Inday TrendingInday Trending
Inabuso at Pinerahan ng mga Kapatid ang OFW na Ito; Isang Tao Mula sa Kanyang Nakaraan ang Tumulong sa Kanyang Makabangon

Inabuso at Pinerahan ng mga Kapatid ang OFW na Ito; Isang Tao Mula sa Kanyang Nakaraan ang Tumulong sa Kanyang Makabangon

Sa wakas, matapos ng sampung taong pagtratrabaho bilang yaya sa Hong Kong ay muling nakabalik si Trining sa Pilipinas. Sabik na sabik na siyang makapiling muli ang kaniyang pamilya. Marami siyang balak gawin sa kaniyang pagbabalik at hindi na siya makapaghintay pa na simulan ang mga ito.

Patay na ang mga magulang ni Trining at bilang nakatatandang kapatid ay siya na ang tumayong tatay at nanay sa dalawa niyang kapatid. Iniwan niya sila sa pangangalaga ng kanilang lolo at lola para makapagtrabaho siya sa ibang bansa at nang mabigyan niya sila ng magandang buhay.

Buwan-buwan ay higit sa kalahati ng kaniyang sweldo ang kaniyang ipinapadala para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at pag-aaral ng kaniyang mga kapatid. Nang makapagtapos na ng pag-aaral ang mga ito ay inihabilin niya na gamitin ang perang ipinapadala niya para makapagpatayo sila ng sarili nilang bahay. Sayang nga lang at hindi na niya naabutang buhay ang kaniyang mga lolo at lola.

“Patawad, Ate. Hindi namin ipinaalam sa iyo dahil ayaw ka naming mag-alala.”

Ang lahat ng pinaghirapan ni Trining ay nawala ng parang bula. Nagsinungaling sila sa kaniya. Hindi nakapagtapos ng high school ang kaniyang mga kapatid dahil maaga silang bumuo ng pamilya. Ang lahat ng perang pinaghirapan niya para magkaroon sila ng magandang kinabukasan ay ginastos para matustutusan ang lumalaki nilang pamilya. At ngayong ay umaasa ang mga ito na iaahon niya sila sa kahirapan.

Parehong walang trabaho ang kaniyang mga kapatid. At para hindi na sila mahirapang maghanap ng trabaho ay ginamit ni Trining ang natitira niyang ipon at nagtayo na lang siya ng maliit na negosyo. Inilagay niya ito sa kanilang mga pangalan. Inilipat din niya ang pamilya nila sa mas maayos na tirahan.

Muling bumiyahe si Trining papuntang Hong Kong para makapag-ipon ulit. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi siya pinalad sa kaniyang naging amo.

Madalas siyang minamaltrato ng mga ito. Hindi siya pinapakain ng maayos. Binubugbog din siya sa bawat pagkakamaling kaniyang magagawa. Hindi rin siya hinahayaang makipagugnayan sa kaniyang pamilya. Tuwing aalis ang kaniyang mga amo ay ikinukulong siya sa kaniyang kwarto sa takot na baka tumakas at magsumbong siya sa mga kinauukulan. At higit sa lahat ay hindi siya pinapasahod ng mga ito.

Kung hindi lang may naganap na sunog sa katabing bahay ng kaniyang amo ay walang makakaalam ng kaniyang kalagayan at hindi siya makakauwi ng Pilipinas.

Dahil sa matinding dinanas ni Trining ay umuwi siyang may sakit, mahina ang pangangatawan at walang pera sa Pilipinas. Ang buong akala niya ay tapos na ang kaniyang kalbaryo pero nagkakamali siya.

Ang lahat ng sakripisyo niya para sa kaniyang mga kapatid ay hindi pala masusuklian. Tinanggihan siyang kupkupin ng mga ito sa maraming kadahilanan. Maliit lang ang bahay na tinitirhan nila, hindi siya maaasikaso dahil maliliit pa ang mga anak nila, hindi kumikita ang negosyo kaya hindi nila kayang tustusan ang kaniyang pagpapagamot at natatatakot sila na baka may nakakahawa siyang sakit.

Masama ang loob ni Trining sa kaniyang mga kapatid. Siya ang nagtrabaho para maiahon sila sa kahirapan pero ngayong siya ang nangangailangan ay basta na lang nila siyang babalewalain. Mabuti na lamang at tinulungan siya ng kaibigan niyang kapwa OFW na tumira muna sa kanilang bahay. Kahit hindi siya makapagpagamot, kahit papaano ay may makakain at masisilungan siya.

Isang magarbong sasakyan ang huminto sa harap ng bahay ng kaniyang kaibigan isang araw. Ang may-ari ng sasakyan ay si Zhang Wei, ang sakiting bata na inalagaan ni Trining dati sa Hong Kong. Matagal na pala siyang pinaghahanap nito. Balak niya sanang kuning yaya si Trining ng kaniyang mga anak. Parang tunay na anak ang turing sa kaniya ni Trining noong bata pa siya kaya nakakasiguro siyang nasa mabuting kamay ang kaniyang mga anak kung siya ang mag-aalaga ng mga ito. Pero hindi niya inaasahan ang naging kalagayan ng itinuturing niyang pangalawang ina.

Inialay ni Trining ang buong buhay niya para sa kaniyang mga kapatid pero ang sakiting bata na inaruga niya noon ang siya palang aagapay sa kaniya sa panahon ng kagipitan. Kinuha siya ni Zhang Wei at dinala siya nito sa Hong Kong para ipagamot. Nung tuluyan ng gumaling si Trining sa kaniyang karamdaman kinupkop siya ng dating niyang alaga hindi para maging yaya ng kaniyang mga anak. Kinuha ni Zhang Wei si Trining para maging bahagi ng kaniyang pamilya.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement