
Tuluyan Nang Hindi Nakilala ng Matandang Babae ang Kaniyang Apo; Nakakaiyak ang Totoong Dahilan
Sabik na bumiyahe mula Manila hanggang Bicol si Wenona, pauwi na siya sa bayang kaniyang kinalakihan, pauwi sa kaniyang Abuelang nagpalaki sa kaniya.
Halos dalawang taon na rin mula noong hindi na niya ito nakita nang personal, panay na lamang ang kanilang tawagan sa selpon dahil hindi naman ito marunong magtext. Aaminin niyang kinapanabikan niya ang araw na ito. Ang araw na makakauwi siya sa bayang kaniyang sinilangan.
“Nanay, kumusta po kayo?” Tanong ni Wenona, sa kaniyang Abuelang abala sa pagsisibak ng kahoy, panggatong.
Agad namang umangat ang mukha ni Lola Salud upang tingnan siyang matayog na nakatayo sa harapan nito. “Ayos lang naman ineng,” walang emosyong sagot nito.
Bigla namang nakaramdam ng tampo si Wenona, tila hindi na siya kilala ng kaniyang abuela. Sa dalawang taon niyang pagkawalay rito’y nakalimutan na pala agad nito ang kaniyang awra.
“Anong ginagawa niyo lola?” Muling tanong ni Wenona.
Gusto na niyang yakapin ito at umiyak sa mga bisig nito. Ang laki na ng itinanda ng mukha ng kaniyang lola. Noon pa man ay medyo nag-uulyanin na si Lola Salud, kaya hindi kataka-takang nakalimutan na nga siya ng abuela.
Syetenta’y otso na ang abuela at sa kaniyang nakikita ay malakas pa rin naman ito, nakakapagsibak pa nga ng panggatong. Kaso nga lang ay makakalimutin na.
“Ito nagsisibak ng mga kahoy ineng upang may panggatong ako. Maya-maya naman ay maliligo na ako’t lalabhan itong damit kong suot kasi mamayang alas sais ng gabi ay tatawag ang apo kong si Wenona. Gusto ko kapag tumawag si Wenona, wala na akong mga kailangang gawin,” nakangiting wika ni Lola Salud.
Ang luhang kanina pa pinipigilan ni Wenona ay tuluyan nang bumuhos sa kaniyang pisngi. Nakalimutan na ng kaniyang abuela ang kaniyang itsura, ngunit kailanman ay hindi nito nakalimutan ang pagmamahal nito sa kaniya.
“Nasaan ba si Wenona, nanay?”
“Nando’n sa Korea, nagtrabaho siya bilang isang singer doon. Dalawang taon na rin yata?” Biglang huminto sa pagsasalita si Lola Salud upang alalahanin kung ilang taon na nga ba. “Oo yata. Makakalimutin na kasi ako, ineng.
Tuwing alas-sais hanggang alas-otso ng gabi ay nagkakausap kami ng apo kong si Wenona, bago siya pumasok sa trabaho. Mahal na mahal ko ang apo kong iyon, kaya dapat lang na kapag tatawag siya’y wala na akong ibang pinagkakaabalahan,” nakangiting wika ni Lola Salud.
“Bakit naman kasi ikaw pa ang gumagawa ng mga iyan. Wala ka bang kasama rito sa bahay?” Muling tanong ni Wenona.
“Meron naman. Kasama ko ang aking apong si Cedric at ang kaniyang asawang si Elise,” anito. “Ayaw nilang gumalaw pa ako. Kaso kapag lagi lang akong nakaupo, pakiramdam ko’y nagiging inutil ako.” Natatawang wika si Lola Salud.
Si Cedric ang kaniyang nag-iisang kapatid. Mula noong naghiwalay ang mga magulang nila anim na taon pa lang siya habang tatlong taon naman si Cedric ay si Lola Salud na ang nag-alaga sa kanila.
“Hindi mo ba ako kilala, nanay?” Paniniguro ni Wenona.
Agad namang lumalim ang gatla sa noo ni Lola Salud, saka marahang umiling. “H-hindi e. Sino ka ba ineng?”
“Ano ba naman ‘yan. Nakakatampo ka naman,” mangiyak-iyak na wika Wenona. “Bakit hindi mo na ako kilala?”
Pahapyaw na ngumiti si Lola Salud at muli siyang tinitigan. “H-hindi talaga kita kilala. Sino ka ba?”
“Ako ‘to si Wenona. Pinag-uusapan natin si Wenona, pero hindi niyo ako kilala,” tuluyan nang nag-unahan ang luhang kanina pa niya pinipigilan.
“Ay! Ikaw pala iyan Wenona?” Gulat na wika ni Lola Salud. “Nandito ka na pala sa Pilipinas, hindi mo man lang nabanggit sa’kin,” anito saka tumayo at agad na niyakap ang umiiyak niyang apo. “Pasensiya ka na sa lola mong ulyanin. Hindi ko sinasadyang hindi ka makilala apo,” aniya.
“Ehh, bakit nakalimutan mo ang itsura ko pero bakit hindi mo nakakalimutan ang pangalan ko?”
“Alam mo kasi, apo. Minsan nakakalimot ang isipan sa kung ano ang kaniyang mga nakikita, ngunit kailanman ay hindi nakakalimot ang puso,” ani Lola Salud na mas lalong ikinaiyak ni Wenona. “Lumala man ang pagiging ulyanin ko at pwede kong makalimutan ang lahat sa nakaraan.
Ngunit asahan mong hinding-hindi ko makakalimutan ang apo kong si Wenona at si Cedric. Habang buhay ko kayong iuukit dito sa puso ko. Makalimutan man kayo ng isipan ko, pero hinding-hindi ko makakalimutan ang pagmamahal ko sa inyong dalawa,” mangiyak-iyak na wika ni Lola Salud.
Hindi na napigilan ni Wenona na yakapin ang abuela. Tama! Nakakalimot ang isipan, ngunit hindi kailanman nakakalimot ang puso. Gano’n rin siya, lumipas man ang panahon. Bitbit ang lahat ng alaala at pagmamahal sa lola niya na kailanman ay hinding-hindi mabubura.
“I love you lola,” ani Wenona.
“Mahal din kita apo,” nakangiting sagot naman ni Salud.

