Inday TrendingInday Trending
Kaarawan Niya at Mukhang sa Kulungan pa Yata ang Kaniyang Punta; Ngunit Isang Sorpresa ang Gugulantang sa Kaniya

Kaarawan Niya at Mukhang sa Kulungan pa Yata ang Kaniyang Punta; Ngunit Isang Sorpresa ang Gugulantang sa Kaniya

“Tita Inez, meron pong tao sa labas. Hinahanap po kayo,” pagbibigay-alam ni Mime, sa tiyahing abala sa pagluluto.

Kaarawan ni Inez ngayon at nagluto nga lang siya ng pansit bihon, upang kahit papaano ay may pagsaluhan sila ng kaniyang pamilya. Singkwenta’y singko na siya kaya kahit simpleng handaan lamang ay sapat na.

“Sino ba iyan?” Ani Inez.

Hindi na nga siya nag-iingay sa kaniyang kaarawan kasi wala naman siyang pera panghanda, may hindi inaasahang bisita pa yata siyang darating. Kung kakain naman ito ng pansit ay wala namang problema.

“Hi Ma’am Inez,” masiglang bati ng babae.

“Hello. Sino po sila?” Takang tanong ni Inez. Hindi niya kilala ang babae.

“Ma’am kami po iyong in-orderan niyo ng mga bulaklak na pang-disenyo sa bahay, online. Ito po at dala na namin ang order ninyo,” wika ng babae.

Mas lalong lumalim ang gatla sa noo ni Inez dahil wala naman siyang natatandaang nag-order siya online. “Kailan po ako nag-order, ma’am?”

Kita naman sa mukha ng babae ang labis na pagtataka. “One week ago po.”

“Paano ba iyan e, wala naman akong natatandaan na may order akong mga bulaklak. Baka nagkakamali po kayo ma’am,” ani Inez sa babaeng tila nalilito na rin.

“Hala ka, ma’am. Imposible po iyon kasi ito po ang nakasulat na pangalan at address ng bahay. Eksakto po sa inyo lahat,” kinakabahang wika ng babae. “Paano po iyan hindi pa po bayad ito ma’am,” tila mangiyak-iyak na wika ng babae.

“Hala! Magkano naman ang dapat bayaran d’yan? Hindi po kasi ako um-order. Kaya nga po ako nagtataka. Saka wala po akong perang pambayad. Diyos ko! Kaarawan ko nga ngayon e, wala akong handa. Tapos narito ka at sisingilin ako sa order na hindi ko naman ginawa,” mangiyak-ngiyak na wika ni Inez.

Hindi pa man sinasabi ng babae ang presyo ng mga bulaklak ay alam na ni Inez na mamahalin ang tinutukoy ng babae. Paano niya mababayaran ang mga bulaklak na iyon kung kahit panghanda sa kaarawan niya’y kapos siya.

Gusto niyo po bang tignan ma’am kung ano iyong in-order niyo? Baka po kapag nakita niyo na’y maalala niyo na may in-order kayo sa’min,” wika ng babae.

“Hala! Paano ba iyan? Saan ako kukuha ng pambayad sa inyo?” Nag-aalalang wika ni Inez.

Baka makulong siya sa kasalanang hindi naman niya ginawa.

“Tingnan niyo po muna,” wika ng babae saka inalalayan si Inez sa nakaparang van.

Nang buksan ang puting van ay bumungad sa kaniya ang iba’t-ibang klaseng putahi ng ulam, isang pabilog na cake at pumpon ng bulaklak.

“Happy Birthday po Ma’am Inez,” masayang bati ng babaeng nagpakilala sa pangalang Julie. “Pasensya na po, ma’am, kung muntik ko na kayong paiyakin kanina. Ang totoo po ay napag-utusan lamang ako, ma’am.”

“Pasaway ka talaga. Alam mo bang kinakabahan na ako kanina. Iniisip ko na wala akong perang pambayad sa’yo. Baka ipakulong mo ako. Ang malas naman ng kaarawan ko, makukulong ako,” umiiyak na wika ni Inez.

Agad namang niyakap ni Julie si Inez. “I’m sorry, ma’am. Ang totoo ay napag-utusan lang ako ni Sandra, ang mahal niyong pamangkin na nasa Canada ngayon. Hindi niya kasi kayang gawin ang bagay na ito dahil nasa malayo siya. Kaya ako na lang po ang gumawa, upang mapasaya kayo sa kaarawan niyo. I’m sorry po ulit,” wika ni Julie.

“Salamat. Hindi ko ‘to inaasahan,” humihikbi sa galak na wika ni Inez.

“At bukod po rito sa pa-sorpresa niya ma’am ay tatawagan po natin siya ngayon,” ani Julie saka inilabas ang tablet upang magkaharap ang magtiyahin kahit sa videocall man lang.

“Sandra, nandito na ang tita mo,” ani Julie saka hinayaan ang dalawang magtiyahing mag-usap.

“Happy Birthday ,Tita Inez, bakit ka umiiyak? Pinaiyak ka ba ni Julie?” Natatawang tanong nito ng makitang panay ang punas ng luha si Inez.

“Akala ko’y makukulong na ako kasi wala akong pambayad sa sinasabi niyang in-order kong bulaklak,” sagot naman ni Inez na mas lalong tinawanan ni Sandra.

“Pasensya na tita, pasaway talaga iyang si Julie. By the way tita sana maging masaya ka sa ika-singkwenta’y singko mong kaarawan. Wala akong ibang hinihiling kung ‘di ang mapaligaya ka. Pambawi ko ito noon sa kabutihan mo sa’kin bilang tiyahin, at pasasalamat sa walang humpay na pag-suporta, noong nariyan pa ako sa ‘Pinas.

Ikaw ang pinaka-unang taong naniwala sa’kin tita at hindi mo ako pinabayaan. Pasensiya ka na tita kung iyan lang ang nakayanan ko, pero nais kong malaman mo sa pamamagitan niyan na mahal na mahal kita, tita,” mangiyak-ngiyak na wika ni Sandra. “Lagi mong aalagaan ang sarili mo at gusto kong kapag uuwi ako sa ‘Pinas ay ikaw ulit ang susundo sa’kin. Miss na miss ko na kayong lahat d’yan,” ani Sandra.

“Miss na rin kita, Sandra. Mag-iingat ka d’yan at huwag pababayaan ang sarili. Walang humpay ang saya ko malaman ko lang na nasa mabuting kalagayan ka. Alam mo iyan,” ani Inez.

Marami pa silang napag-usapang mahahalaga saka nagpaalam si Sandra sa mahal niyang tiyahin. Si Inez na ang nagpalaki kay Sandra, mula noong nam*tay sa aksidente ang mga magulang nito.

Kaya hindi kataka-takang mahal na mahal siya ng pamangkin. Hindi man niya laging kasama si Sandra dahil nasa malayong lugar ang trabaho nito’y hindi naman nagkulang si Inez na kumustahin ang pamangkin at gano’n rin si Sandra sa kaniya.

Kapag mabuti ang ipinakita mo sa iyong kapwa, tiyak na kabutihan rin ang isusukli nila sa’yo.

Advertisement