
Higit na Matanda sa Kaniya ang Babaeng Iniibig; Subalit Ito nga ba ang Tunay na Rason kung Bakit Lagi Siyang Basted?
Nagniningning ang matang tinitigan ni Daniel ang kaniyang katrabaho na si Selina, o karaniwang tinatawag na “Ate Selina.”
Isa kasi ito sa mga medyo may edad nang empleyado sa kanilang opisina.
“Hoy! Daniel! Nag-de-daydream ka na naman riyan! Ilang beses ko pa dapat ipaalala sa’yo na hindi ka type ni Ate Selina?” nambubuskang kinalabit siya ni Dylan, isa sa mga malalapit niyang kaibigan.
Pinukol niya ito ng masamang tingin.
“Hindi mo naman kailangan ipagduldulan ‘yan sa akin. Alam ko naman ‘yun, sa ilang beses na niyang pambabasted,” nakabusangot na reklamo niya sa kaibigan.
Humalakhak ito bago muling nagsalita.
“Alam mo, Daniel, napakaraming babae dito na nagkakandrapa sa’yo. Hindi ko lubos na maintindihan bakit hindi ka maka-move on kay Ate Selina. Oo, maganda siya, pero pare, halos isang dekada ang tanda niya sa atin. Bakit hindi ka humanap ng iba?” naiiling na payo ni Dylan.
“Iba si Selina, pare. Siya ang gusto kong makasama habambuhay,” madamdaming pahayag ni Daniel habang matiim na nakamasid sa babaeng iniibig.
Ilang taon na rin simula noong nakilala niya ang babae. Hindi niya tuloy maiwasang balikan ang unang araw na nakilala niya ito.
Nasa elevator si Daniel nang marinig ang bulungan ng dalawang babaeng katabi niya.
“Si Selina, puro ganda lang ‘yun, hindi naman talaga magaling!” bulong ng isang babae.
“Oo, kunwari pa siyang mabait para magustuhan siya ng lahat. Halata naman na pina-plastic niya lang tayo! Mabuti na lang at nakalipat na tayo ng department, hindi na natin siya makikita!” inis na sagot naman ng isa pang babae.
Naghagikhikan ang dalawa. Sa pagtatawanan ng mga ito ay aksidenteng natapon ng katabi niyang babae sa suot-suot niya na polong puti.
“Oh my gosh! Sorry!” maarteng hinging paumanhin ng babae. Ngunit agad itong bumaba kasama ang karamihan ng nasa loob ng elevator nang dumating sila sa fourth floor.
“Tsk tsk. Paano na ito ngayon?” problemadong bulong ni Daniel.
“Kailangan mo ng tulong?” isang mahinhin at magandang tinig ang umagaw ng kaniyang atensiyon.
Nalingunan niya ang isang ubod ng gandang babae. May pag-aalala sa mukha nito habang nakatingin sa namantsahan niyang damit.
“Ah, eh… oo,” nahihiyang sagot niya.
“Halika, sama ka sa akin, subukan ko manghiram sa kaibigan ko ng extrang damit,” yaya nito sa kaniya.
Walang nagawa ang natulalang si Daniel kundi ang sumunod sa babae.
Nakangiting inabot nito ang isang puting damit sa kaniya,
“Bago ka ba rito? Parang ngayon lang kita nakita?” tanong ng babae.
“Ah, h-hindi. A-aplikante ako. Interview ko ngayon,” nauutal na sagot niya sa magandang babae.
Nagliwanag ang mata ng babae. “Ganun ba? Naku, baka ma-late ka. Sana makapasa ka!” taboy sa kaniya ng dalaga bago ito muling pumasok sa opisina.
Nalungkot pa si Daniel nang hindi niya man lang natanong ang pangalan ng babae, kaya ganun na lamang ang saya niya nang sa kaniyang unang araw sa opisina ay makilala niya ang babaeng nagpatibok ng kaniyang puso.
“Ako si Selina. Nice to meet you. Pwede mo ako tawaging Ate Selina.” May malaking ngiti sa labi ng babae nang magpakilala ito. Marahil ay naalala siya nito.
“Ate? Parang magkaedad lang naman tayo?” naguguluhang wika niya dito.
Natawa ang babae. “Ilang taon ka na ba?”
“Twenty three.”
“Halos sampung taon ang tanda ko sa’yo,” natatawang wika nito.
Hindi makapaniwala si Daniel. Hindi kasi halata sa mukha ng babae. Marahil ay dahil maganda kasi ito at lagi itong nakangiti. Hindi niya din ito kahit minsan tinawag na “ate.”
Isang marahang kalabit ang nagpabalik sa diwa ni Daniel sa kasalukuyan.
“Daniel, mag-tanghalian na nga tayo at kanina ka pa tulala diyan. Baka nalilipasan ka lang ng gutom,” yaya sa kaniya ni Dylan.
Napabuntong hininga na lamang si Daniel. Hindi niya kasi maiwasang malungkot sa tuwing iniisip niya na hindi siya gusto ng babaeng iniibig.
Kapag naman tinatanong niya ito kung ano ang dahilan kung bakit ayaw nitong tanggapin ang pagmamahal niya, ang lagi lang nitong sinasabi ay “May ibang babae na higit na karapat dapat sa’yo, Daniel.”
Habang kumakain ay wala pa ring konsentrasyon si Daniel. Nasa harap lang kasi nila si Selina at ang nag-iisang kaibigan nito na si Ella.
Isa rin iyon sa mga bagay na ikinalulungkot ni Daniel. Ubod ng ganda si Selina at nuknukan ng bait subalit hindi ito nagkaroon ng maraming kaibigan.
Ang mga babae kasi ay kadalasang naiinggit dito kaya naman madalas ito siraan ng kung sino sino. Habang ang mga lalaki naman ay pulos panliligaw lang ang motibo sa paglapit dito.
Mabuti na lamang at may isang tapat na kaibigan si Selina. Si Ella.
Nang mapasulyap siya kay Ella ay napagtanto niyang matiim itong nakatitig sa kaniya. Nagtataka man ay isang simpleng ngiti ang iginawad niya rito bago ibinalik ang tingin sa kaniyang sinisinta na abala sa pagkain.
Hindi niya tuloy nakita ang malungkot na tinging ibinato sa kaniya ni Ella.
Nagpatuloy ang panliligaw ni Daniel kay Selina. Ngunit kagaya ng dati ay patuloy itong tumanggi sa pag-ibig na iniaalok niya.
Dumating tuloy ang araw na napagod si Daniel.
“Sa Sabado, magkita tayo sa lugar kung saan una tayong nag-date. Kapag hindi mo pa rin ako sinagot, susuko na ako sa panliligaw ko sa’yo,” maluha-luhang wika ni Daniel kay Selina nang araw na iyon.
Sumapit ang gabing kinatatakutan ni Daniel. Panay ang lingon niya sa pinto ng restaurant.
Ngunit lumipas na ang trenta minutos ay hindi pa rin dumarating ang babae.
Makalipas ang isang oras, tuluyan nang bumagsak ang balikat ni Daniel. Imbes kasi na si Selina ang dumating, ibang babae ang pumasok sa pinto. Si Ella.
“Ano? Pinasasabi ba niya sa’yo na hindi niya talaga ako kayang mahalin? Ganun ba kalaki ang pagka-disgusto niya sa akin para hindi man lang niya ako siputin?” naghihinanakit na bungad ni Daniel sa babae.
“Hindi. Gusto ka rin niya,” mahinang sambit ni Ella.
Napamulagat si Daniel. Hindi inaasahan ang narinig.
“P-paanong gusto niya ako?”
Nagpakawala si Ella ng malalim na buntong hininga bago nagsimulang mag-kuwento.
“Matagal ka nang gusto ni Selina, Daniel. Lagi ka lang niya binabasted dahil ayaw niya akong saktan.” nakayukong simula ni Ella.
“Malalim ang samahan namin ni Selina dahil ako ang kaisa-isang naging kaibigan niya rito. Kaya naman ng sinabi ko isang araw na gusto kita, hindi siya nagdalawang-isip na magparaya.”
“Hindi niya sinabi na gusto ka rin niya, pero nakikita ko ang lungkot sa mga mata niya sa tuwing binabasted ka niya.”
“Nitong huli, nadatnan ko siyang umiiyak. Sa pamimilit ko ay tuluyan na siyang umamin na mahal na mahal ka raw niya, at natatakot siya na tuluyan kang lumayo. Pero ayaw niya rin na masira ang pagkakaibigan namin.”
“Kaya naman nagdesisyon akong palayain na ang aking sarili mula sa taong alam kong kailanman ay hindi magiging akin,” umiiyak na kwento ni Ella.
Kumirot ang puso ni Daniel dahil alam niyang nasasaktan si Ella, subalit ramdam niya rin ang galak sa kaalamang mahal din siya ng babaeng inibig.
“Bakit ka nag-desisyong magparaya, Ella?” naluluhang tanong ni Daniel.
“Dahil mahalaga kayo ni Selina sa akin. Ayokong maging dahilan ako ng kalungkutan niyo dahil hindi kailanman naging sakim at madamot ang tunay na pagmamahal.” May pilit na ngiti sa labi ni Ella.
Mahigpit na niyakap ni Daniel si Ella bago tumungo sa taong tuluyang kukumpleto sa buhay niya. Si Selina.
“Sa wakas, ibinigay mo rin ang matamis mong oo,” malawak ang ngiting anas ni Daniel sa kasintahan habang yakap ito nang mahigpit.
Makalipas ang dalawang taon ay nagpakasal sina Daniel at Selina.
Nang magbuntis si Selina sa kanilang panganay na anak ay pinangalanan nila itong Ella, bilang pasasalamat sa dalisay nitong pagmamahal sa dating iniibig at sa matalik na kaibigan.