
Pinili Niyang Magpaubaya Para sa Kaligayahan ng Dalawang Taong Mahalaga sa Kaniya; Pagsisisihan Niya Kaya ang Naging Desisyon?
“Pa, pwede po ba akong magtanong?” Malambing na wika ni Olive sa kaniyang ama na si Zandro.
“Ano iyon, anak?”
“Masaya ka bang ikakasal na si mama kay Tito Monching? I mean, hindi ka man lang ba nanghihinayang o nasaktan man lang?”
Bahagyang ngumiti si Zandro saka hinapit palapit ang bunsong anak. “Genuinely, anak, masaya ako para sa mama mo. Although medyo may panghihinayang akong nararamdaman pero ‘yong makita ko siyang masaya sa piling ni Monching ay okay na rin ako, masaya na ako na masaya ang mama mo,” nakangiting wika ni Zandro.
Kita sa mata nito na totoong masaya ito sa pagpapakasal ng ina niyang si Olivia, sa bestfriend nitong si Monching. Sino ba naman ang mag-aakalang pagkatapos ng halos tatlong dekadang pagsasama ng dalawa ay mauuwi rin lang hiwalayan.
“Alam niyo naman ang kwento ng buhay namin ng mama mo at ng Tito Monching mo ‘di ba? We used to be best of friends. Pero lingid sa kaalaman ko noon na may lihim na pagtingin si Monching sa mama mo.”
“No’ng panahon na iyon pa? Mahal mo na rin si mama?” Tanong ni Olive.
“Hindi pa ako sigurado. I’ve always seen her as my little sister,” nakangiting kwento ni Zandro. “Kaso sadyang mapaglaro ang tadhana. Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay nabuntis ko ang mama mo. Si Monching ang pinakagalit na galit sa’kin na halos pat*ayin niya ako sa sarili niyang kamay.
At that moment I realize na mahal niya pala si mama mo. Sinabihan ako ni Monching, na papat*ayin kapag hindi ko pinanagutan si Olivia, and so did I. Pinakasalan ko si mama mo at bumuo kami ng masayang pamilya.
Nagpakalayo-layo si Monching at piniling magpaubaya. Maraming taon ang lumipas. Akala ko ay kapag masaya na ang pamilya ay perpekto nang maituturing. Marami ang nangyari hanggang sa na-realize na lang namin parehas ni mama mo na hindi pala talaga kami ang para sa isa’t-isa.
We chose to stay in that relationship kasi mahal namin kayo na mga anak namin. Ayaw naming magkaroon kayo ng wasak na pamilya. Until one day muling pinagtagpo ang landas ni Tito Monching mo at ng mama mo. This time pinili ko namang magpaubaya sa kanilang dalawa.
Gusto kong maging masaya ang dalawang taong mahal ko. Kaya kahit medyo nanghihinayang ako kasi sayang iyong mga panahon na buo pa tayo, but still happy kasi nakikita kong masaya ang dalawang taong mahalaga sa buhay ko. At alam ko rin na naiintindihan niyo na ako ng tatlong kuya mo,” mahabang paliwanag ni Zandro, pagbabalik-tanaw sa magandang nakaraan.
“Opo. Kahit medyo magulo at mahirap intindihin ay pinili namin nina Kuya na intindihin ka. Nakikita naman namin na masaya ka sa naging desisyon mong pagpapaubaya kaya sino ba naman kami para humadlang,” nakangiting wika ni Olive.
Magulo at masakit ang nangyaring pagpaparaya ng kanilang ama sa pagmamahalan ng Tito Monching at Mama Olivia, pero ang makita itong masaya para sa dalawa’y sapat na upang hindi sila mangialam.
“Alam mo kasi, anak. Minsan masakit naman talaga ang magparaya, masakit ang maiwan, at masakit bitawan ang mga masasayang alaala. Pero hindi iyon dahilan upang hindi mo siya bitiwan, lalo na kung pakiramdam mo hindi na kayo masaya sa isa’t-isa.
Pipiliin ko palaging maging masaya si mama mo— kahit ang kaligayahan na iyon ay hindi na ako kasama. Sapat na ang sayang ibinigay ni mama mo sa’kin noong iniluwal niya kayong apat. Kaya ito naman ang pagkakataong dapat ibalik ko sa ang kaligayahan niya,” ani Zandro sabay yakap sa anak.
“I love you, papa. Kahit anong mangyari, kayo pa rin ni mama ang the best para sa’min. Sabi nga ni Kuya Ice, mas cool daw kasi dalawa na ang papa namin ngayon. Siyempre ikaw ang number one at si Tito Monching naman ang number two,” masayang wika ni Olive.
“Dapat lang na ako ng number one,” natatawang wika ni Zandro, sabay yakap ng mahigpit sa anak.
“Siyempre naman. Kahit ano pa man ang back story ng kwento niyong tatlong magkakaibigan. Mas pinili niyo pa rin namang maging mabuting tao. Ikaw napakabuti mong asawa kay mama at ama sa’min ng mga anak mo. Si mama naman ay hindi nagkulang sa pag-aalaga sa’min. Kaya wala naman kaming dapat ireklamo,” nakangiting wika ni Olive.
Magulo man kung iisipin at masakit kung dadamdamin. Minsan may mga bagay rin na dapat bitawan at iparaya, lalo na kung sa tingin mo’y iyon ang mas makakabuti sa lahat.