
Malaking Tulong sa Ale ang Pag-aaral ng mga Anak Niya sa Bahay, Sa Huli’y Masasaktan Pala Siya sa Pangyayaring Ito
“May maganda rin palang madudulot itong pandemic na ito sa atin. Laking matitipid ko lalo na sa mga bata,” wika ni Aling Erma sa kaniyang mister habang nag-aayos ito ng mga paninda sa kanilang sari-sari store.
“Sigurado ka bang kaya na ng mga bata mag-isa rito sa bahay? Marunong na magluto ‘yang panganay natin? Baka naman masyadong mabigat para sa mga bata,” sagot naman ni Mang Danilo, asawa ng babae.
“Anong mabigat doon e grade 11 na ‘yang anak mo. Ano ba ‘yung matuto silang magluto ng itlog at magprito ng isda para makain nila kapag wala tayo. Saka may computer, may internet naman dito sa bahay kaya wala silang po-problemahin sa pag-aaral. Module lang naman pati ang sinasagutan ng mga anak mo ngayon,” baling ng ale rito.
“Isa pa, wala na tayong pera pangsahod sa kasambahay kasi pinambili natin ng computer nilang dalawa. Mahirap ang buhay ngayon,” dagdag pa nito.
Hindi na nagsalita pa si Mang Danilo at naglinis na lamang ng sasakyan.
Simula nang magkaroon ng pandemya ay nawalan ng trabaho ang lalaki at ngayon ay suma-side line ito bilang delivery man sa mga restaurant para sa take-out orders. Habang si Aling Erma naman ay mas lalong naging abala sa pwesto nila sa talipapa. Kaya masayang-masaya ngayon ang ale dahil makakatulong na rin sa wakas ang dalawa niyang anak sa kanilang bahay lalo na ngayon na hindi na ito papasok sa eskwela at sa bahay na lang mag-aaral.
“Rina, aalis na ako. Ikaw na bahala sa tindahan ha, huwag kayong puro laro sa mga selpon niyo at puputulin ko talaga ang internet kapag nagkataon!” bulyaw ng ale sa kaniyang panganay na anak.
“Ma, may klase ako ngayon. Pwede bang isara ko muna ‘yung tindahan,” mahinang sagot ni Rina.
“Diyos ko! Tatayo ka lang saglit para pagbilhan ‘yung bibili, huwag mo nang katamaran at para sa inyo naman ‘yan! Isa pa, magluto kayo ng kapatid mo pang tanghalian niyo. May isda at itlog diyan sa ref,” baling ng ale rito.
Hindi na nagsalita pa si Rina at yumuko na lamang sa kaniyang ina. Bukod sa pwesto ng kaniyang ina sa talipapa ay mayroon din silang sari-sari store sa bahay. Noon ay may kasambahay sila ngunit nang magkapandemya at nawalan ng trabaho ang kaniyang ama ay pinaalis na ito.
“Ate, ako na magluluto ng isda, mag-aral ka muna,” wika ni Reymart, siyam na taong gulang na kapatid ni Rina.
“Naku, ako na. Baka matalsikan ka pa ng mantika, sa may tindahan ka nalang, doon ka muna mag-aral at may mga sasagutan ka pa rin,” sagot ni Rina sa kapatid.
Inasikaso na muna ng bata ang kanilang kakainin saka naglinis ng bahay at nagbihis para sa kaniyang online class. Tayo, upo at hindi na nakapag-aral ng maayos ang dalawang kapatid dahil maraming bumibili sa tindahan nila. Paano’y nilagyan na rin ng gulay at mga tinapay ito ng kaniyang ina na mas lalo pang nagparami sa mga bumibili sa kanila.
“Aba, mukhang maraming benta ngayon! Mas mabuti pa talaga na kayo ang nagbabantay ng tindahan, walang nangungupit at malaki ang kita!” masayang wika ni Aling Erma na kakauwi lang at tiningnan kaagad ang lagayan ng pera sa tindahan.
“Bakit wala kayong imik na dalawa riyan?” tanong ng ale sa kaniyang mga anak ngunit hindi pa rin nagsalita ang dalawa.
“Rita, nagsaing ka na ba? Magluto ka nga ng sinigang pang hapunan natin at magpapahinga lang ako saglit,” sabi pang muli ng ale sa kaniyang anak.
“Hindi ako marunong magluto ng sinigang, ‘ma,” mahinang sagot ni Rita rito.
“Magpapakulo ka lang ng tubig, tuturuan kita. Hiwain mo na ang mga gulay,” sagot ng ale.
Tumayo naman kaagad ang anak niya at iniwan ang ginagawa nitong takdang-aralin. Tahimik itong naghiwa ng gulay at maya-maya pa ay narinig niyang humihikbi si Rita.
“Naiiyak ka ba dahil sa sibuyas?” tanong agad ng ale.
Hindi sumagot ang bata at mas tumindi pa ang pag-iyak nito.
“Ano bang nangyayari, Rita? Bakit ka umiiyak ng ganiyan?!” tanong muli ng kanyang ina.
“Nahihirapan na kami, ‘ma,” sabi ni Reymart na nasa likod niya.
“Anong nahihirapan ang pinagsasasabi mo?” maligalig na tanong ng ale.
“Hindi kami makapag-aral nang maayos kasi kailangan namin tumao sa tindahan. Maya-maya may bumibili, si ate hindi makapagconcentrate sa klase niya. Kailangan niyang magpuyat para mag-aral sa math nila na hindi na niya maintindihan kasi ang daming gagawin dito sa bahay. Para na kaming katulong, nahihirapan kami, ‘ma!” bulalas ng bunso niya at niyakap ang kaniyang kapatid.
Hindi nakapagsalita si Aling Erma sa kaniyang narinig at para siyang nanlamig sa kaniyang kinatatayuan. Nakita niyang nasa likuran niya ang mister at napailing din ito sa naabutan.
Hindi niya akalain na ang kagustuhan niyang kumita ng pera ay naging dahilan upang hindi niya makita na nasasakripisyo ang edukasyon ng kaniyang mga anak. Kaya naman kinaumagahan ay hindi siya pumunta sa trabaho at sinamahan muna ang dalawa sa bahay saka ito hinayaan na mag-aral. Doon niya nakikita na nahihirapan nga ang kaniyang panganay, hindi pala madali ang mag-aral sa bahay dahil kahit na nagtuturo ang kanilang guro ay hindi niya masundan ito. Samantalang nakita rin niyang abala si Reymart sa paghahabol ng module nito na natambak na dahil sa dami ng gawaing bahay na iniatang niya sa dalawa.
“Pasensiya na kayo mga, anak, nagkamali si mama. Akala ko madali lang ang ginagawa niyo. Masyado kong inisip ang pera, nakalimutan ko kayo,” iyak ng ale sa dalawa.
“Ayos lang ‘yun, ‘ma, naiintindihan ko pong kapos tayo sa pera kaya kayo ganiyan pero sana may hiling lang ako, na kung pwede ay bawasan natin ang tinda rito sa bahay o ‘di naman kaya kumuha tayo ng tiga-laba man lang para may oras pa kaming mag-aral,” sabi ni Rita rito.
“Hindi naman kami nagrereklamo, ‘ma, pero mahirap talaga. Ngayon alam naming mahirap talaga ang mga gawaing bahay,” sabi naman ni Reymart at niyakap nilang sabay ang kaniyang ina. Tumango lamang si Aling Erma at mas mahigpit na niyakap ang mga anak.