Inday TrendingInday Trending
Ayaw Niya ang Babae Dahil Mataba Ito; Laking Pagsisisi Niya nang Isang Babae ang Bumasag sa Kaniyang Puso

Ayaw Niya ang Babae Dahil Mataba Ito; Laking Pagsisisi Niya nang Isang Babae ang Bumasag sa Kaniyang Puso

“Pare, nandiyan na naman ‘yung number 1 fan mo!” nakangising buska ni Lex sa kaibigang si Hance.

“Tigilan mo nga ako! Hindi ko type ‘yun. Sexy chicks ang gusto ko,” taas kilay na sagot ni Hance sa kaibigan bago naaalibadbarang pinukol ng tingin ang babaeng sige sa pagsigaw ng pangalan niya. Si Betsy.

Muling pumaimbabaw ang pamilyar na napakatinis na sigaw ni Betsy.

“Hance! My love! Galingan mo!”

Iritableng umirap si Hance sa mga kasama nang makatanggap ng kantiyaw mula sa mga ito.

“Ang arte mo naman, pare! Hindi mo man lang makita ang halaga ni Betsy. Mataba lang ‘yan pero tingnan mo naman ang mukha, parang barbie sa ganda! Saka napakabait nung tao. Hindi ka naman kaguwapuhan pare!” pang-iinis pa ni Lex na sinundan ng malakas na halakhak.

Hindi kumibo si Hance. Gustong-gusto niya na kasing matapos ang diskusyon tungkol sa kaniyang kababata.

Ayaw niyang saktan si Betsy subalit nahihiya siya na malaman ng kanilang eskuwelahan na may gusto ito sa kaniya.

Sikat siyang basketbolista sa paaralan nila samantalang madalas itong ma-bully dahil nga mataba ito.

“Betsy… gusto kong itigil mo na ang kung ano mang nararamdaman mo sa akin,” isang araw ay pakiusap niya sa kababata.

Agad na namuo ang luha sa mapungay na mata ng babae. “Pero bakit, Hance?”

“Hindi kita gusto,” direktang pag-amin niya rito.

“Bakit? Dahil ba mataba ako?” naghihinanakit na tanong niya sa lalaki.

Hindi kumibo si Hance.

Napangiti nang mapakla ang babae.

“Sana ay mahanap mo ang babae na tunay na magmamahal sa’yo, Hance. ‘Yung hindi nakatingin lamang sa panlabas na anyo na hindi naman mahalaga,” mahinang bulong nito bago bagsak ang balikat na naglakad palayo.

Malungkot si Hance sa nangyari subalit nakahinga rin siya nang maluwag. Ang mahalaga ay wala nang Betsy na mangungulit sa kaniya.

Ilang araw ang lumipas. Isang magandang transferee ang dumating sa kanilang paaralan. Si Hazel.

Dahil talaga namang kakaiba ang ganda na taglay ng babae, maraming lalaki ang nagkandarapa rito. Isa na doon si Hance.

“Hazel, manood naman tayo ng sine, libre ko,” nahihiyang paanyaya ni Hance sa babae.

“Naku, may nagyaya na kasi sa akin, next time na lang, ha?” pa-cute na ngumiti ang babae kay Hance.

Tila natunaw naman ang anumang pagkadismaya ni Hance at natulala sa ganda ng ngiti ng babae.

“May pag-asa ako kay Hazel,” iyon ang nasa isipan niya habang minamasdan ang magandang dalaga.

Ngunit taliwas sa kaniyang inaasahan ang naging sagot nito nang magtapat siya sa babae.

“Hance, ayoko sa’yo, hindi ka naman ganun kaguwapo. Bakit ako magtitiyaga sa’yo kung kaya ko naman kumuha ng lalaki na ‘di hamak na mas may ibubuga kumpara sa’yo?” direktang sagot ng dalaga.

Hindi nakahuma si Hance. Tila hiniwa ang kaniyang puso dahil sa talim ng mga salita ng babae.

“Pero, tunay ang pag-ibig na iniaalay ko sa’yo, Hazel. Bakit kailangan mong tumingin sa panlabas na anyo?” Malungkot na tingin ang ipinukol niya sa dalaga.

Nang oras na iyon ay tila kidlat na bumalik sa kaniyang alaala ang mga sinabi ni Betsy.

“Sana ay mahanap mo ang babae na tunay na magmamahal sa’yo, Hance. ‘Yung hindi nakatingin lamang sa panlabas na anyo na hindi naman mahalaga.”

Lulugo-lugong naglakad palayo si Hance mula sa taong bumasag na kaniyang puso.

Ngayon ay alam niya na ang naramdaman ni Betsy nang tanggihan niya ito dahil sa pagiging mataba nito.

“Patawarin mo ako, Betsy. Mali na tinanggihan ko ang pagmamahal mo dahil lang sa pisikal mong anyo,” sinserong paghingi niya ng paumanhin sa kababata.

Kinuwento niya rito ang mga sinabi ni Hazel.

“‘Wag mo nang isipin ‘yun, Hance. ‘Di ba sinabi ko naman sa’yo na makakahanap ka rin ng taong mamahalin ka ng totoo?” nakangiting paaalala ni Betsy sa kababata.

Napatitig si Hance sa magandang mukha ni Betsy.

At doon niya napagtanto na napakaganda pala ng ngiti nito. Tila may kumislot sa kaniyang dibdib. Hindi niya tuloy maiwasang umasa na baka may natitira pang pagmamahal si Betsy para sa kaniya.

“Tingnan mo ako, nakahanap ako ng lalaki na tanggap ang pagiging mataba ko,” maya-maya ay dagdag ng dalaga.

Isang pamilyar na lalaki ang maya maya ay dumating. Walang iba kundi ang kaniyang kaibigan na si Lex.

“Lex?” Napamulagat si Hance sa gulat nang akbayan ng bagong dating si Betsy.

Nahihiyang ngumiti si Lex.

“Pare, hindi ko nasabi sa’yo kasi busy ka kay Hazel. Pero kami na ni Betsy. Matagal ko na siyang gusto pero alam kong ikaw ang gusto niya. Kaya naman nung binasted mo siya, hindi na ako nagdalawang-isip na magtapat sa kaniya,” pagkukwento ng lalaki.

Halata sa mukha nito ang pagmamahal sa kaniyang kababata. Masasabi niya na mapalad ang dalawa dahil natagpuan ng mga ito ang isa’t isa.

Labis naman ang panghihinayang ni Hance. Siya sana ang mapalad na lalaki kung hindi lang siya nabulag ng panlabas na ganda.

Advertisement