
Ipinagkatiwala ng Isang Mister na OFW ang Kaniyang Asawa at Anak sa Kaniyang Pinsang Lalaki; Laking Gulat Niya na Ito ang Nangyari
“Bakit malungkot ka, love? Akala ko ba ay napag-usapan na natin ito?” wika ni Aldrin nang makitang hindi maipinta ang mukha ng asawang si Kaye habang nag-aayos ito ng mga gamit ng mister na dadalhin sa pangingibambansa.
“Alam ko, love. Pero hindi mo naman maiaalis sa akin na malungkot kasi matagal din ang dalawang taon. Naiintindihan ko naman na para sa atin itong gagawin mo pero iba pa rin kasi na narito ka sa piling namin ng anak mo,” tugon naman ni Kaye.
“Sandali lang ang dalawang taon, love. Tingnan mo, bukas o makalawa ay narito na ulit ako. Tiis-tiis lang. Kapag nakaipon na tayo ay hindi na ako aalis,” pampalubag loob ng asawa.
Tatlong taon na ring kasal sina Aldrin at Kaye. Mayroon silang isang taong gulang na anak. Mabigat man sa kalooban ng ginoo ang gagawing paglayo ay kailangan niya itong isantabi dahil na rin sa pamilyang nais niyang bigyan ng magandang kinabukasan.
Dumating ang araw ng paglipad patungong ibang bansa ni Aldrin. Sa airport ay hindi na napigilan ng kaniyang maybahay ang mapaiyak.
“Ngayon pa lang ay nami-miss na kita, love. H’wag kang titingin sa ibang babae doon, a! Makikita mo talaga sa akin!” pabirong sambit ni Kaye habang walang tigil sa pag-iyak.
“Halika nga dito, love. Alam mo namang ikaw lang ang maganda sa paningin ko — at baka madagdagagan na ‘yun pagdating ko sa ibang bansa,” pambubuyo naman ni Aldrin.
“Biro lang, love. Alam mong ikaw lang ang babaeng bumibihag ng puso ko,” sambit muli ng mister.
Habang malayo si Aldrin ay ipinagkatiwala naman niya sa kaniyang pinsang si Elmer ang kaniyang mag-ina.
“Alam mo namang hindi ako sang-ayon sa gusto mong ito, Aldrin. Wala akong tiwala sa pinsan mong iyan. Marami akong naririnig sa mga kamag-anak mo na hindi maganda tungkol sa kaniya. Bakit siya pa ang pinapunta mo dito sa bahay!” naiinis na wika ni Kaye habang kausap ang asawa.
“H’wag mo silang pakinggan, love. Hindi nila lubusang kilala ang pinsan ko na iyan. May pagka-basag-ulo nga siya noon pero hindi talaga siya ganoon. Bigyan mo siya ng pagkakataon. Isa pa, kailangan niyo nang lalaki diyan sa bahay,” giit ni Aldrin.
Dahil buo na ang desisyon ng mister ay wala nang nagawa pa si Kaye. Mabigat ang kaniyang loob kay Elmer dahil na rin sa mga nakakarating sa kaniyang balita. Sa totoo lang kasi ay mahilig sa gulo ang binata. Minsan na rin itong nasangkot sa isang matinding awayan at pansamantalang nakulong. Kaya ganoon na lamang ang kaniyang pagkabagabag.
Hindi niya maitindihan si Aldrin kung bakit ganoon na lang niya pagkatiwalaan ang pinsan.
“Hindi talaga ako kumportable na narito ang pinsan mo, Aldrin. Baka mamaya ay ano na lang gawin niya sa amin ng anak mo! Mas mainam na kami na lang dalawa dito ng anak mo kaysa hindi ako matahimik sa sarili kong pamamahay!” sambit ng ginang sa kaniyang asawa.
“Kaye, bigyan mo siya ng pagkakataon. Hindi lahat ng nakikita mo sa panlabas na anyo ay ganun na rin sa kaniyang kalooban. Saka, kawawa naman siya. Wala na rin siyang matutuluyan,” pakiusap ni Aldrin.
“Huling pagkakataon ko na itong makikiusap sa iyo, Aldrin. Kung ayaw mo ay kami na lang ng anak mo ang aalis. Hindi ko maintindihan sa iyo bakit ayaw mong makinig sa akin!” saad naman ni Kaye.
Binigyan ni Kaye ang kaniyang asawa ng panahon para tuluyang paalisin ang pinsan nito. Kahit ano kasi ang sabihin ni Aldrin sa kaniya ay hindi pa rin siya makapagtiwala kay Elmer.
Habang kausap ni Kaye sa telepono ang kaniyang asawa ay napansin niyang wala sa paligid si Elmer maging ang kaniyang anak. Nang tignan niya sa loob ng bahay ay nakita na lamang niya na nakalapat sa labi ng binata sa bata.
“Walang hiya ka! Anong ginagawa mo sa anak ko?! D*monyo ka!” halos maputulan ng ugat sa leeg si Kaye sa pagsigaw.
“Akin na ang anak ko! Hayup ka!” patuloy nito sa pagsigaw.
Nang mahagkan niya ang anak ay napansin niyang basang-basa ito ng tubig.
“Wala akong ginawa sa anak mo, Kaye. Habang kausap mo ang asawa mo ay bigla na lang akong nagtaka din dahil hindi ko siya nakikita malapit sa iyo. Kaya hinanap ko siya. Nakita ko siya na nalulunod sa banyo kaya agad ko siyang niligtas,” paliwanag ni Elmer.
“Alam kong ayaw mo sa akin at masama ang tingin mo sa akin. Pero hinding-hindi ko magagawa sa pamangkin ko ang bagay na iniisip mo. Hindi ko rin kayo kayang gawan ng masama,” sambit pa ng binata.
Hindi alam ni Kaye ang kaniyang sasabihin. Inililigtas lang pala ni Elmer ang kaniyang anak mula sa isang kapahamakan.
Sinabi ni Kaye ang lahat ng nangyari sa kaniyang asawang si Aldrin. Nahihiya siya sa kaniyang nagawang panghuhusga sa pinsan nito.
“Mabait ang pinsan ko na iyan. Alam mo ba, maraming pagkakataon na iniligtas din niya ang buhay ko. Siya ang palaging napapagulo para sa akin. Siya ang laging nalalagay sa alanganin dahil sa mga napapasok kong mali. Pero, hindi ako nakarinig sa kaniya ng paninisi o panunumbat. Kaya ganito na lamang ako sa kaniya. Malaki ang utang na loob ko sa pinsan ko na iyan,” pahayag ni Aldrin.
Ngayon ay naintindihan na ni Kaye ang lahat. Nahihiya man ay lumapit siya kay Elmer at saka humingi ng kapatawaran. Nagpasalamat din siya para sa nagawa sa kaniyang anak at para na rin sa lahat ng nagawang kabutihan nito sa kaniyang asawa.
Simula noon ay nagbago na ang tingin ni Kaye sa pinsan ng kaniyang asawa. Naging magaan na rin ang loob niya rito. Pumayag na rin siya kalaunan na samahan sila nito pansamantala habang nasa ibang bansa ang kaniyang asawa.