Nag-ipon ang Bata Para Makabili ng Bagong Cellphone Para sa Online Games, Subalit Tila Naiba ang Ihip ng Hangin nang Magkasakit ang Nanay Niya; Paano Niya Ito Matutulungan?
Bata pa lamang, masinop na sa pera si Nico. Gustong-gusto niyang nag-iipon ng pera. Inilalagay niya sa kaniyang alkansiya ang kaniyang mga sobrang baon, lalo na ang mga 20 pesos. May pinag-iipunan siya. Gusto niyang bumili ng mamahaling cellphone upang makapaglaro siya ng online games. Nakikihiram lamang kasi siya sa cellphone ng kaniyang amang si Mang Natoy.
Gusto na sana siyang ibili ng kaniyang Nanay na si Aling Sally subalit pinipigilan siya ni Mang Natoy.
“Hayaan mo siyang pag-ipunan ang mga bagay na gusto niya. Para malaman niya kung gaano kahirap kumita ng pera,” saad ni Mang Natoy.
“Pero naaawa na ako sa anak natin eh. Sige na payagan mo na ako,” saad ng kaniyang misis.
Subalit naging mahigpit ang bilin ni Mang Natoy na hayaan ang anak na si Nico na pag-ipunan ang mga bagay na gusto niyang bilhin.
Kaya naman, laging nagpupursigi si Nico na talagang makaipon para sa kaniyang pangarap na gadget. Makalipas ang isang taon, natupad na nga ang kaniyang pangarap. Subalit hindi pa sapat ang kaniyang salapi nang kunin niya ang kaniyang pera mula sa alkansiya.
“Hindi pa panahon para ipambili ng gadget iyan, anak. Kailangan mo pang mag-ipon,” saad ni Mang Natoy.
“Opo Tatay, ipagpapatuloy ko po ang pag-iipon para mabili ko ang gusto ko,” saad naman ni Nico.
Nagpatuloy ang pag-iipon ni Nico hanggang sa anim na buwan. Nang muli niyang buksan ang kaniyang alkaniya, wala pa rin. Kulang pa ng isang libong piso para mabuno niya sa pagbili ng gustong gadget.
“Hindi pa panahon, anak. Kailangan mo pa ulit mag-ipon,” saad ni Mang Natoy.
Binuno ulit ni Nico ang natitirang anim na buwan upang makuha na ang inaasam-asam na saktong bilang ng pera para sa pangarap niyang gadget. Subalit nagkasakit naman ang kaniyang ina. May malubha itong sakit na kinailangang dalhin sa ospital. Narinig niya mula sa kaniyang Tatay na tinatawag itong “leukemia.”
“Malubha po ba ang leukemia, Tatay?” usisa ni Nico sa kaniyang ama. Narinig niya na malaking pera ang kailangan nila upang maipagpatuloy ang gamutan ng kaniyang ina.
Kaya naman, hindi nagdalawang-isip si Nico na basagin na nang tuluyan ang kaniyang alkansiya at ibigay sa kaniyang Tatay ang perang naipon niya. Nang binilang niya ito, 7. 000 piso, sapat na sapat para makabili na siya ng bagong cellphone at makapaglaro na siya.
“Tatay, idagdag mo na lang po ito sa gastusin para kay Nanay, para gumaling na po siya,” naiiyak na sabi ni Nico sa kaniyang ama.
“Hindi, anak. Ipon mo iyan. Alam kong matagal mong pinangarap na magkaroon ng cellphone kaya bilhin mo na ang gusto mo,” saad ni Mang Natoy.
Todo-iling naman si Nico.
“Sige na po Tatay… ayoko po magkasakit si Nanay. Kunin na po ninyo ang ipon ko para hindi na kayo magkaproblema sa pagbili ng gamot para sa kaniya.”
Subalit kahit na anong giit ni Nico, ayaw kunin ni Mang Natoy ang kaniyang pera. Sa halip, ito pa mismo ang bumili ng cellphone para sa kaniya gamit ang perang naipon, kahit na tutuusin, puwede naman itong ipagpaliban dahil sa kondisyon ng kaniyang Nanay.
Maganda nga ang kaniyang cellphone subalit hindi naman lubusang masaya si Nico. Hindi siya makapagpokus at wala siyang gana sa paglalaro ng online games kung hindi naman maganda ang kalusugan ni Aling Sally, at kung may problemang iniisip si Mang Natoy.
Minabuti na lamang ni Nico na mag-post ng status sa kaniyang Facebook, kalakip ang larawan ng kaniyang inang nakaratay sa ospital, ang basag niyang alkansiya, at isang kamay na tila nagdarasal, upang hilingin sa Diyos na sana ay gumaling na ito.
Papa Lord, nag-ipon po ako ng maraming pera para pambili sana ng bagong cellphone. Nag-ipon naman po ako at nabili ko naman kaya lang may sakit naman si Nanay ko. Leukemia raw. Ayaw kunin ni Tatay ang pera ko para sana gumaling na siya. Lord, mag-iipon na lang po ulit ako para sa pampagamot ni Nanay. Bigyan mo pa po ako ng 20 pesos araw-araw para makaipon ako.
Kinabukasan, nagulat na lamang si Nico nang makitang umabot sa halos 500,000 shares ang kaniyang post, at maraming mga indibidwal at grupo ang nagpahatid ng pagnanais na matulungan siya. Nabagbag daw ang kanilang damdamin sa kaniyang ibinahagi. Umabot na rin sa media ang kaniyang viral post.
Sa pamamagitan ng viral post ni Nico, bumaha ng tulong para kay Aling Sally para sa patuloy na medikasyon nito, mga karaniwang tao o sikat man. Masayang-masaya si Nico dahil hindi man siya nakapag-ipon, dininig naman ng Diyos ang kaniyang panalangin, sa ibang anyo o paraan nga lamang. Tunay ngang alam ng Diyos ang nasa loob ng puso ng isang bata.