Pikit ang Mata ng Lahat sa Panlalamang at Pang-aapi sa Kaniya; Isang Bagong Kaibigan pa Pala ang Magsasalba sa Kaniya

“Demi, n-nasasaktan ako,” umiiyak na sinalag ni Mia ang bawat sampal na pinatatama sa kaniya ng kaklaseng si Demi.

“Demi, n-nasasaktan ako!” panggagaya nito sa kaniya.

Nagtawanan naman ang mga alipores nito.

Simula nang lumipat siya sa paaralang iyon ay nagsimula nang maging impiyerno ang buhay niya.

Nakasagutan niya si Demi sa canteen nang aksidenteng mamantsahan nito ang damit niya. Hindi man lang kasi nag-abalang humingi ng pasensiya ang babae at siya pa ang sinisi nito kaya naman kinompronta niya ito, na nauwi sa mainit nilang sagutan.

Huli na nang mapagtanto niya na ito pala ang kinatatakutang bully ng paaralan na ‘yun.

Tandang tanda niya pa ang mga katagang ibinulong nito sa kaniya. “Gagawin kong impiyerno ang buhay mo.”

Hindi naman niya magawang magsumbong dahil ang mga kaklase niya na nakakasaksi ng pambubully nito ay pikit ang mata. Marahil ay natatakot ang mga ito na mapagbuntunan ni Demi. Isa pa, si Demi kasi ang nag-iisang anak ng alkalde ng bayan nila kaya naman ni minsan ay wala ni isang nagtangkang sumalungat dito.

Advertisement

Isang araw ay isang bagong estudyante ang ipinakilala ng guro na magiging bago nilang kaklase. Si Emma.

“Emma, dun ka umupo sa tabi ni Mia,” turo ng guro sa bakanteng upuan na malapit sa kaniya.

Nagtaka siya nang mapansing may hawak na tungkod ang babae ngunit naunawaan niya kaagad kung para saan iyon nang paika-ikang maglakad ang babae palapit sa kaniya.

Narinig niya ang hagikhikan sa likod. “Ano ba ‘yan, umasa pa naman ako na gwapong lalaki ang bago nating kaklase. Isang pilantod pala!” bulong ng isa sa mga nasa likod niya.

Sinuklian niya ng tipid na ngiti ang babae nang nakangiti itong umupo sa tabi niya.

Habang kumakain siya ng tanghaling iyon ay nagulat siya nang sa unang pagkakataon ay may sumabay sa kaniya sa pagkain.

“Pwede ba akong sumabay?” nakangiting tanong ni Emma.

Nilingon niya ang paligid.

Advertisement

“Bakit sa akin ka sasabay?” kunot noong tanong niya.

“Kasi ikaw lang ang walang kasabay kumain. Ang lungkot kayang kumain mag-isa,” katwiran nito. 

Totoo iyon. Simula umpisa kasi ay walang gustong kumaibigan sa kaniya. Nahulaan niya na dahil walang gustong madamay sa pambubully ni Demi.

Masaya sana silang nagkukwentuhan nang lumapit sa kaniya si Demi at ang grupo nito.

“Mia, ikuha mo nga ako ng pagkain,” utos ni Demi.

Kunot noong napatitig sa kaniya si Emma. Marahil ay nagtataka ito bakit siya ang inutusan ng kaklase nila.

“Bakit hindi–”

Pinisil niya ang braso ni Emma upang tumigil ito sa pag-uusisa. Ayaw niya na madamay ito sa pambubully ng mga kaklase.

Advertisement

Matapos niya ikuha ng pagkain ang babae ay nakahinga siya nang maluwag dahil umalis na ang mga ito at hindi na sila ginambala pa.

“Ano ‘yun? Bakit ka inutusan nung kaklase natin?” seryosong usisa ni Emma nang tuluyang makalayo ang mga ito.

Sa pamimilit nito ay ikinuwento niya rito ang sitwasyon niya sa eskwelahan.

“Bakit naman ganun? Hindi ba natin siya pwede isumbong sa teachers para maparusahan?” nagagalit na tanong nito.

“Wala naman handang magpatunay na binubully nga ako ni Demi. ‘Pag naman nasa harap kami ng teachers para siyang maamong tupa,” paliwanag niya.

“Ako! Ako ang tetestigo!” pagboboluntaryo nito.

Mabilis siyang umiling sa ideya nito.

“Hindi. Ayoko. Sapat nang ako lang ang sinasaktan niya, ayokong mangyari pa ‘yun sa iba. Lalo na sa’yo, kay bago bago mo lang dito,” matigas na pagtanggi niya.

Advertisement

“Eh paano ka naman? Bakit mo titiisin kung pwede naman natin gawan ng paraan?” giit ni Emma.

Nginitian niya ito upang ipakita rito na kaya niyang dalhin ang lahat. 

“Pasasaan ba at aalis din ako rito. Basta kahit anong makita o masaksihan mo, ‘wag na ‘wag kang magsasalita. Ayokong pati ikaw madamay,” babala niya.

Malungkot na tumango ang kaklase.

Nang mga sumunod na araw ay mas lalo silang naging malapit ni Emma sa isa’t isa. Ito kasi ang parati niyang kumain.

Napag-alaman pa nila na magkalapit lang din ang tirahan nila kaya pati pagpasok at pag-uwi ay sila ang magkasama. Sa tuwing walang pasok ay sila pa rin ang magkasama.

Si Demi naman ay walang pa ring pagbabago at halos araw araw siyang sinasaktan.

“Aray! Aray, Demi, tama na, maawa ka!” umiiyak na pakiusap niya sa kaklase na sunod sunod na sampal ang iginagawad sa kaniya.

Advertisement

Nakaligtaan niya kasing dalhin ang proyekto na ipinagawa nito sa kaniya sa sobrang pagmamadali niya.

Kitang kita niya ang mga mata ni Emma na nag-aapoy sa galit.

Natakot siya nang tumayo ito. Akala niya ay sasali ito sa gulo ngunit nakahinga siya nang maluwag nang magtatakbo ito palabas.

“Akala ko ba magkaibigan kayo ng pilantod na si Emma? Tingnan mo at wala rin siyang pakialam kahit kalbuhin pa kita,” pang-uuyam ni Demi habang mahigpit ang pagkakakapit sa kaniyang buhok.

Nagulat sila nang ilang minuto lamang ang lumipas ay dumating ang kanilang guro. Sa likod nito ay nakatayo si Emma.

“Ano ang nangyayari dito?” galit na usisa nito kay Demi na nakahawak pa rin sa kaniyang buhok. Huling huli ito sa akto.

Namutla si Demi ngunit agad ding nakabawi at nakaisip ng palusot.

“A-ay Ma’am, inaayos ko lang po ‘yung buhok ni Mia,” tila maamong tupa na pagdadahilan nito.

Advertisement

“Eh bakit pulang pula ang mukha niya na parang sinampal?” usisa pa ng guro.

“May allergies po kasi siya Ma’am,” maagap na sagot nito. “‘Di ba, Mia, may allergies ka?” nandidilat na baling nito sa kaniya.

“O-opo, Ma’am, totoo po ‘yun,” pikit matang sang-ayon niya sa sinabi ng kaklase. Ayaw niya na rin kasi ng gulo.

“Class, totoo ba ang sinasabi ng dalawang ‘to?” baling ng kanilang guro sa buong klase.

“Opo, Ma’am,” magkakapanabay na sagot naman ng magkakaklase.

Akala ni Mia ay doon na matatapos ang lahat ngunit nagulat sila nang kunin ng kanilang guro ang isang cellphone sa bulsa nito.

“Eh bakit iba ang nakikita ko sa mga video na ito na ibinigay ni Emma?”

Iniharap nito sa kanila ang cellphone.

Advertisement

Sa video ay kitang kita ang sunod sunod na tadyak na iginawad ni Demi sa nakahigang si Mia.

Hindi isa, hindi dalawa, kundi napakaraming video ang ipinakita ng kanilang guro. Lahat ng iyon ay itinuturo si Demi na isang salarin.

Hindi pala nanahimik si Emma. Nag-ipon lang ito ng ebidensiya!

Namutla si Demi. Hindi kasi nito maitanggi ang ginawa dahil sa napakaraming ebidensiya laban dito. Sa unang pagkakataon ay nakita ni Mia ang takot sa mga mata nito.

Nang araw ding iyon ay napatalsik sa eskwelahan si Demi. Kitang kita nila ang pagsisisi sa mukha ng kaklase nang sa harap nila ay sampalin ito ng ama nito na hiyang hiya sa inasal ng nag-iisang anak.

Bago sila umuwi ay sermon ang inabot ng buong klase nila.

“Humingi kayo ng tawad kay Mia. Wala kayong ginawa gayong alam niyo na ang ginagawa ni Demi sa kaniya. Ang mga nanonood lang sa paghihirap ng mga pinagmamalupitan, tandaan niyo na kasabwat kayo ng salarin,” kastigo nito kaniyang mga kaklase.

Pinukol nito ng ngiti si Emma. Si Emma na tagapagligtas niya.

Advertisement

“Si Emma ang pinakabago rito, pero siya pa ang nagpakita ng malasakit kay Mia. Tandaan niyo na hindi niyo kailangang maging malakas para maging isang bayani. Kailangan niyo lang maging matapang at magpakita ng malasakit sa iba.”