Inday TrendingInday Trending
Mainit ang Mata ng Magkumare sa Isang Lalaking Bagong Salta; Dahil sa Isang Aksidente ay Malalaman Nila ang Tunay na Pagkatao Nito

Mainit ang Mata ng Magkumare sa Isang Lalaking Bagong Salta; Dahil sa Isang Aksidente ay Malalaman Nila ang Tunay na Pagkatao Nito

“Napansin mo ba, Mila, ‘yung bagong lipat-bahay diyan sa kabila? Nag-iisa lang ‘yung lalaki. Minsan sinubukan kong kausapin ay hindi ba naman ako pinansin,” saad ni Aling Saleng sa kumare.

“Oo, ako rin! Kahapon ay nakita ko naman siyang nag-aayos ng basura sa tapat ng bahay niya. Kinamusta ko pero hindi ako pinansin. Ang sabi nga din sa aking asawa ko ay madalas niyang makita ang lalaking iyon na parang malalim ang iniisip,” sambit naman ng ginang.

“Bakit kaya nga mag-isa lang siya, ano? Wala kaya siyang pamilya? Masyadong misteryoso ang lalaking iyan,” wika pa ni Aling Saleng.

Mahigit dalawang linggo na rin kasi ang nakakalipas simula ng lumipat ang isang lalaki sa isang pinauupahang bahay sa baranggay kung saan nakatira ang dalawang ginang. Malaking palaisipan sa kanila ang pagkatao nito sapagkat iwas ito sa tao at madalas ay hindi rin sila nito iniimik.

Kaya ganoon na lamang ang pagtataka nila dahil sa laki ng bahay na kaniyang inuupahan ay wala naman siyang kasamang pamilya. Kaya hindi na maiwasan ng mga tao sa lugar na pag-usapan ang ginoo.

“Sinubukan ko na namang kausapin, Saleng, pero ayaw talagang sumagot. Inisnab lang ako!” balita ni Aling Mila sa kaniyang kumare isang hapon na magkita sila.

“Sinisilip ko nga minsan ang loob ng bahay, parang kaunti lamang ang gamit. Tapos noong nakita niya ako ay agad na nagsara ng pinto at bintana. Siguro ay may itinatago ang lalaking iyan!” dagdag pa ng ginang.

“Sa tingin ko nga ay baka may ilegal na ginagawa. Nakakatakot naman na may ganiyang taong naninirahan malapit dito sa atin. Minsan nga ay gusto ko na siyang paimbestigahan sa mga opsiyal ng baranggay,” sambit naman ni Aling Saleng.

Bigla na lamang lumapit ang anak ni Aling Saleng nang marinig ang pinag-uusapan ng magkumare.

“‘Nay, ano na naman po ang pinag-uusapan niyo riyan? H’wag niyo namang husgahan kaagad ang tao dahil kakalipat lamang po niya dito sa lugar natin. Pabayaan niyo po siya,” sambit ni Emma, panganay na anak ni Aling Saleng.

“Tigilan mo nga ang mga sinasabi mo riyan, Emma. Anong alam mo sa pagkakakilala sa mga tao? Tignan mo nga at tinakbuhan ka ng nakabuntis sa’yo. Palibhasa ay hindi ka marunong kumilatis! Kaya h’wag kang makialam sa pinag-uusapan namin ni Mila,” naiinis na sambit ng ina.

“Pasensiya na po. Ang sinasabi ko lang naman ay h’wag niyo agad siyang husgahan. Saka baka marinig niya ang mga sinasabi niyo tungkol sa kaniya,” tugon ng anak.

“Pabayaan mo kami! Tapos kapag may nangyaring masama dito at siya ang may kasalanan, saka niyo na lang maiisip na huli na ang lahat para malaman ang pagkakakilanlan ng lalaking iyan!” giit muli ni Aling Saleng.

Pinabayaan na lamang ni Emma ang magkumare dahil nasaktan din siya sa sinabi ng ina sa harap ni Aling Mila. Walong buwang buntis na kasi ang dalaga at hindi man lamang siya pinanagutan ng kaniyang nobyo dahilan para mag-isa niyang itataguyod ang batang iluluwal.

Lumipas ang mga araw at walang ginawa ang magkumare kung hindi bantayan ang mga kilos ng ginoo. Talagang buo ang kumpyansa ng dalawa na may matinding inililihim ang lalaking bagong salta.

Isang madaling araw, habang mahimbing na natutulog ang lahat ay hindi namalayan nila Aling Saleng at kaniyang tatlong anak na unti-unti nang nagliliyab ang kanilang kisame dahil sa kuryente. Nagising na lamang sila na malaki na ang apoy at hindi na nila magawang makalabas pa dahil na rin sa lubusang takot.

Kahit na nagsisigaw na sila ay walang kapitbahay na nagtangkang tumulong man lamang sa kanila. Sa puntong iyon ay halos tanggapin na ng mag-iina na baka ito na ang kanilang katapusan.

Hanggang bigla na lamang may isang lalaking humablot sa kanila at pilit silang inililigtas.

Dahil na rin sa laki ng apoy ay hirap sila sa kanilang dadaanan. Sinira ng lalaki ang pinto upang lahat sila ay makadaan. Nang makalabas ay hindi halos makausap ang mag-iina sa takot.

Nang mahimasmasan ay laking gulat nila nang malamang ang lalaking bagong salta pala ang nagligtas sa kanilang buhay.

“Maraming salamat sa iyo! Tatanawin kong malaking utang na loob ang lahat ng ito habang ako ay nabubuhay,” wika ni Aling Saleng.

Tanging isang ngiti lamang ang itinugon ng lalaki.

“Ano ba ang pangalan mo? Bakit ayaw mong makihalubilo sa mga taga-rito? Bakit ayaw mo kaming kausapin?” sunud-sunud na tanong ng ginang.

Bigla na lamang sumenyas ang lalaki.

Laking gulat nila nang malamang isa pala itong pipi at bingi. Ito pala ang dahilan kung bakit hindi sila pinapansin nito. Nahihiya din pala ang lalaki dahil sa kaniyang kalagayan. Dahil sa pangyayari ay natutunan ng magkumare na masama ang manghusga sa kapwa.

Lubos naman ang paghingi ng tawad ni Aling Saleng at Aling Mila sa mga maling nasabi ng mga ito sa lalaki. Habangbuhay namang magpapasalamat si Aling Selya at kaniyang mga anak sa pagsagip ng lalaki sa kanilang buhay.

Advertisement