Inday TrendingInday Trending
Labis na Ipinahiya ng Binata ang Dalagang Nagkakagusto sa Kaniya, Isang Regalo pa rin ang Natanggap niya mula rito

Labis na Ipinahiya ng Binata ang Dalagang Nagkakagusto sa Kaniya, Isang Regalo pa rin ang Natanggap niya mula rito

“Nhey, pwede bang tigil-tigilan mo na ang pagbibigay sa akin ng kung anu-ano? Ilang beses ko bang dapat ipamukha sa’yo na hindi kita gusto! Ilang beses ba dapat kitang ipahiya sa mga tao para matauhan kang ayoko sa’yo, ha?” bulyaw ni Henry sa babaeng palaging nagdadala ng pananghalian sa kaniyang trabaho saka niya itinapon ang pagkaing dala nito sa kalsada.

“Hindi ko naman ginugusto na magustuhan mo ako agad, Henry, gusto ko lang ipakita sa’yo kung gaano ka kaimportante sa akin,” nakatungong sambit nito saka pinulot ang mga pagkaing nagkalat sa kalsada.

“Eh, ayoko nga, eh! Kaya, pwede ba, tigilan mo na ako? Huwag mo na akong istorbohin sa trabaho ko dahil kahit anong gawin mo, ayoko sa’yo!” sigaw niya pa rito.

“Bakit ba hindi mo ako magustuhan? Ano bang mali sa akin? Anong kulang? Pangako, sabihin mo lang, gagawin ko ang lahat para maabot ang mga nais mo sa isang babae,” tugon ng dalaga saka hinawakan ang kaniyang kamay na agad naman niyang iniwas.

“Ayoko ng babaeng makulit, at may sakit sa puso dahil isa lang ‘yong basura sa mundong ito. Ayaw na lang sumakabilang buhay agad!” bulyaw niya dahilan upang mapahikbi na ang naturang dalaga.

“Pa-pasensiya ka na,” nakatungong sagot nito saka mabilis na tumakbo palayo.

Isa ang binatang si Henry sa mga lalaking labis na hinahangaan sa pinapasukang unibersidad noong nasa kolehiyo pa siya. Maraming babaeng nagkakandarapa sa kaniyang atensyon dahilan upang halos araw-araw, makatanggap siya ng mga pagkain, mga sulat, damit at marami pang ibang bagay.

Noong una’y labis ang kasiyahan niya dahil pakiramdam niya, siya’y biglang naging artista, ngunit nang magtagal at hindi na siya makapag-aral nang maayos dahil sa mga ito, nagsimula na siyang magsungit. Kada may magbibigay sa kaniya, pinapakita niyang tinatapon niya lamang ito sa basurahan dahilan upang unti-unti, kainisan na siya ng mga babaeng dati’y gustong-gusto siya.

Ngunit may isang babaeng hanggang sa siya’y magtrabaho, dinadalhan pa rin siya ng kung anu-ano. Palagi man niya itong pinapahiya sa kaniyang mga katrabaho’t pinagsasalitaan, hindi pa rin ito sumusuko sa kaniya. Bahagya siyang nakaramdam nang awa noong malaman niyang sakit ito sa puso, at pinuntahan pa siya sa trabaho sa kabila no’n. Pero dahil nga sa kakulitan nito, ginamit niya ang sakit nito upang lumayo ito sa kaniya.

Tila nagtagumpay naman siyang mapatigil ito dahil simula noong sinabi niyang ayaw niya sa babaeng may sakit sa puso, hindi na ito nagpunta sa kaniyang trabaho. Matiwasay na siyang nakakapagtrabaho’t nakikihalubilo sa kaniyang mga katrabaho.

Ngunit ilang linggo pa ang lumipas, nakatanggap siya ng balita sa kaniyang mga katrabaho na ang naturang dalaga pala’y sumakabilang buhay na.

Labis siyang nakaramdam nang pangongonsensya dahilan upang pumunta siya sa burol nito. Agad naman siyang nakilala ng mga magulang nito.

Buong akala niya’y galit ito sa kaniya ngunit laking gulat niya nang pasalamatan siya ng mga ito.

“Dahil sa’yo, may pinagkakaabalahan ang anak namin. Naging malaking tulong ka sa kaniya, sa simpleng pagtanggap mo minsan ng mga pagkaing pinaghihirapan niya, labis siyang nakararanas nang saya. Ito nga pala, noong mga araw na nasa ospital siya, ito ang ginawa niya,” sambit ng ina nito saka iniabot sa kaniya ang isang unang may burda ng pangalan niya dahilan upang bigla na lang bumagsaka ang kaniyang mga luha.

Sinilip niya ito sa kabaong at doon niya napagtanto ang kagandahang mayroon ito. Humingi siya ng tawad dito sa lahat ng masasakit at hindi tamang ginawa’t sinabi niya rito.

Labis man siyang nagsisisi sa kaniyang ginawa, wala na siyang magawa kung hindi ang humingi ng tawad dito’t umiyak.

Napag-isip-isip niyang naging masama na nga ang kaniyang pag-uugali. Kaya naman, upang makabawi sa naturang dalaga, nangako siya ritong magbabago na. May mga babae mang magkagusto sa kaniya, tatanggihan niya ito sa maayos na paraan hindi katulad ng mga ginawa niyang pamamahiya sa naturang dalaga.

Simula noon, malaki ang kaniyang pinagbago. Tinatanggap na niya muli ang bigay ng mga bagong nagkakagusto sa kaniya. Madalas niya na ring kausapin ang mga ito’t sabihin na huwag masyadong dumalaw dahil naiistorbo ang kaniyang pagtatrabaho.

“Masarap pala sa pakiramdam na makatanggap ng mga ganito nang hindi ko kailangang sumigaw at magalit. Sana noon ko pa ito natutunan para ganoon ko napakisamahan at naalagaan ang babaeng ‘yon na may diperensiya sa puso,” sambit niya, isang araw habang binubuksan niya ang isang regalo ng kaniyang taga-hanga.

Advertisement