Nagkawalay ang Matalik na Magkaibigan nang Maghirap ang Isa sa Kanila; Nagbalik ang Isa Upang Iahon sa Hirap ang Naiwang Kaibigan
Si Roberto at Mark ay matalik na magkaibigan. Magkasundo sila sa maraming bagay. Pareho silang mahilig sa musika. Pareho silang mahilig at magaling magbasketbol. Partners in crime din sila pagdating sa mga kalokohan. Pero malayo ang agwat nila sa isa’t-isa. Isang bagay na kailanman ay hindi naging problema sa kanilang pagkakaibigan.
Si Roberto ay mahirap lamang. Matalino siya at madiskarte sa buhay. Bata pa lamang siya ay natuto na siyang magbanat ng buto. Para hindi maging pabigat sa kaniyang mga magulang ay pinapasukan niya ang kahit na anong trabaho gaano man kahirap ito basta may mapagkakakitaan. Mahilig siyang mangolekta ng mga sira at pinaglumaang gamit.
Si Mark naman ay nagmula sa mayamang pamilya. Bagama’t lumaking nabibigay ang kaniyang mga luho at sanay sa masaganang buhay ay hindi siya lumaking mapagmata at matapobre. Mabait siya at matulungin sa mga nangangailangan. Kung meron man siyang hindi magandang ugali iyon ay ang hindi niya pagpapahalaga sa kaniyang mga gamit. Pag nagsawa na siya sa isang bagay ay tinatapon na niya ito.
“Itatapon mo na yang cd player mo? Pwede bang akin na lang? Sayang naman kung itatapon mo lang.” Nagniningning ang mga mata ni Roberto habang sinisiyasat ang cd player ni Mark.
“Hindi na maganda yung tunog, eh. Tsaka hindi ko na gusto yung kulay. Kung gusto mo lahat ng pinagsawaan kong gamit sa iyo ko na lang ibibigay?” Tanong pabalik ni Mark kay Roberto.
Simula noon, tuwing araw ng Sabado ay hinahakot ni Roberto ang mga sirang kagamitan at pinagsawaang gamit ni Mark. Sa dami nang nahahakot niyang gamit ay hindi malaman ni Mark kung saan ba ito itinatambak ng kaibigan. Pero dahil alam niyang gipit ito ay hindi na siya nagtanong pa. Sa katunayan ay bago pa sumapit ang araw ng Sabado ay iniipon na niya ang mga gamit na hahakutin ni Roberto. Nangongolekta din siya sa kaniyang mga kakilala para isama sa mga hahakutin ng kaibigan.
Isang hindi inaasahan pangyayari ang nagpabago ng buhay ni Mark. Bumagsak ang negosyo ng kaniyang mga magulang at nabaon sila sa utang. Ibinenta nila ang kanilang mga ari-arian at lumipat sa mas maliit na tirahan. Nahinto sa pag-aaral si Mark at sumabak sa pagtratrabaho. Sa kasamaang palad ay nagkalayo ang dalawang magkaibigan. Naputol ang komunikasyon nila sa isa’t-isa.
Sa loob ng maraming taon ay palipat lipat ng trabaho si Mark. Hindi siya makakuha ng permanenteng trabaho at umaasa siya ng tatagal na siya sa bagong kompaniyang kaniyang pinasukan.
Bihis na bihis si Mark para sa kaniyang unang araw sa trabaho, natanggap siya bilang isang janitor. Pero nagtataka siya dahil imbes na idiretso siya sa namamahala sa mga janitor ng kompanya ay sinabihan siya ng receptionist na pumunta sa opisina ng may-ari ng kompanya.
“Magandang araw po, sir. Kanina pa po kayo hinihintay ng CEO.” Bungad sa kaniya ng sekretarya bago siya inihatid sa loob ng opisina.
Bago pa man magawang ilibot ni Mark ang kaniyang mga mata sa loob ng opisina ay isang mahigpit na yakap ang agad na sumalubong sa kaniya. Ang may-ari pala ng kompanyang kaniyang napasukan ay ang matalik niyang kaibigan na si Roberto. Umasenso na ang buhay nito.
“Magsisipag ako sa trabaho. Hindi kita bibiguin sa pagtanggap mo sa akin bilang dyanitor.” Pangako ni Mark sa kaibigan matapos silang mahimasmasan mula sa matinding emosyon ng muli nilang pagkikita.
“Sa tingin mo ba ay papayag akong maging taga-linis ka lang ng aking kompanya.” Pahiwatig ni Roberto sa kaibigan.
Tinulungan ni Roberto si Mark na makapag-aral muli bilang iskolar ng kaniyang kompaniya. At habang pinag-aaral niya ito ay itinuturo niya ang pagpapatakbo ng kaniyang negosyo na nag-ahon sa kaniya sa kahirapan.
Ang buong akala ni Mark ay si Roberto mismo at ang kaniyang pamilya ang gumagamit ng mga sira, pinaglumaan, pinagsawaan nilang kasangkapan pero nagkamali siya. Nirerecycle pala ito ni Roberto at binibigyan ng bagong buhay bago niya ibinebenta ang mga ito. Sa dami ng mga nahakot niyang gamit kina Mark ay nagawa nitong makapag-ipon at palawakin ang kaniyang negosyo.
Sa tulong ni Roberto ay nakapagtapos ng pag-aaral si Mark. Pinahiram din siya ng pera ni Roberto para magkaroon siya ng puhunan sa itinayo niyang negosyo. Dahil sa sipag at tiyaga ni Mark ay muling nakaahon ang kaniyang pamilya sa kahirapan. Di naglaon ay pinag-isa nila ang kanilang mga negosyo at magkatulong nila itong pinalago.
Kasabay ng patuloy na paglaki ng kompanya ay mas lumalim at tumatag ang kanilang pagkakaibigan. At ang pagkakaibigang ito ay ipinagpatuloy at pinagtibay ng mga sumusunod na henerasyon ng kanilang pamilya.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!