
Niyayang Magpakasal ng Kaniyang Kaibigan ang Dalagang Ito Upang Makuha ang Yaman, Matupad Kaya Nila ang Usapang Hiwalayan?
“Sige na kasi, Ochi, pumayag ka na sa alok ko, gustong-gusto ko na makuha ang yaman ko!” pagmamakaawa ni Brent sa kaniyang matalik na kaibigan, isang gabi nang bulabugin niya ito sa inuupahang apartment nito.
“Ayoko nga, Brent! Alam mo namang nililigawan na ako ngayon ng pinapantasiya kong lalaki, eh, ngayon mo pa ako isasama sa kalokohan mo!” bulyaw ni Ochi saka sinipa-sipa ang kaibigang nakadagan sa paanan niya habang naglulupasay.
“Akala ko ba kaibigan kita, ha? Sige na kasi, pagnakuha ko na ‘yong yaman ko, mag-divorce na tayo agad pagkalipas ng isang taon. Ipaliwanag mo na lang sa manliligaw mo ‘yon, please?” sabi pa nito dahilan upang lalo siyang mainis.
“Wala naman akong mapapala sa plano mong ‘yan, eh! Mauunsiyami lang ang pangarap kong relasyon kasama ang pangarap kong lalaki!” wika niya saka niya ito bahagyang pinalo ng unan.
“Ibibili kita ng bahay at lupa, malaki, malapit sa bukid, ‘yong pangarap mo para sa mga magulang mo!” alok nito dahilan upang siya’y mapaisip.
“Maniwala sa’yo! Ganoon kalaki ang makukuha mong yaman?” pagninigurado niya.
“Oo! Ilang milyon ang makukuha ko, Ochi, kaya pumayag ka na!” giit pa nito.
“O, sige, basta, mag-divorce tayo, ha? Saka ‘yong bahay at lupa, ha?” pagkaklaro niya sa kasunduan.
“Pangako! Halika na, sabihin na natin sa mga magulang ko!” yaya nito saka siya hinila palabas ng naturang apartment.
Sanggang-dikit ng dalagang si Ochi ang matalik niyang kaibigang si Brent. Bata pa lamang sila noong magsimula ang kanilang pagkakaibigan. Sa halos lahat ng bagay, mapapaborito man nilang kulay o pagkaing kakainin sa meryenda, palagi silang nagkakasundo.
Sa katunayan, simula elementarya hanggang sa sila’y makapagtapos ng kolehiyo, parehas na paaralan ang kanilang pinasukan, parehas din ang kursong kanilang kinuha dahilan upang halos hindi na sila mapaghiwalay ng kanilang mga magulang.
Marami sa kanilang mga kamag-aral at kaanak, inaakalang may romantikong relasyon nang namamagitan sa kanilang dalawa na labis na pinandidirihan ni Ochi dahilan upang bahagya siyang lumayo sa kaibigan niyang ito. Wika niya, “Baka mamaya, hindi ko makatuluyan ang pinapangarap kong lalaki dahil sa’yo!”
Kaya naman, nang makapagtapos na sila ng pag-aaral, agad siyang lumuwas ng Maynila mag-isa upang humanap ng trabaho.
Bumagsak na rin kasi ang negosyo ng kaniyang mga magulang dahilan upang maibenta na ang kanilang bahay at makaranas na sila ng kagipitan.
Sakto namang sa pinasukan niyang trabaho, andoon din ang pinapantasiya niyang lalaki dahilan upang mapalapit siya rito at hindi kalaunan, magpasiya itong ligawan na siya.
Ngunit, tila makulit at ayaw mawalay sa kaniya ng kaibigan niyang si Brent dahil kahit sa Maynila, sinunda siya nito.
Sa katabing-katabi pa niyang apartment ito nanuluyan dahilan upang palagi pa rin silang magkasama. Higit pa roon, may alok pa ito sa kaniya dahilan upang labis siyang kinalabutan.
Sabi kasi ng mga magulang nito na botong-boto sa kaniya, kapag daw silang dalawa’y kinasal, malaking parte ng yaman ng pamilya ng naturang binata ang ibibigay sa kanila.
Noong una’y ayaw niyang pumayag ngunit nang sabihin nitong ibibili sila ng bahay at lupa, agad siyang napapapayag nito.
“Hindi naman ‘to seryoso, eh, at para ‘to sa pamilya ko,” pangungumbinsi niya sa sarili habang sila’y nasa biyahe patungo sa bahay ng mga magulang ng kaniyang kaibigan.
Nang maibalita nila ito sa magulang ng binata, nagtutumalon ang mga ito sa tuwa at dahil nga lintik ang yaman ng mga ito, kinabukasan, agad na silang kinasal.
Nagulat man ang kaniyang mga magulang, masaya rin ang mga ito dahil kilala at tiwala sila ang mapapangasawa niya.
Engrade ang kasalanang naganap kahit pa ito’y madalian. Bukod pa roon, binigyan pa sila ng magulang ng binata ng isang buwang bakasyon sa Paris para sa kanilang honeymoon.
“Isipin mo na lang, bakasyon natin ‘tong dalawa bilang magkaibigan,” sambit sa kaniya nito.
Ngunit habang nasa bakasyon sila, hindi niya mawari kung bakit tila bigla na lang siyang nahulog sa kakulitan at kabaitan ng kaibigan niyang ito.
Kada umaga kasi, paghahandaan siya nito ng pagkain at ipapasyal sa mga magagandang lugar doon. Masaya rin itong nakikihalubilo sa mga tao roon, mapabata man o matanda dahilan upang tuluyan siyang mahulog dito.
Isang gabi, habang sila’y nagkukwentuhang dalawa sa terrace ng inuupahan nilang hotel, nabigla siya sa sinabi nito.
“Gusto mo pa ba talagang mag-divorce tayo?” tanong nito dahilan upang mapatigil siya, “Ako kasi, parang ayoko na. Iba ‘yong saya ko kapag kasama kita,” dagdag pa nito, kaya’t siya’y napangiti at niyakap ito.
“Ako rin,” tangi niyang sambit dahilan upang mapatalon ito sa tuwa at sumigaw sa kawalan.