ng pagkain iyan para sa napaka-cute na batang ito,” nakangiting sabi ni Beth sabay haplos sa pisngi ng batang babae. “Anak mo?” pahabol pa niyang tanong.
“Opo,” maikling tugon ng babae.
Labis ang pasasalamat ng babae sa kaniya. Ibinigay pa niya rito ang numero niya kung sakaling may kailangan pa ito o kailanganin ang tulong niya.
Masaya si Beth dahil nakatulong siya sa kaniyang kapwa.
Lumipas ang mga taon. Hindi inasahan ni Beth ang biglang pagpanaw ng kaniyang asawa dahil nagkaroon ito ng malubhang sakit. Naubos ang pera nila sa pagpapagamot sa yumaong mister. Napabayaan din niya ang trabaho kaya natanggal siya sa pinapasukang kumpanya sa Makati. Naulila siya at ang tatlo niyang anak.
Namomroblema siya kung paano silang mag-iina ngayong wala na ang kaniyang asawa, wala rin siyang trabaho. Paano na ang pag-aaral ng mga anak niya at paano niya bubuhayin ang mga ito?
Isang araw ay napadaan siya sa isang mall. Naisip niyang mag-apply doon ng trabaho kahit staff o sales lady. Wala pa rin kasi siyang natatanggap na tawag mula sa mga kumpanyang in-apply-an niya.
“Kahit anong trabaho ay papasukin ko na, para sa mga anak ko,” wika niya sa sarili.
Maya maya ay may tumawag sa kaniyang likuran.
“Ate, Ate!”
Nang lingunin niya ang boses ay laking gulat niya.
“I-ikaw?!”
Nakilala niya ang babaeng tinulungan niya noon sa palengke.
“Ako nga po ito. Hindi ko po inaasahan na dito tayo magkikita. Anong ginagawa mo rito, ate?”
“M-mag-aapply sana ako ng trabaho kahit staff o sales lady dito sa mall. Nawalan kasi ako ng trabaho mula nang pumanaw ang mister ko,” sabi niya sa kausap.
“Ikinalulungkot ko ang nangyari sa asawa mo, ate. Hayaan mo at matutulungan kita. Sumama ka sa akin!”
Isinama siya ng babae sa isang pribadong opisina. Nagulat pa si Beth dahil isa iyong malaki at magandang kuwarto.
“Naku, ang laki naman ng kuwartong ito? Kanino bang opisina ito?”
Napangiti ang babae.
“Sa akin ang opisinang ito, ate.”
Nanlaki ang mga mata ni Beth sa sinabi ng kausap.
“Ako si Andrea Laxamana, ang may-ari ng mall na ito. Ako ang nag-iisang anak ni Don Procopio Laxamana na isa sa matatagumpay na negosyante sa bansa. Nabuntis ako noon nang maaga at dahil doon ay nagalit si papa at itinakwil ako. Hindi rin ako pinanagutan ng lalaking nakabuntis sa akin kaya wala akong nagawa kundi mamuhay na mag-isa at buhayin ang aking anak. Hindi rin naman ako natiis ni papa at muli akong tinanggap bilang anak at pinatawad sa kabila ng aking pagkakamali. Natuwa rin siya dahil nagkaroon na siya ng apo at iyon nga si Abigail na kasama ko noon sa palengke kung saan tayo nagkita. Ngunit hindi rin nagtagal ay pumanaw ang aking ama dahil sa sakit niya sa puso. Iniwan niya sa akin at sa aking anak ang kaniyang mga ari-arian kasama na ang mall na ito. Labis akong nagpapasalamat sa iyo dahil sa ginawa mong pagtulong sa akin noon kaya hayaan mong ibalik ko sa iyo ang iyong ginawa,” bunyag ng babae.
Ipinasok siya ni Andrea sa kumpanya nito bilang isang manager. ‘Di nagtagal ay nakaahon si Beth at ang kaniyang mga anak sa hirap sa tulong ng kaibigang si Andrea. Dahil may maganda ng trabaho ay napagtapos niya ang mga anak sa pag-aaral at kasalukuyang tumutulong na rin sa kaniya sa paghahanapbuhay. ‘Di pa rin makapaniwala si Beth na ang babaeng kaniyang tinulungan noon ang siyang tumulong din sa kaniya sa panahon ng pangangailangan at kagipitan.
May balik talagang kabutihan ang pagtatanim ng kabutihan sa kapwa. Kusa itong darating sa oras na ‘di inaasahan.