Hindi Mapuknat ang Binatilyo sa Paglalaro at Pagpupuyat; Isang Nakakikilabot na Karanasan ang Nagpatigil sa Kaniya

“Tanghali ka na naman nagising. Ala una na! Daig mo pa ang mga nagtatrabaho sa gabi,” bungad ng ina ng labing dalawang taong gulang na si JR nang pupungas pungas siyang naupo sa mesa.

“‘Ma, pagbigyan niyo na po ako. Bakasyon naman sa school at wala namang ibang pagkakaabalahan sa bahay.” Naglalambing niyang niyakap ang ina.

“‘Yan, ganyan ka lagi! Kaya nauto mo ang Papa mo na bilhan ka ng bagong computer eh!” kunwari’y naiinis na sita sa kaniya ng ina.

Mabilis siyang kumain. Nangangati na kasi ang kaniyang daliri na muling buksan ang computer at simulan ang paglalaro nang araw na iyon.

“Dahan dahanin mo nga ang pagkain at baka mabuilaukan ka!” narinig pa niyang saway ng ina.

Ngunit tila lumabas lang yon sa kabilang tenga niya at nagpatuloy ang dire-diretsong subo niya ng pagkain. 

Sampung minuto lang ang lumipas at nakapako na ang tingin niya sa nakabukas na computer. Hindi niya na namalayan ang oras at tila nagkaroon na siya ng ibang mundo na may sariling takbo ng oras.

Napalingon na lamang siya sa orasan nang marinig ang pagtatawag ng kaniyang ina.

Advertisement

“Alas nuwebe na agad?” namimilog ang matang bulalas niya.

“‘Ma, sandali lang po! Mauna na kayo kumain!” malakas na sigaw niya sa ina.

Samantala, sa hapagkainan ay seryosong nag-uusap ang ina at ama ni JR. 

“Kailangan may gawin tayo. Hindi maganda ang ginagawa ni JR na buong araw siya nakababad sa computer. Nung isang araw ay alas singko na yata natulog!” reklamo ni Linda sa asawa.

Napailing ang lalaki. “Mukhang mali na ibinili ko ng bagong computer,” nagsisising komento nito.

Napatango naman ang babae bilang pagsang-ayon.

“Kailangan natin mag-isip ng paraan para mabawasan ang pagpupuyat ni JR,” determinadong wika ni Linda. Lubha na kasi itong nag-aalala sa kalusugan ng anak.

Masinsinang nag-usap ang mag-asawa bago nakabuo ng isang plano na hinihiling nilang gumana.

Advertisement

Nagtaka si JR nang dumalo sa hapagkainan. Tila kasi may seryosong pinag-uusapan ang kaniyang mga magulang. 

“Anak, kumain ka nang marami ha. Hindi ka na nakapag-merienda kanina kaka-computer mo,” pasaring ng Mama niya habang sinasandukan siya ng kanin. 

Alanganing napatango siya habang naiilang sa matiim na tinging ipinupukol sa kaniya ng ama.

“Ang laki laki ng eye bags mo, anak. Kakapuyat mo ‘yan,” naiiling na komento nito.

Tahimik siyang kumain. Nag-boluntaryo pa siyang maghuhugas ng pinggan dahil tila parehong masama ang timpla ng kaniyang mga magulang.

Ipinagkibit-balikat niya na laman iyon at nagmamadali niyang tinapos ang gawaing bahay.

Ilang saglit pa ay abala na siyang muli sa paglalaro.

Kasalukuyang nakapokus ang buo niyang atensiyon nang mapapitlag siya dahil may kumakatok.

Advertisement

“Tok! Tok! Tok!”

Inakala niyang sa pinto nanggagaling ang tunog.

“Bukas ‘yan, pasok po!”

Ngunit nang muli niyang marinig ang katok ay nanindig ang balahibo niya sa isang reyalisasyon – hindi pala sa pinto nanggagaling ang tunog kundi sa bintana!

Pero ang mas nagpakaba sa kaniya ay ang katotohanan na nasa ikalawang palapag ang ng bahay ang silid niya.

Nang dumako ang tingin niya sa orasan ay nakita niyang mag-aala una na ng madaling araw.

Sino ang kumakatok sa bintana?

Nais niya sanang hawiin ang kurtina upang makita ang nangyayari sa labas ngunit masyado siyang takot para gawin iyon.

Advertisement

“Tok! Tok! Tok!”

Nang marinig niya sa ikatlong pagkakataon ang pagkatok ay walang pagdadalawang-isip niyang binunot mula sa saksakan ang computer at tinakbo ang kaniyang kama at takot siyang nagtalukbong.

Mabuti na lamang at hindi na niya muli pang narinig ang katok sa kaniyang bintana.

Nais niya pa sanang maglaro ngunit sa takot niya ay pinili niya na lamang matulog.

“Oh, himala at maaga yatang nagising ang prinsipe!” bati ng kaniyang ina.

Alas otso pa lang kasi ay gising na siya.

“Maaga akong nakatulog, Mama,” sagot niya rito.

“Mabuti naman, anak. Ituloy tuloy mo na ‘yan!” payo nito.

Advertisement

“‘Ma… nakakita ka na ba ng multo?” maya maya ay usisa niya sa ina na naghahain ng agahan.

Natawa ito. Tila nawiwirduhan sa kaniyang tanong.

“Hindi pa. Bakit bigla mo naman ‘yan naitanong, anak?” nakangiting tanong nito.

“Kasi kagabi ‘Ma… may kumakatok sa bintana ko…” pagkukwento niya sa ina.

“Naku anak, guni guni mo lang ‘yun! Paano namang may kakatok sa bintana mo eh nasa second floor ka?”

“Kaya nga ‘Ma! ‘Yun din ang naisip ko. Saka mga ala una na ‘yun,” dagdag pa niya.

“Eh ala una na pala eh. ‘Wag mo na pansinin ‘yun, anak. Baka ligaw na kaluluwa lang ‘yun,” tila balewalang sabat naman ng kaniyang ama na nagbabasa ng diyaryo.

“Ligaw na kaluluwa?” nahihintakutang bulalas niya.

Advertisement

“Oo, minsan talaga may gumagala kapag mga alanganing oras. Lalo na’t maingay ‘yung computer mo kapag naglalaro ka, nabubulabog sila,” paliwanag pa ng ama niya.

“Kaya ikaw, ‘wag mong sinasanay ang sarili mo na nagpupuyat! Sige ka, sa susunod ay magpapakita na ang mga ‘yun sa’yo!” pananakot ng kaniyang Mama.

Nanlaki ang mata niya sa takot. Ayaw niyang makakita ng multo!

Bagsak ang balikat na ipinagpatuloy niya ang pagkain.

Ni hindi niya napansin ang pagpapalitan ng makahulugang sulyap ng kaniyang Mama at Papa.

Sinunod niya ang payo ng mga magulang. Nilimitahan niya ang pagpupuyat. Kaya naman malaking oras ang nabawas sa paglalaro niya ng computer games.

Labing walong taon na siya nang umamin ang kaniyang mga magulang na hindi multo o ligaw na kaluluwa ang may gawa ng katok sa kaniyang bintana.

Ang Papa niya pala iyon! Tinakot daw siya ng mga ito dahil nag-aalala ang mga ito sa kaniyang kalusugan.

Advertisement

Imbes na mainis ay natawa na lang siya sa pag-amin ng mga magulang. Maganda naman ang dahilan ng pananakot ng mga ito. Isa pa, alam niyang matigas talaga ang ulo niya noong bata bata pa siya kaya masisisi niya ba ang mga ito?

Ngayong matanda na siya ay natutunan na niya na anumang sobra ay nakasasama. Mabuti na lamang at naroon ang mga magulang niya noong bata pa siya – noong mga panahong hindi niya pa alam ang tama at mali.