Inday TrendingInday Trending
Simple Lamang Manamit ang Mayamang Dalaga Kaya Napagkamalan Siyang Walang Pambayad ng Isang Sales Lady; Ganito ang Iginanti Niya sa Pagtrato sa Kaniya

Simple Lamang Manamit ang Mayamang Dalaga Kaya Napagkamalan Siyang Walang Pambayad ng Isang Sales Lady; Ganito ang Iginanti Niya sa Pagtrato sa Kaniya

Matapos malagyan ng kaunting lipstick ang mga labi, masipat ang sarili, at maisuot ang sapatos niyang flats, handang-handa na si Shane upang lumabas at mamili. Hindi siya magdadala ng kotse. Napakasimple lamang ng kaniyang pananamit, at hindi mahahalata sa kaniyang napakayaman ng kaniyang pamilya. Nagmamay-ari ang kaniyang Papa ng 22 gasolihan na nakakalat sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Ang kaniyang Mama naman ay nagmamay-ari ng isang pabrika ng handicraft. Kahit na ganoon, mas sanay pa rin siyang maging simple lamang. Mala-mansyon din ang kanilang bahay.

Sinubukan ni Shane na magtungo sa isang boutique na inirekomenda sa kaniya ng isang kaibigan niya. Marami raw magagandang mga tabas ng usong damit doon. Nagdala lamang siya ng simpleng bag na naglalaman ng kaniyang powder, lipstick, credit cards, at cellphone.

Pagkapasok niya sa loob ng boutique, walang bumati sa kaniyang mga sales lady. Tila abala ang mga ito sa kani-kanilang mga ginagawa. Mainam kung gayon dahil tahimik siyang makapipili. Nagsimula siyang magtungo sa mga dress section upang humanap ng magugustuhan niya.

Maya-maya, isang sopistikadang babae ang pumasok. Hindi lamang isa subalit tatlong sales lady ang sumalubong sa kaniya at bumati nang pagkatamis-tamis.

“Marunong naman pala silang magsibati, pero choosy sila…” naisaloob na lamang ni Shane. Hindi na lamang niya ito pinansin. Wala siyang nagustuhan sa mga dress kaya nagtungo siya sa casual attire section.

Sa wakas, nilapitan siya ng isa sa mga sales lady subalit sa halip na tanungin siya kung ano ang gusto niya, tila binabantayan lamang siya. Kahit saan siya magpunta ay nakabuntot ang sales lady. Hindi na lamang ito pinansin ni Shane dahil trabaho naman talaga ito ng mga sales lady.

Maya-maya, nasa bag section na siya. Puro mga imported brands ang naroon. Nagsalita ang sales lady.

“Puro may mga tatak na iyan, Ma’am,” mataray na sabi nito. Nakahalukipkip pa ito sa kaniya at nakakunot ang noo.

Napatingin lamang si Shane sa sales lady at ipinagpatuloy ang kaniyang pagtingin sa magagandang mga bags na naroon. Hindi niya pinansin ang sales lady. Gusto niya sana sabihing “Alam ko” subalit mas pinili na lamang niyang manahimik.

Hinawakan niya ang isang sling bag at sinipat-sipat.

“Ma’am, mahal po iyan kaya walang tag price,” saad ng sales lady.

Muli, sinulyapan lamang ni Shane ang mahaderang sales lady. Magtimpi ka, magtimpi ka, magtimpi ka. Ginagawa lamang niya ang trabaho niya, sigaw ng isipan ni Shane.

Subalit nagsimula na naman ang sales lady.

“Naku, Ma’am, masyadong mahal po ang mga bags na iyan, baka hindi po ninyo kayanin. May cheaper po kami sa banda roon…”

Dito na nagpanting ang mga tenga ni Shane. Subalit sa halip na bulyawan niya ang sales lady, kumuha siya ng apat na branded bags na walang mga tag price at nginitian ang sales lady.

“I can manage, don’t worry… let’s go to the counter?” saad ni Shane at nagtungo na siya sa kahera upang magbayad. Inilabas niya ang kaniyang black credit card. Nang makuha ang mga pinamili, kinausap ni Shane ang sales lady na nag-asiste sa kaniya.

“Hello Miss. Salamat sa pag-assist sa akin kanina, pero to tell you honestly, hindi ko nagustuhan ang paraan mo ng pag-assist sa akin. Hindi sa nagmamayabang ako, pero siyempre, alam ko naman na imported bags ang naroon, at alam ko rin nakapag walang tag price, sadyang mahal iyon. Unsolicited advice, sa susunod mas galingan mo pa ang sales talk mo kasi baka mamaya, maldita ang makatapat mo, at mawalan ka pa ng trabado nang wala sa oras at panahon,” mahinahon subalit may diin sa pagsasalita ni Shane.

Hiyang-hiya naman ang sales lady at patuloy sa paghingi ng paumanhin kay Shane.

“Ma’am, pasensiya na po kayo kung hindi pa po ako magaling sa sales talk. Pasensiya na po kung nahusgahan ko kayo na wala kayong pambayad, o hindi ninyo kayang bilhin ang mga produkto namin,” paghingi ng paumanhin ng sales lady.

“Naiintindihan naman kita eh, pero next time ha, maging sensitibo ka sa pagbibigay ng mga komento mo. Baka imbes na makabenta ka, magalit pa sa iyo ang customer. Ikaw rin, wala kang komisyon. O sige na, God bless at good luck sa iyo,” saad ni Shane at umalis na siya.

Natuwa si Shane sa kaniyang sarili dahil napatunayan niyang lahat naman ay nadaraan sa mabuting usapan, at kung sinigaw-sigawan niya ang sales lady kanina, malamang, siya pa ang magmumukhang masama at walang delikadesa. Napagtanto ni Shane na mas mainam pa ring pakitaan ng kabutihan ang kapwa kahit na nasaktan o nagawan ka nito nang hindi maganda.

Advertisement