Inday TrendingInday Trending
Nagtataka ang Dalaga Kung Bakit Umaalog sa Madaling Araw ang Itaas ng Double Deck sa Kuwartong Kaniyang Inookupa; Kagagawan Nga Ba Ito ng Naliligaw na Kaluluwa?

Nagtataka ang Dalaga Kung Bakit Umaalog sa Madaling Araw ang Itaas ng Double Deck sa Kuwartong Kaniyang Inookupa; Kagagawan Nga Ba Ito ng Naliligaw na Kaluluwa?

Lumuwas ng Maynila si Thelma upang makahanap ng trabaho, at suwerte namang nakahanap kaagad siya. Matapos makapagpasa ng mga kinakailangang requirements, naghanap siya nang matutuluyang bedspace. Masuwerte naman at nakakuha kaagad siya ng malapit lamang sa kaniyang trabaho. Malinis at maayos naman. Isa pa, mabait ang kasera; pinayagan siya kahit one month advance lamang ang bayaran niya dahil nagsisimula pa lamang naman siya.

“Oh Thelma, kapag may kailangan ka, huwag kang mahihiyang magsabi sa akin. Narito na sa kusina ang lahat ng mga kailangan mo ha? Kung nagutom ka, may mga tinda akong noodles sa ibaba, ilagay mo na lang doon sa garapon ang bayad. Walang kukuha niyan. Mababait naman ang mga kasama mo rito,” paalala ni Aling Puring.

“Salamat po Aling Puring. Mukhang wala po yung ibang mga boarders?” naitanong ni Thelma.

“Ah oo. Nasa kani-kaniyang trabaho rin. Kaya masanay ka na. Oo nga pala, dalawa lang kayo rito sa kuwarto, yung isa ay nasa itaas na ng double deck umookupa, kaya ikaw na rito sa ibaba. Mabait naman iyong si Selina,” sagot ni Aling Puring.

Matapos mai-ayos ang kaniyang mga gamit, pinasadahan ng tingin ni Thelma ang malaki-laki na ring kuwarto. May dalawang malaking sliding window. Sa kanang bahagi ay may mahabang mesa at dalawang upuang kahoy. Sa gitna nito ay may dalawang maliit na cabinet; na maaaring paglagyan o storage ng kanilang mga pagkain. Sa gawing kaliwa naman, may isa pang maliit na mesa, na may mga nakapatong na kahon, na sa tantiya ni Thelma ay sa kasama niya sa kuwarto.

Ipinasya na lamang ni Thelma na matulog na. May kaniya-kaniyang susi naman daw sila kaya kahit hindi na siya gumising, papasok na lamang sa kuwarto ang kaniyang room mate. Hindi na namalayan ni Thelma ang mga oras. Mga bandang 3:00 ng umaga, naramdaman niyang tila may umuuga.

“Lumilindol ba?” naitanong ni Thelma sa kaniyang sarili.

Saka naisip ni Thelma na baka nasa itaas na ang kaniyang roommate. Ipinagpatuloy na lamang ni Thelma ang kaniyang pagtulog.

Kinabukasan, napansin niyang wala na sa itaas ng double deck ang kaniyang roommate.

“Maaga sigurong pumasok,” bulong ni Thelma.

Sa loob ng isang linggo, hindi nagpapaang-abot sina Thelma at ang kaniyang roommate. Natutulog siya at umaalis ng kuwarto na wala na ito. Subalit tuwing madaling-araw, nararamdaman ni Thelma na may pumapasok sa kuwarto, at may umaakyat sa itaas ng double deck. Nagigising din siya sa mga pag-alog na tila lumilindol. Hindi na lamang niya ito pinapansin, subalit ito ang nagiging dahilan upang magising siya sa mahimbing na pagkakatulog.

Minsan, gustong sitahin ni Thelma ang roommate dahil sa hindi niya alam kung bakit umaalog-alog ang kanilang double deck kapag nasa itaas na ito. Inisip na lamang ni Thelma na napakalikot nito, o kaya naman, nangangamot. O mas matindi, baka nagdadala ng lalaki at may kas*ping ito. Iwinaksi na lamang ni Thelma ang kaniyang pangatlong naisip. Napagpasiyahan na minsan ay pagsasabihan niya at kakausapin nang pormal ang kaniyang room mate.

“Nagtataka ako rito sa roommate ko. Tuwing madaling-araw, umaalog ang double deck namin. Pero tinatamad naman akong tumayo at silipin kung ano ang ginagawa niya, baka ‘di ko magustuhan,” minsan ay kuwento ni Thelma sa kaniyang kaibigang si Diana.

“Kung ako sa iyo, isumbong mo na sa kasera ninyo. Baka mamaya nagpapapasok siya ng lalaki diyan at baka malagay naman sa alanganin ang buhay mo.”

Kaya naman nang gabing iyon, isinumbong na ni Thelma ang kaniyang roommate. Ganoon na lamang ang pagtataka ni Aling Puring.

“Paano mangyayari iyon eh nagpaalam siya sa akin na hindi muna uuwi rito? Mga isang linggo na.”

Nangalisag ang mga balahibo ni Thelma.

“Po? Eh isang linggo ko na pong nararanasan ang pagyugyog sa double deck tuwing madaling araw…”

“Hindi kaya guni-guni mo lamang o kaya masamang espiritu?”

Hindi maaaring magkamali si Thelma. Alam niyang may tao sa itaas ng double deck tuwing madaling araw, subalit natatakot naman siyang alamin kung ano o sino ito.

Hanggang sa napagpasyahan niyang tuklasin kung ano o sino nga ba ito. Nakatulog na si Thelma. Maya-maya, mga bandang 2:30 ng madaling araw ay naramdaman na ni Thelma ang tila paggalaw sa itaas ng double deck. Nilakasan na lamang ni Thelma ang kanyang loob. Kaluluwa nga ba ito?

Mabilis siyang tumayo at binuksan ang ilaw. Nagulat siya sa kaniyang nakita.

Hindi isang multo o masamang espiritu ang nasa ibabaw. Isang binatilyong lalaki. Nakababa ang salawal nito at tila nagpapaligaya sa kaniyang sarili. Ang binatilyong ito ay pamangkin ni Aling Puring! Nagsisisigaw si Thelma, na naging dahilan upang magpuntahan sa kaniyang kuwarto ang iba pang mga nagbebedspace, lalo na si Aling Puring.

Katakot-takot na pagalit ang natamo ng binatilyong pamangkin ni Aling Puring sa kaniyang ginawa. Humingi naman ng tawad ang binatilyo kay Thelma. Hiyang-hiya naman si Aling Puring sa kabulastugan ng kaniyang pamangkin. Minabuti na lamang ni Thelma na lisanin ang bahay na iyon upang maiwasan na ang mga ganoong pangyayari.

Advertisement