Inday TrendingInday Trending
Ayaw Makinig ng Isang Dalaga sa Bilin ng Kaniyang Ina; Pagsisisihan Niya Ito Nang Maiwan Siyang Nag-Iisa

Ayaw Makinig ng Isang Dalaga sa Bilin ng Kaniyang Ina; Pagsisisihan Niya Ito Nang Maiwan Siyang Nag-Iisa

“Rachel, ano na namang ang gulong pinasok mo? Kababae mong tao. Bakit ba ayaw mong iayos ang buhay mo? Hindi habambuhay ay narito ako, anak, para ayusin ang gusot mo,” sambit ni Adelaida sa kaniyang nag-iisang anak na dalaga.

“Tigilan mo na nga ako sa kadramahan mo, ‘ma. Bayaran mo na lang ‘yung sasakyan nang matapos na. Pera lang naman ang kailangan ng mga ‘yan!” pabalang na tugon ni Rachel sa ina.

“Kung pag-aaral mo na lang kasi ang atupagin mo at hindi ‘yang pagbabarkada mo. Ilang taon ka na sa kolehiyo. Hindi mo pa rin natatapos. Anak, isipin mo rin naman ang kinabukasan mo,” giit ng ina.

“Oo na, ‘ma. Paulit-ulit ka na lang sa sinasabi mo, e. Babayaran mo ba ang nasirang sasakyan o hindi? Kasi kung hindi ay lalapit na lang ako sa ibang kaya akong tulungan,” sambit ng dalaga.

Nag-iisang anak ni Adelaida ang dalagang si Rachel. Dahil nga nag-iisang anak ito ay sanay si Rachel na nakukuha ang anumang naisin. Mabilis din itong ibinibigay ng ina sapagkat bukod sa kanilang negosyo ay sa anak na lamang umiikot ang kaniyang mundo simula nang pumanaw ang kaniyang asawa.

Sakit man sa ulo ay wala nang magawa pa si Adelaida kung hindi pagbigyan ang gusto ng anak. Ayaw din kasi niyang sumama ang loob nito sa kaniya. Ngunit kung masusunod lamang si Adelaida ay nais niyang ituon ng dalaga ang kaniyang sarili sa pag-aaral. Takot kasi ang ginang na kung sa oras na siya ay mawala ay baka mapariwara ang buhay ng dalaga.

“Rachel, anak, mag-usap nga tayo,” wika ng ina sa dalaga.

“Ito na ba talaga ang buhay na gusto mo? Natatakot kasi ako, Rachel, na baka pagdating nang araw na wala na ako ay lalong wala ka ng pakialam sa kinabukasan. Piliin mo anak ang landas na tatahakin mo habang maaga pa,” paliwanag ng ina.

“Ma, kung ang iniisip mo ay ‘yung kakaunting pera na ipinambayad niyo sa nabangga kong sasakyan ay hayaan mo at ibabalik ko rin sa’yo ‘yan!” naiinis na sambit ng dalaga.

“Saan ka kukuha ng pera, aber? Rachel, lahat na lamang ng sinasabi ko sa’yo ay minamasama mo. Hindi mo alam na ang tanging hangad ko lang sa ‘yo ay ang kinabukasan mo. Tapusin mo na ang pag-aaral mo, anak. Saka na ang pagbabarkada. Saka piliin mo rin kung sino ang sasamahan mo,” payo ni Adelaida sa anak.

“Bakit ba kailangan ko pang tapusin kasi ang pag-aaral ko? Kaya nga nag-aaral ‘yung iba para makahanap ng trabaho ‘di ba? E, may sarili naman tayong negosyo. Sa tingin ko naman ay mabubuhay na ako niyan sa pagkakataon na sinasabi mong kung mawawala ka na. Wala naman akong ibang kapatid, ma. Wala akong ibang responsibilidad!” pamimilosopo pa ni Rachel sa ina.

“Hindi madali ang buhay, Rachel. Sa tingin mo ay kung wala na sa iyo ang lahat ng ito ay saamahan ka pa rin ng mga tinuturing mong kaibigan? Tumatanda na ako, anak. Nais ko namang makitang makapagtapos ka. Iyon lamang ang kaligayahan na hinihiling ko na ibigay mo sa akin,” saad ni Adeliada sa dalaga.

Ngunit matigas ang ulo ng dalaga. Patuloy pa rin siya sa pagsama sa kaniyang mga barkada at hindi niya inuuna ang kaniyang pag-aaral. Malakas kasi ang kaniyang loob dahil alam niyang hindi rin siya magagawang pabayaan ng kaniyang ina.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkasakit si Adelaida. Kinailangan ni Rachel na humalili sa kaniyang ina sa kanilang negosyo. Kumuha siya ng makakatulong upang mag-aalaga sa kaniyang inang ginugupo ng karamdaman.

Dahil wala siyang alam sa pamamalakad ng negosyo at inuuna pa rin niya ang kaniyang mga nais gawin sa buhay kasama ang kaniyang mga barkada ay unti-unting nalugi ang kanilang ikinabubuhay. Dahilan upang wala na silang maipangtustos sa gamutan ng ina.

Hanggang sa hindi na kinaya pa ng katawan ni Adelaida ang matinding karamdaman at tuluyan na siyang sumakabilang-buhay. Naiwan na lamang si Rachel na hindi alam kung ano ang gagawin niya sa kaniyang buhay dahil wala nang natira sa kaniya. Pati ang negosyo na sana ay ipapamana sa kaniya ng ina ay tuluyan na ring lumubog,

Ngayon ay walang-wala ang dalaga.

Sinubukan niyang lapitan isa-isa ang mga barkadang kaniya laging nakakasama ngunit ni isa sa mga ito ay walang tumulong. Tinalikuran siya ng mga ito sapagkat wala na silang mahihita kay Rachel.

Doon napagtanto niya ang lahat ng sinabi ng kaniyang ina. Laking pagsisisi niya sapagkat kung sana ay sinunod niya ang ina ay hindi sana siya maghihirapan ng ganito. Ngunit hindi nagpatalo si Rachel sa pagsubok sa kaniyang buhay. Sa kaniyang pagkakalugmok ay pilit niyang ibinangon ang sarili.

Nagtrabaho siya sa umaga bilang isang waitress sa isang restawran at nag-aaral naman sa gabi. Pinaghusay niya nang sa gayon ay makapagtapos na siya ng pag-aaral.

Marami mang pagsubok na kaniyang pinagdaanan ay iniisip niya lagi ang kaniyang ina. Hanggang sa dumating ang araw na siya ay nakapagtapos. Kahit na isa itong masayang tagpo ng kaniyang buhay at labis niyang inasam ay hindi pa rin niya mapigilan ang lungkot na kaniyang nadarama.

“Tama ka nga, ma. Tama ka sa lahat ng sinabi mo. Sana ay mapatawad mo ako. Hindi mo lang alam kung gaano ko kagusto ngayon na makasama ka upang maibigay ko sa’yo ang tangi mong pangarap — ang makita akong magtapos at bigyang halaga ang hinaharap. Sana ay ipinagmamalaki mo ako ngayon, ma” sambit niya habang nakatitig sa mga ulap.

Wala man ang ina sa kaniyang tabi ay alam niyang hindi pa huli upang itama niya ang kaniyang buhay. Ibubulong na lamang niya sa hangin ang pangungulila at pagmamahal sa inang walang hinangad kung hindi ang mapabuti ang kaniyang anak.

Advertisement