
Isang Matanda ang Napahiya Dahil sa Isang Lata ng Gatas; Tutuligsain ba Siya o Tutulungan?
Pagod na itinulak ni Rita papunta sa kahera ang kaniyang mga pinamili. Halos dalawang oras na kasi simula nang mamili siya ng mga kailangan nila sa bahay.
Inis siyang napapikit nang makita ang mahabang pila na kailangan niyang suungin upang mabayaran ang mga pinamili.
“Mukhang aabutin pa ako isang oras bago ako makauwi,” himutok niya sa asawa nang tumawag ito.
“Sana kasi mahal, pinagpabukas mo na ‘yan eh, Sabado naman,” banayad na paninisi ng kaniyang mister.
“Eh gusto ko nga magluto ng masarap na breakfast bukas, at wala na tayong stock sa ref,” nakasimangot niyang sagot dito.
“Sige, sabihin mo sa akin kapag pauwi ka na at susunduin na kita para hindi ka na mahirapan pa sa pagko-commute,” pag-amo sa kaniya ng asawa bago ito nagpaalam.
Tahimik siyang nagmumuni habang nakapila nang aksidenteng marinig ang babaeng nakapila sa kaniyang unahan.
“Ano ba naman ‘yan, napakatagal naman!” gigil na anas ng babae.
Sinipat niya ito. Kagaya niya ay punong-puno din ang cart na nasa tapat nito.
Ngunit ang mas nakaagaw ng pansin niya ay ang isang matandang lalaki na kapwa nila nakapila. Hindi kagaya ng iba na nag-uumapaw ang mga pinamili, iisang lata lamang ng gatas ang hawak ng matanda. Tahimik itong nakapila ngunit sa hindi niya alam na dahilan ay tila hindi komportable ang lalaki.
Makalipas ang trenta minutos ay unti-unti ring nakalapit si Rita sa kahera. Sa wakas ay dalawa na lamang at siya na.
Napakunot noo si Rita nang tila nagkaroon ng munting komosyon nang ang matanda na ang nagbabayad.
Tila may kung anong ipinapaliwanag ang kahera sa matanda habang tahimik na nakayuko lamang ang matanda at mahigpit ang kapit sa lata ng gatas.
Naunawaan ni Rita ang pangyayari nang muling magsalita ang bugnuting babaeng nakapila sa kaniyang unahan.
“Ano ba ‘yan, papasok-pasok dito, pipila-pila, wala naman palang pambayad!” malakas na wika ng babae, dahilan upang maagaw ang atensiyon ng mga malapit sa kanila.
Nag-aalangang lumingon ang matanda. Bakas sa mata nitong ang matinding pagkapahiya.
Matapos ang ilang minuto pang diskusyon nito sa kahera ay bagsak ang balikat ng matanda na umalis sa pila.
Kipkip ang lata ng gatas, nahulaan ni Rita na ibabalik nito ang gatas na bibilhin sana dahil wala itong sapat na pambayad.
Bago pa napigilan ni Rita ang sarili ay nakapagsalita na siya at nausisa niya na ang matanda.
“‘Tay, ano hong problema?”
Malungkot na ngumiti ang matanda. “Naku, kulang kasi ang pera ko. Hindi ko nadaan sa pakiusap.” Pagak na natawa ang matanda. “Kawawa naman ang apo ko.”
Hindi maiwasan ni Rita na maawa sa matanda. Bakas man sa suot nito ang kahirapan ay nangingibabaw pa rin ang pagmamahal nito para sa apo.
Narinig niya ang nakikisimpatyang bulong ng karamihan sa mga nakapila. Tila nahabag din ang mga ito sa kalagayan ng matanda.
Walang pagdadalawang-isip na kumuha si Rita ng isa pang cart para sa matanda.
“Halika ho, ako ang bahala sa inyo,” malawak ang ngiting inakay niya ang matanda upang samahan ito sa pamimili.
Siniguro niya na makakabili ang matanda ng isang buwang suplay ng gatas para sa apo nito.
Sa kanilang pagkukwentuhan ay napag-alaman niya na kapapanaw lamang pala ng ama ng batang nasa pangangalaga nito, kaya naman kahit na may edad na ay pinipilit nito maghanapbuhay pantustos sa apo.
Dahil may edad na ay nahirapan na rin ang matanda na makapaghanap ng trabaho kaya naman pa-extra extra ang matanda sa kung ano-anong klase ng trabaho kagaya ng pagkakakarpintero, o ‘di kaya ay tagalinis.
“Dahil maliit ang kita, kadalasan ay gipit,” bigong wika ng matanda. Mahahalata sa mukha nito ang pagod at hirap na dinaranas.
Habag na habag si Rita sa kuwento ng matanda. Kaya naman bukod sa gatas ay binilhan niya rin ang matanda ng mga makakain at marami pang iba.
Dahil marami ang nakarinig sa nakakaawang sitwasyon ng matanda ay maraming mamimili rin ang nagboluntaryong tumulong.
Matapos ang halos isang oras na pamimili ay dalawang malaking cart na puno ng kung ano-anong pagkain at kasangkapan para sa bata at sa pamilya nito ang nalikom ng matanda mula kay Rita at sa ibang mamimili na nagdesisyong tumulong.
Maluha-luha ang matanda nang makitang umabot sa halos dalawampung libo ang halaga ng tulong na nakuha niya mula sa mga estrangherong nagmalasakit.
“Maraming salamat sa inyong lahat. Tatanawin ko itong malaking utang na loob,” sinserong wika ng matandang lalaki habang hindi pa rin hawak ang mga pinamili.
Lalo pang naiyak ang matanda nang may iilan pang nag-abot dito ng munting halaga para may panggastos sa mga susunod na araw.
Malaki ang pasasalamat ng matanda sa lahat subalit isang pares ng kamay hinawakan niya nang mahigpit.
“Maraming salamat, hija. Imbes na panghuhusga at panunuligsa ay pinili mong tumulong sa isang pobreng kagaya ko. Napakapalad ko dahil nakilala kita,” madamdaming pasasalamat ng matanda sa taong unang-unang nag-abot dito ng tulong. Si Rita.
“Walang anuman ho, tatay. Masaya kami na makatulong sa inyong pamilya,” nakangiting wika ni Rita.
Hindi na makapaghintay si Rita na makauwi at mayakap ang kaniyang pamilya. May napagtanto kasi siya sa sinabi ng matanda.
Totoo na mapalad ito dahil sa laki ng tulong na natanggap. Subalit ‘di hamak na higit siyang mapalad sa pagkakaroon ng pamilyang mayroong higit pa sa sapat.
Tunay ngang mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa binibigyan.