Inday TrendingInday Trending
Pagiging Pasaway at Maluho ang Ganti ng Dalagita sa Mabait na mga Magulang; ‘Di niya Inakalang Mangyayari ang Hindi Niya Inaasahan

Pagiging Pasaway at Maluho ang Ganti ng Dalagita sa Mabait na mga Magulang; ‘Di niya Inakalang Mangyayari ang Hindi Niya Inaasahan

Si Arriane ay ang nag-iisang anak nina Mang Serafin at Aling Wanda. Kaya palaging sinusunod ng mga magulang ang lahat ng ginusto ng anak nilang babae.

Bagong lipat lamang ang mag-anak sa isang liblib na barangay matapos na masunugan sa dati nilang tirahan. Mabuti nga at may mga naisalba silang mga gamit at nag-uumpisa ulit na mamuhay sa bago nilang bahay.

Ang anak ng mag-asawa na si Arriane ay may pagkasutil at maluho. Gusto ng dalagita na palaging nasusunod ang gusto. Kahit may pinagdaanan at nagtitipid ang ama at ina ay pinagbibigyan pa rin ng mga ito ang anumang gustuhin.

“Mama, bilhan niyo naman ako ng bagong laptop. Luma na kasi itong ginagamit ko, e! Naiinggit na ako sa mga kaklase ko dahil lahat sila may mga bagong laptop na ginagamit sa kanilang online class,” maktol ni Arriane.

“Hayaan mo, anak. Kapag nakaluwag-luwag tayo ay bibilhan kita ng bagong laptop. Puwede pa naman ‘yang luma mong laptop e kaya pagtiyagaan mo na muna,” sagot ni Mang Serafin.

“At ikaw mama, bilhan mo rin ako ng bagong cell phone. Ilang taon na itong cell phone ko hindi pa rin napapalitan. Gusto ko ‘yung bagong model ngayon,” habol pa niya.

“Huwag kang mag-alala at bibilhin ko ang gusto mong cell phone,” wika naman ni Aling Wanda.

Napakabait ng mga magulang ni Arriane. Kahit minsan ay hindi siya nakaranas sa mga ito ng anumang klaseng pagmamalupit. Kahit palo o sermon ay wala siyang natanggap sa kaniyang ama at ina.

Mataas ang posisyon sa trabaho ni Mang Serafin sa pribadong kumpanyang pinapasukan nito. Si Aling Wanda naman ay malaki ang kinikita sa negosyong bigasan kaya nang masunugan ay mabilis na nabawi ng mag-asawa ang mga nawala sa kanila.

Hindi man masyadong marangya ang pamumuhay nila ngunit masasabing komportable ang buhay na ibinibigay ng mga-asawa sa nag-iisa nilang anak na si Arriane. Kaya lang, habang nagdadalaga ay tumitigas ang ulo ng kanilang anak. Mas nagiging sutil si Arriane.

“Hindi pa rin ba umuuwi ang anak mo, Wanda?” tanong ni Mang Serafin.

“Hindi pa. Pero ganitong oras ay alam kong dapat ay naririto na siya. Saan na naman kaya nagpunta ang batang iyon?” nag-aalalang wika ng ina.

Dali-dali na gumayak ang mag-asawa at nilakad ang patungong bayan. Nag-aalala ang dalawa dahil wala na kasing masasakyan kapag sumapit na ang alas nuwebe ng gabi sa kanilang lugar. Maya-maya ay nakita na nila ang hinahanap. Nasa parke lang pala na malapit sa kalsada ang dalagita kasama nito ang mga kaibigan at naghahagikgikan.

“Arriane! Narito ka lang palang bata ka, kanina ka pa namin hinihintay ng papa mo!” sigaw ni Aling Wanda.

“Ano pang ginagawa mo rito? Gabi na, anak. Tara at umuwi na tayo!” ani Mang Serafin.

“Nagku-kwentuhan lang naman kami ng mga kaibigan ko. Wala namang masama roon ‘di ba papa, mama? Mayamaya ay uuwi na rin ako sa bahay. ‘Di pa kami tapos magkuwentuhan, e,” sagot ng dalagita.

Walang nagawa ang mag-asawa. Hinintay nila ang anak hanggang sa magkayayaan na ang mga kaibigan nitong umuwi.

“Buwiset na buhay naman ‘to, o! Nagkakasayahan pa kami pinauuwi niyo na agad ako. Umalis tuloy ang mga kaibigan ko dahil napansin nilang ayaw niyo pa ring umalis at inaantay niyo pa rin ako,” inis na sabi ni Arriane.

Padabog pa itong pumasok sa sariling kuwarto samantalang ang kaniyang ama’t ina ay pagod na pagod sa paglalakad.

“Kumain ka muna ng hapunan, anak, bago ka magkulong sa kuwarto mo!” sigaw ng ama.

“Ayokong kumain!” pasigaw ring sagot ni Arriane.

“Hayaan mo na siya, Serafin. Kakain din iyan kapag nagutom,” wika ni Aling Wanda sabay hawak sa kamay ng asawa.

Nagpatuloy ang hindi magandang ugaling iyon ni Arriane. Palagi siyang sinasabihan ng mga magulang niya na umuwi agad kapag umaalis ito ng bahay. Patuloy siyang nagbingi-bingihan sa pangaral ng mga ito sa kaniya hanggang isang gabi ay nangyari ang hindi niya inaasahan.

Mag-aalas diyes na ng gabi at pauwi pa lang si Arriane sa kanila. Malayo pa lang ay tanaw na niya ang mga kapitbahay nila na nasa labad ng kanilang bahay at nagkakagulo. May nakita rin siyang ambulansya at mga pulis.

“A-ano pong nangyayari?” taka niyang tanong sa isa niyang kapitbahay.

“Arriane, nilooban ng mga magnanakaw ang bahay niyo. Matapos kayong pagnakawan ay pinasl*ng ng mga salarin ang mama at papa mo. Wala na sila, Arriane, wala na ang mama at papa mo!” pasigaw na sabi ng kapitbahay.

“Diyos ko, hindi!”

Natulala ang dalagita hanggang sa bigla na lang tumulo sa mga mata niya ang masaganang luha. Dali-dali siyang pumasok sa loob ng kanilang bahay at naabutan niya roon ang wala nang buhay na labi ng mama at papa niya na walang awang pinasl*ng ng mga magnanakaw.

“Pa, Ma patawarin niyo po ako dahil hindi po ako umuwi agad,” ang nasabi ng dalagita sa harap ng mga labi ng magulang bago siya tuluyang humagulgol.

Maya maya ay napabalikwas siya ng bangon. Habol hininga si Arriane at pawis na pawis.

“Diyos ko, bangungot lang pala. Salamat po at hindi totoo ang lahat kundi ay hindi ko talaga mapapatawad ang aking sarili!” aniya habang hawak ang dibdib at pinapakalma ang sarili.

Hindi na niya nagawa pang matulog at dali-daling pinuntahan ang mga magulang sa kuwarto ng mga ito at mahigpit na niyakap at pinaghahalikan.

“Pa, Ma patawarin niyo po ako sa lahat ng ginawa ko. Pangako, susundin ko na po ang lahat ng utos niyo. Hinding-hindi ko na po kayo iiwan dito. Hindi na rin po ako magiging maluho!” mangiyak-ngiyak niyang sabi.

“Ano bang nangyari ha, bata ka, at dis oras ng gabi ay ginising mo kami?” tanong ni Mang Serafin.

“Binangungot ka ‘no? Itong batang ‘to! Halika dito ka na matulog sa amin ng papa mo. Tabihan mo kami dito,” yaya naman ni Aling Wanda.

Pinagbigyan ni Arriane ang hiling ng mama at papa niya at doon na siya natulog kasama ang mga magulang. Ipinangako rin niya sa sarili na mamahalin na niya at pahahalagahan ang kaniyang ama at ina habang nabubuhay ang mga ito.

Advertisement