Sa Sobrang Abala ng Mag-asawa ay Nawalan Sila ng Oras Para sa Anak; Nadurog ang Kanilang Puso sa Sinapit Nito

“Kayo na ang bahala riyan, at birthday na ng anak ko. Hindi ako pwedeng umalis dito. Tatawagan ko kayo mamaya,” wika niya bago problemadong ibinaba ang tawag.

Marahil ay napansin ng kaniyang asawa ang ang madilim na ekspresyon ng kaniyang mukha kaya nag-usisa ito.

“Anong problema, Luis?” bulong nito.

“Naitimbre daw sa mga pulis ang pasugalan natin sa San Roque,” gigil na sagot niya sa asawa.

“Ano? Paano nangyari ‘yun? May nahuli ba?” usisa ng asawa niyang si Sonia.

“Wala, nakatakas ang mga tauhan pero malamang mainit na naman tayo sa mga pulis,” naiiling na sagot niya.

Pilit niyang inalis ang simangot sa mukha nang makita ang paglapit ng kanilang pitong gulang na anak na si Rea.

“Daddy!”

Advertisement

Sinalubong niya ito ng isang mahigpit na yakap.

“Daddy, ang ganda po ng party ko! Thank you po!” natutuwang wika ng anak niya na mukhang prinsesa sa suot nitong bestida.

“Siyempre naman! Kung anong gusto ng prinsesa ko!” giliw na giliw na sagot niya sa anak. 

“Maglaro ka na kasama ang mga kaibigan mo, anak, mag-uusap lang kami ni Daddy mo,” taboy ng kaniyang asawa sa bata.

Nakakapamuhay sila nang masagana dahil sa mga negosyo na pinaghirapan nilang itayo ng asawa. Sila ang namamahala ng hindi bababa sa sampung ilegal na pasugalan sa buong bansa. 

Bukod doon, isa rin sila sa pinakamalalaking supplier ng ipinagbabawal na gam0t.

Malaki ang kinikita ng kanilang mga negosyo kaya naman sigurado siya na mabibigyan niya ng magandang buhay ang kaniyang unica hija.

Hindi na kailangan marumihan pa ang kamay nito. At mas lalong hindi na nito kailangan malaman pa ang uri ng negosyo ng pamilya nila.

Advertisement

Hindi niya ikinahihiya ang hanapbuhay ngunit alam niya rin na hindi niya gugustuhin na masangkot ang kaniyang anak sa kahit na anong ilegal lalo na ang ipinagbabawal na gam0t. 

Gusto niya man baguhin na ang ikinabubuhay ay hindi niya magawa. Hinding hindi na siya babalik sa buhay na isang kahig, isang tuka. 

Mabilis na lumipas ang panahon at patuloy na lumago ang kanilang negosyo. Kaya naman dumating ang oras na hirap na hirap na silang mag-asawa sa paglalaan ng oras para sa kanilang anak.

“Daddy! Galit ako sa’yo! Sabi mo, pupunta kayo ni Mommy sa birthday ko! Aanhin ko ang bonggang party kung wala naman kayo rito!” sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay reklamo ng anak.

“Sorry, anak. Hayaan mo, babawi si Daddy. Ano bang gusto mo? Kotse? Computer? Pumunta sa ibang bansa? Sabihin mo anak, ibibigay ko sa’yo,” pag-aamo niya sa anak.

Hikbi lamang ang narinig niya mula sa kabilang linya.

Tila naman sinakal ang kaniyang puso nang marinig ang pag-iyak ng anak.

“Lagi ka na lang ganito, Daddy! Hindi ko kailangan ng kahit na ano! Ang gusto ko, magulang! Talaga ba na mas mahalaga pa ang negosyo kaysa sa akin na anak niyo?” nagdaramdam na tanong ng dalaga.

Advertisement

“Sorry anak, alam mong hindi totoo–”

Bago pa niya matapos ang sasabihin ay naputol na ang tawag.

Napabuntong hininga na lang si Luis. Kailangan na talaga nilang ayusin ang relasyon sa anak bago pa mahuli ang lahat at tuluyan itong magalit sa kanila.

Nangako siya sa sarili na kakausapin ang anak.

Subalit sunod sunod na problema naman ang dumating sa kanilang mga negosyo, dahilan upang mas dumalang ang pag-uusap nila ng anak.

“Nakakausap mo pa ba si Rea? Halos hindi ko na maabutan sa bahay, lagi na lang umaalis. Parang nung isang buwan pa yata simula noong huli ko siyang makita,” isang araw ay usisa ng asawa niya. Alam kasi nito na mas malapit siya sa anak.

“Hindi nga, eh. Hindi rin sumasagot sa mga tawag ko,” nag-aalalang sagot niya sa asawa.

“Napansin mo ba ang mga ginagastos niya? Puro withdraw siya ng malalaking halaga,” nababahalang kwento nito.

Advertisement

Bagay na ipinagkibit balikat niya. “Hayaan mo na ang bata. ‘Yun lang naman ang kaya nating ibigay sa kaniya — pera,” malungkot na tugon niya. 

Malungkot na napangiti ang babae. “Miss ko na ang anak natin. Nakaka-miss ang simpleng buhay,” naluluhang wika nito.

Hinawakan niya ang kamay ng asawa. “Ginagawa naman natin ‘to para sa kinabukasan niya. Mabait at matalino ang anak natin, maiintindihan niya tayo.”

Inakala nilang mag-asawa na ayos lang ang kanilang anak. Kaya naman halos gumuho ang mundo nila nang isang araw ay makatanggap sila ng tawag mula sa mga pulis.

“Kayo ho ba ang ama ni Rea Tolentino? Nahuli ho ang anak niyo na gumagamit ng bawal na gam0t habang nasa isang pasugalan,” pagbabalita ng pulis.

Nang makita nila ang anak ay kalunos lunos ang itsura nito. Payat na payat ito at tila wala sa sarili.

Halos hindi sila makilala nito nang sunduin nila ito sa presinto.

At ang pinaka-hindi nila matatanggap ay sa sarili nilang pasugalan nahuli ang dalaga.

Advertisement

Ang mga negosyong inakala nilang magbibigay ng magandang buhay sa anak ang siya pa palang sisira rito.

Habang minamasdan ni Luis ang anak ay napaluha siya sa labis na pagsisisi. Sa sobrang atensiyon na ibinibigay nilang mag-asawa sa kanilang negosyo ay nalimutan nila na may anak pala sila.

“Patawarin mo si Daddy, anak…” humahagulhol na wika niya sa anak na tulala na naman at malayo ang tingin.

Kaya naman hindi siya nagdalawang isip na ipasara ang kanilang mga ilegal na negosyo. Hindi niya kayang patuloy na pamahalaan ito gayong ito ang sumira sa buhay ni Rea.

Napagtanto niya kasi na walang yaman ang katumbas ng halaga ng buhay ng kaniyang anak at ng kanilang pamilya.

Dinala nila ang anak sa isang rehabilitation center. Taon ang binilang bago ito tuluyang gumaling subalit matiyaga silang naghintay. Ibinuhos nila ang buong pagmamahal at atensyon na matagal nilang ipinagkait sa anak.

Todo ang pasasalamat ni Luis at ng kaniyang asawa dahil nagising sila sa katotohanan bago pa mahuli ang lahat – nabigyan pa sila ng ikalawang pagkakataon na maging magulang sa kanilang pinakamamahal na anak.