Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan ang Matalinong Lalaki Dahil sa Kaniyang Naiisip na Imbensyon; Ano nga Kaya Ito?

Pinagtatawanan ang Matalinong Lalaki Dahil sa Kaniyang Naiisip na Imbensyon; Ano nga Kaya Ito?

Hindi malilimutan ni Arthur kung paano nasira ang kanilang pamilya dahil maaga at biglaang sumakabilang-buhay ang kaniyang ama. Naging dahilan ito upang mawala sa sariling katinuan ang kaniyang ina. Mabuti na lamang at kinupkop siya ng kaniyang Lola Martina, ina ng kaniyang Mama, at ito na ang nag-alaga sa kaniya.

Likas na kakaiba ang talino ni Arthur lalo na sa agham. Marami siyang naiisip na mga kakaibang ideya, subalit pinagtatawanan lamang siya ng kaniyang mga kaklase. Nakahiligan niya ang pagsasagawa ng iba’t ibang mga eksperimento, kaysa sa paglalaro sa labas, kasama ang kaniyang mga kaedaran.

Fourth Year high school na siya noon, at pangarap niyang maging isang siyentipiko. Nagmana raw siya sa kaniyang ina. Baliw. Weirdo. Nasisiraan ng tuktok. Dahil dito, lumayo ang loob ni Arthur sa kaniyang mga kaklase. Isa lamang ang naniwala sa kaniya, ang kaibigang si Jennie.

“Huwag mo na silang intindihin, Arthur. Inggit lang sila sa iyo kasi matalino ka. Sabi, kapag inggit ka sa kapwa mo, gumawa ka na lang nang paraan para siraan siya. Narito naman ako, ang nag-iisang kaibigan mo na nagtitiwala at naniniwala sa iyong mga kakayahan,” sabi ni Jennie sa kaniya.

“Salamat, Jennie. Huwag kang mag-alala. Balang-araw, sisiguraduhin kong magagawa ko ang lahat ng gusto ko. Makahanap lang ako ng sponsor, magagawa ko ang mga naiisip kong imbensyon,” saad ni Arthur.

“Ano ba ang naiisip mong imbensyon na sa palagay mo ay wala pa sa ngayon pero mapapakinabangan ng mga tao?” usisa sa kaniya ni Jennie.

Napabuntong-hininga si Arthur.

“Gusto kong gumawa ng isang artificial intelligence na kayang bumuhay ng isang namayapa na…”

Nanlaki ang mga mata ni Jennie.

“Huwag kang judgmental. Hindi ko sila gagawing zombie o hindi ko isasanla ang kaluluwa ko sa demonyo o masamang elemento. Mag-iimbento nga ako ng isang artificial intelligence na papalit sa isang mahal sa buhay na namayapa na; kumbaga, makakausap siya ng mga mahal sa buhay na parang nariyan lamang siya, batay sa mga katangian o deskripsyon nila. Para nang sa ganoon, wala nang malulungkot na naiwan. Walang… walang masisiraan ng bait. Kagaya ng nangyari kay Mama…” paliwanag ni Arthur.

“Alam mo mukhang maganda iyang sinasabi mo. Oo nga ‘no? Pero tandaan mo, makabago na rin ang mga pamamaraan ngayon para mapanatili ang alaala ng mga namayapa na. May mga social media platforms na tayo. Pero alam mo, malaki ang potensyal niyan,” reaksyon naman ni Jennie.

“Sa tingin mo, kaya ko?” tanong ni Arthur.

“Kaya mo iyan! Ikaw pa!” saad ni Jennie.

Pinanghawakan ni Arthur ang mga sinabi ng kaniyang kaibigan. Malaking bagay sa kaniya na may isang taong naniniwala sa kaniya. Matapos ang high school, agad na kumuha ng kurso sa kolehiyo para sa BS Physics si Arthur. Dahil mahusay ang kaniyang pamantasan, lalong nahasa ang kaniyang husay sa Agham at kinilala ng kaniyang mga propesor. Kaya naman, sa ikaapat na taon niya, ginawa niyang thesis ang kaniyang naisip na app, na tinawag niyang “Resurrection.”

Nagustuhan naman ito ng kaniyang mga propesor kaya nang siya ay nagtapos na, naging madali para sa kaniya na masuportahan siya ng DOST at nakahanap ng sponsor na magpopondo sa kaniya upang magawa ang kaniyang imbensyon. Gumugol siya ng halos tatlong taon bago niya natapos ang app—na para sa mga taong nangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay.

Kapag nadownload na ang app, wala silang gagawin kundi i-input ang mahahalagang impormasyon hinggil sa mahal sa buhay na namayapa na kagaya ng pangalan, edad, mga katangian, manerismo, at iba pa. Kailangan din ng larawan nito. Bahala na ang app na gumawa ng isang artificial intelligence na bubuo sa pagkatao nito. Upang mas kapani-paniwala, kailangan ding ilagay ang tinig nito. At presto— tila buhay na ulit sila, gumagalaw, nagsasalita, at sasagot sa mga tanong ng mahal sa buhay. Kumbaga, para lamang silang nag-uusap sa pamamagitan ng video conferencing.

Dahil dito, hindi lamang sa Pilipinas nakilala si Arthur maging sa buong mundo. Dahil napatunayan din ang pagiging mabisa nito, nagawaran siya ng pagkilala sa isang prestihiyosong award-giving body.

Masayang-masaya si Arthur dahil hindi siya bumitiw sa kaniyang mga pangarap at adhikain. Ang unang nakinabang at natuwa sa kaniyang imbensyon ay ang kaniyang ina. Nakatulong ang app na kaniyang imbensyon para muling sumigla ito at unti-unti ay makabalik sa kaniyang katinuan.

“Maraming salamat, Jennie. Ikaw ang naging inspirasyon ko kung bakit ko naabot ang mga ito. Salamat sa pagtitiwala at paniniwala,” saad ni Arthur kay Jennie. Inilabas niya ang isang kahita na naglalaman ng isang singsing.

“Para saan iyan?” maang na tanong ni Jennie.

“Mahal kita, Jennie, hindi lang bilang kaibigan kundi bilang babaeng nais kong makasama sa buhay. At alam kong mahal mo rin ako. Sana tanggapin mo ang pag-ibig ko,” sabi ni Arthur. Tinanggap naman ni Jennie ang singsing. Pumayag siyang pakasalan ang kaniyang kaibigan, na mahal niya naman talaga noon pa man.

Napagtanto ni Arthur na hindi dapat bumitiw sa pangarap kung talagang nais makamit ito, at makatutulong din ang suporta ng mga taong tunay na nagmamahal at masasandalan.

Advertisement