Inday TrendingInday Trending
Isang Babae ang Laging Laman ng Tsismis sa Lugar Nila, Isang Balita Lang Pala ang Magpapabago sa Lahat

Isang Babae ang Laging Laman ng Tsismis sa Lugar Nila, Isang Balita Lang Pala ang Magpapabago sa Lahat

“Nakita mo ba si Lucy roon sa kanila? Balita ko ay wala na raw ginawa iyon kung ‘di ang maglinis nang maglinis,” tawang sabi ni Felicia, kapitbahay ng babae habang nagwawalis ito ng mga tuyong dahon sa kaniyang bakuran.

“Naku, kaya ako, ayos lang sa akin na medyo makalat basta hindi nauumay sa akin si Wano!” tawang sagot naman ni Rita, isa pang kapitbahay ng babae.

“Hay, naku, nung isang gabi raw galit na galit nung nag-inom si Pareng John kaya nung umuwi ang asawa niya nagsisisigaw raw si Lucy malayo pa lang,” tsismis namang muli ni Felicia.

“Pero kagabi, nandoon na naman si Pareng John sa inuman, alam mo ba kung ano ang sabi?” dagdag na tanong ng babae.

“Kaya raw siya nandoon kahit na hindi siya iinom ay para maiwasan siyang pag-usapan o ang pamilya niya,” bulalas naman ni Felicia sabay tawa.

“Malas talaga ni Pareng John diyan sa asawa niyang si Lucy, mabuti pa nga yata nung nasa abroad pa ang lalaki kasi walang kaaway ‘yang si Mareng Lucy, pero ngayon halos lahat yata ng kibot nung lalaki ay kinagagalitan ni Lucy,” banat naman ni Rita.

“Baka hindi na tinatabihan kaya ganun!” at sabay na nagtawanan ang magkaibigan.

Napahinto sila nang lumabas si Pareng John at tinanguan sila. Kaagad na napayuko at tila maraming ginagawa ang dalawang babae na kanina lang ay walang ibang ginawa kung ‘di ang insultuhin silang mag-asawa.

“Pareng John, tagay ka muna!” alok ni Pareng Wano, asawa ni Aling Rita.

“Pasensiya ka na sa asawa ko, mukhang nagtsi-tsismisan na naman sila ni Felicia tungkol sa asawa mo. Pero maiba lang ako, pare, hindi naman sa panghihimasok. May problema ba kayo ni Lucy?” diretsong tanong ng lalaki.

“E mukhang hindi lang yata si misis mo ang interesado sa buhay namin, pati ikaw,” sagot naman ni John, saka ito umupo at tinanggihan ang alak ni binibigay sa kaniya.

“Napapansin kasi namin na biglang naging magagalitin si Lucy lalo na nitong umuwi ka na sa ‘Pinas. Alam mo naman ang mga tao rito sa atin, mabilis pa sa alas kwatro ang balita kung kumalat,” paliwanag muli ni Wano sa kaniya.

“Wala naman kaming problema, sa totoo lang, naaawa ako sa asawa ko,” unang sabi ni John sa lalaki.

“Bakit, pare, may iba ka bang pamilya kaya laging galit sa’yo si misis?” usisang tanong kaagad ni Wano lalaki.

“Yung kapatid niyang bunso, niloko ng asawa. Ayon, tuluyan nang bumigay kaya nabaliw, kaso mabuti sana kung ganun lang pero nagawang pagtangkaan ang buhay nung anak nila. Kaya ngayon nakakulong ‘yung kapatid nila,” sabi ni John sa kanya.

“Siyempre, bilang ate siya at hindi siya makauwi sa probinsya dahil sa lock down, ramdam ko ‘yung pag-aalala niya,” dagdag pa nito.

“Sabi nung doktor na tumitingin sa kapatid niya ay dala raw ng post-partum kaya nagawa nung nanay ‘yun sa bata. Pero, grabe, hindi ko akalain na totoo pala ang ganon. Akala ko rati sa peysbuk lang may mga ganung istorya pero sinong makakapagsabi na mararanasan ito ng pamilya ng asawa ko. Hindi ko rin maaalis sa kaniya ang pag-aalala kaya palaging galit ‘yun,” sabi muli ni John sa kaniya.

“Ikaw naman kasi, bakit ka pa pumupunta sa inuman alam mo naman palang malaki ang problema ng asawa mo,” pagalit ni Wano sa kaniya.

“Sa ganoong paraan ko lang matutulungan ang asawa ko na hindi niyo pagpiyestahan sa kwentuhan. Kaya ngayon na alam mo na ang dahilan, sana mabawasan na rin ‘yung mga mata niyong nakatingin sa amin. Huwag niyo nang pag-aksayahan ng oras ang buhay namin, minsan kasi nakakainit din talaga ng ulo. Masyado na rin siyang maraming iniisip para dumagdag pa ang mga tenga at mata niyong mapanghusga. Hindi pa ba sapat na kami lagi ang laman ng usapan niyo nung wala pa ako rito sa ‘Pinas? Kulang pa yata ang balita niyo tungkol sa amin,” baling ni Pareng John sa kaniya saka ito tumayo at umalis.

Hindi naman nakapagsalita si Pareng Wano at katulad ng inaasahan ay mabilis na kumalat ang isiniwalat ni John tungkol sa problema ng kaniyang asawa. Marami ang naawa at tumigil na sa pagkakalat ng kung ano-anong balita tungkol sa kanilang mag-asawa.

“Himala, ‘yung mga kapitabahay natin ay hindi na masyadong nakaabang sa buhay natin,” wika ni Lucy sa kaniyang mister.

“Minsan, kailangan mo lang talagang patulan ang mga tsismosa mong kapitbahay. Hayaan mo silang mamutakte sa buhay ng iba, basta ang importante, maayos ka na,” sagot ni John dito sabay halik sa pisngi ng babae.

Alam ni Lucy ang ginawa ng kaniyang mister at kahit papano ay natuwa siya sa ginawa ng lalaki. Hindi niya naging ugali ang magpaliwanag sa ibang tao kaya palagi na lamang silang laman ng usapan sa loob ng maraming taon. Alam niyang hindi siya dapat magpaapekto sa mga salot ng lipunan ngunit masaya rin pala kapag minsan ay nahihinto ang pamumutakte ng ibang tao sa buhay ng may buhay.

Advertisement