
Ipinagtanggol ng Dalaga ang Katrabahong palaging Napagdidiskitahan, Ito pala’y may Lihim na Inggit sa Kaniya
“Jenny, ayos ka lang ba? Bakit ba hinahayaan mo silang pagbuhatan ka ng kamay? Bakit hindi ka lumalaban?” inis na inis na tanong ni Lyka sa kaniyang kapwa kasambahay, isang gabi nang makita niya na namang pinagdidiskitahan ito ng iba nilang katrabaho sa bodega ng bahay na pinagsisilbihan nila.
“Wala lang, natatakot kasi ako, eh. Kapag nandyan na sila, para bang nanghihina ako kaya umuupo na lang ako at dinarama lahat ng palo’t sabunot nila,” nakatungong tugon nito saka pinunasan ang mga luhang buhat ng sakit na nararamdaman.
“Naku, hindi dapat ganoon! Mabuti na lang at lagi kitang nakikita! Paano na lang kung hindi kita makita isang araw? Baka mabugb*g ka masyado. Dapat isumbong mo na ‘yong mga ‘yon kay boss!” galit niyang pang sambit saka niya dinukot ang kaniyang selpon, ngunit imbis na matuwa ang katrabaho, pinigilan pa siya nito.
“Hindi na, Lyka, ayokong magkagulo pa,” pigil nito sa kaniya saka tinabig ang kaniyang selpon. Kitang-kita niya ang takot sa mga ito dahilan upang lalo siyang magpumilit na isumbong ang mga ito.
“Ako’ng bahala sa’yo, huwag kang matakot,” pangungumbinsi niya rito saka niya pinisil ang kamay nito’t tumakbo papunta sa silid ng kanilang boss.
“Huwag na nga kasi, Lyka! Lyka!” sigaw nito habang siya’y pilit na hinahabol. Hindi niya ito inintindi dahil nga’y nais niya itong matulungan at ito na lang ang naiisip niyang paraan upang hindi na muling makatikim ng bugb*g ang naturang katrabaho.
Kilala sa pagkakaroon ng malambot na puso ang dalagang si Lyka. Kada may nakikita siya o nalalamang naaagrabyado, kahit buhay pa niya ang kapalit, ginagawa niya ang lahat para lang matuldukan ang paghihirap ng mga taong nasa paligid niya.
Sa katunayan nga, siya’y napatalsik sa trabaho niya dati dahil sa pagtatanggol niya sa katrabaho niyang sinisigawan ng customer dahil lang sa pagkatapon ng inumin sa sahig malapit sa inuupuan nito. Alam niyang hindi ito sadya ng kaniyang katrabaho dahilan upang ipagtanggol niya ito.
Maayos naman siyang nakipag-usap sa naturang customer no’ng una, ngunit nang siya’y nakatanggap na ng masasakit na salita mula rito, doon na siya hindi nakapagpigil at sinagot-sagot niya na rin ito at doon na nga siya tuluyang nawalan ng trabaho.
Kaya naman, ganoon na lang ang tuwa niya nang kuhanin siya bilang isang kasambahay ng isa sa mga taong nakakita nang katapangang ginawa niya sa naturang restawrang pinagtatrababuhan.
Ginawa niya ang lahat upang tuluyang makuha ang loob ng bago niyang amo. Pinaghahainan niya ito, pinagpaplantsa ng damit at marami pang ibang personal na pagtulong dahilan upang palagi siya nitong bigyan ng bonus at mga gamit na talaga nga namang nakatulong sa kaniya’t sa kaniyang pamilya.
Ngunit, halos gabi-gabi na lang niyang nasasaksihan kung paano pagbuhatan ng kamay ng ibang kasambahay ang isa niyang katrabaho, at dahil nga hindi niya matiis na may makitang taong naaapakan, pagkalipas ng ilang araw niyang nakikita ito, nagdesisyon na siyang magsumbong.
Noong gabing ‘yon, tumakbo siya nang mabilis na para bang hindi naririnig ang katrabaho. Agad siyang kumatok sa kwarto ng kaniyang amo’t laking tuwa niya nang pinagbuksan siya nito agad.
Ngunit labis siyang nagulat nang makita niyang nandoon na ang mga katrabaho nilang isusumbong niya pa lang sana. Imbis na panghinaan ng loob, diretsahan niya pa ring sinumbong ang mga ito sa kanilang amo ngunit imbis na magalit ito, tumawa lang ito.
“Naku, Lyka, sobrang bait mo talaga. Hindi mo ba alam na sinisiraan ka ni Jenny sa’kin at sa mga katrabaho niyo? Pakiramdam ko, malaki ang inggit niya sa’yo,” tanong nito sa kaniya ngunit imbis na makinig, igiit niya pa rin ang nakita niya, “Pinakiusapan ko ang mga ito upang kausapin siya’t magbago, ngunit tuwing napapansin ka raw na papalapit, umuupo ‘yon sa sahig at humagulgol. Hinahawi raw nila ang buhok nito upang kumalma ngunit sumisigaw ito na parang binubugb*g siya,” kwento nito na labis niyang ikinagulat.
“Ka-kaya pala, ganoon niya na lang ako pinipigilang magsumbong sa’yo, madam,” nakatungong sagot niya dahilan upang mapatango-tango na lang ito.
Doon niya napatunayang kahit anong bait niya pala, kahit handa siyang ibuwis ang trabaho’t kinabukasan para sa isang tao, maaari pa rin siyang sirain nito.
Walang sinayang na minuto ang kanilang amo at agad na sinisante ang naturang kasambahay. May pilat man siyang natamo sa pangyayaring ito, laking tuwa niya dahil may natutunan siya.
Simula noon, ginawa na niya ang lahat upang hindi na malinlang. Hindi man niya maalis ang sobrang kabaitan, kinontrol niya na ang sarili sa mga bagay na hindi naman laan para sa kaniya. Hindi na siya biglang pumapasok sa isang sitwasyon para lang mailigtas ang isang taong hindi niya sigurado kung ano ang tunay na intensyon.