Walang Ginawa ang Binatilyo Kundi ang Magsabong; Ito ang Ginawa ng Nanay Niya Upang Mapahinto Siya

“Nalintikan ka talaga, Lino! Hindi ka ba titino? Tigilan mo iyang pagiging sugarol mo. Huwag kang gumaya sa Tatay mong batugan! Tingnan mo, iniwan tayo!” 

Galit na galit si Aling Salome sa panganay na anak na si Lino, 19 na taong gulang, dahil sa halip na magsumikap itong makatapos ng pag-aaral, mas pinili na lamang nitong huminto na lamang; tutal naman daw ay mahusay na siyang bumasa at sumulat. Bukod doon, wala na siyang interes na magkaroon pa ng mas matatag na trabaho sa hinaharap.

Sa halip na sumagot, humikab lamang si Lino. Inaantok pa siya, pero sino ba naman ang makakatulog sa matalak na boses ng Nanay niya?

close-up of man with hands covering mouth while yawning against wall - lazy asian man stock pictures, royalty-free photos & images

Nakuha ni Lino ang hilig ng amang si Mang Raul sa pag-aalaga ng mga panabong. Isa itong sabungero. Subalit kakasabong, hindi na ito nakapagtrabaho pa, hanggang sa makunsumi na sa maingay na pagbubunganga ng misis na si Aling Salome, kaya sumama sa ibang babae.

At sa malas, naiwan kay Lino ang mga panabong nitong tandang. Nawala nga si Mang Raul subalit napasa naman kay Lino ang pag-aalaga sa mga ito.

Kakamot-kamot na dumulog sa hapag-kainan si Lino.

“Nanay naman eh… kay aga-aga ang ingay ninyo! Kaya tayo nilalayasan eh…”

“Anong sabi mo, Macalino?” nandidilat na humarap sa kaniya si Aling Salome. Kapag ganoong binabanggit na nito ang buong pangalan na, nangangahulugang galit na ito.

Advertisement

“Wala po. Sabi ko po ang sarap ng luto ninyo. Napakasarap talagang kumain kapag ang ulam ay tuyo at sinangag,” pambobola ni Lino sa kaniyang nanay. Ang totoo, nais lamang niyang paringgan ito dahil halos araw-araw na silang nag-uulam ng tuyo.

“Puwes, kung nagsasawa ka na sa tuyo, sisihin mo ang Tatay mo! Kung sana masipag siya at hindi puro pagsasabong ang inaatupag niya, eh ‘di sana hindi tuyo ang kinakain mong damuho ka! At napapansin ko sa iyo, parang pinaninindigan mo na rin ang gawain niya. Aba naman Lino, marami ka pang puwedeng gawin diyan, hindi lang ang pagsasabong. Sinasayang mo ang bikas ng katawan mo. Malakas ka pa,” sermon sa kaniya ni Aling Salome. 

“‘Nay, huwag kang mag-alala, ipagmamalaki mo rin ako kapag naipanalo ko ang laban ni Tyson sa linggo,” saad ni Lino. Si Tyson ang paborito nitong tandang na panabong, na sagana sa alaga at bitamina. 

“Talaga lang ha? Hoy, bago ka pumutak, mangitlog ka muna! Iyan ka na naman sa mga sinasabi mo. Ang ending, nganga tayo. Wala ka pa namang naiuwing pera dito. Saka alam mo, kung magtatrabaho ka, mas may pag-asa pa tayong magkaroon ng pera, hindi sana tuyo ang nilalantakan natin ngayon,” giit ni Aling Salome.

“Huwag kayong mag-alala ‘Nay. Kapag nakakuha tayo ng suwerte, bibilhan kita ng magagandang damit, saka papatayuan kita ng magandang bahay,” at marami pang sinabi si Lino na hindi na pinakinggan pa ng kaniyang ina.

Sa paparating na Linggo na nga ang nakatakdang laban ni Tyson kaya puspusan na ang pag-eensayo sa kaniya ni Lino. Lagi itong binubugahan ng usok mula sa tabako. Hinihimas-himas, at sinusubukan sa iba pang mga alagang tandang. Kakaiba si Tyson para kay Lino dahil ito ang unang panabong na tandang na inalagaan niya. Bigay sa kaniya ito ni Mang Raul.

chicken spread its wing in beautiful light - rooster stock pictures, royalty-free photos & images

“Tyson ko, patutunayan natin kay Nanay na ikaw ang mag-aahon sa amin sa kahirapan. Kapag nanalo ka sa Linggo, tiyak na maibibigay ko na ang perang gusto ng Nanay ko, para manahimik na siya sa kakatungayaw sa akin. Alam mo kasi, hindi ako matalino at masipag. Kung matalino at masipag lang ako, eh ‘di sana nag-aaral ako ngayon. Pero hindi eh. Kaya Tyson ko, huwag na huwag mo akong bibiguin, okay?”

Sa araw ng Sabado, nagising si Lino sa napakabangong amoy ng nilulutong ulam ni Aling Salome. Malapit na palang mananghalian. Agad siyang bumangon upang alamin ang niluluto nito. Subalit napatingin siya sa dakong kinaroroonan ni Tyson: napansin niyang wala ang kaniyang alaga sa kulungan nito. Agad siyang lumabas upang tingnan kung nakawala lamang at pagala-gala sa kanilang bakuran ang tandang. Talagang wala!

Advertisement

Balisang-balisa na si Lino. Hindi niya alam kung saan hahanapin ang alaga. Napansin siya ni Aling Salome.

“Problema, ‘nak?” tanong nito.

“Si Tyson po… nawawala!” namumutlang tugon ni Lino. “Hahanapin ko ho sa labas at baka may magnenok!”

“Oh ganoon ba? Aba’y teka, kumain ka muna anak habang mainit pa. Tanghali na rin oh, alas onse na!” inilabas ni Aling Salome ang mangkok na punumpuno ng sabaw at laman ng manok, na may papaya pa. Tinola.

“Higupin mo ito habang mainit pa. Kakaluto lang din ng sinaing.”

Naupo si Lino upang tikman ang luto ng kaniyang ina. Ang sarap! Tuluyan na siyang naupo sa dulang at kumain. Nakapasarap ng laman ng manok. Napakalinamnam! Kinuha niya ang paboritong pakpak at hita.

Habang sarap na sarap sa pagkain, nahagip ng kaniyang paningin ang ibabang bahagi ng kanilang batalan: pamilyar sa kaniya ang mga nakapalumpon ng balahibo ng kinatay na manok na nasa sulok.

“Masarap ba, anak? Masarap ba si Tyson?” nakangiting tanong ni Aling Salome. 

Advertisement

Natulala na lamang si Lino sa kaniyang ina. Gustuhin man niyang magalit, subalit anong gagawin niya? Nanay niya ang makakalaban niya. Mas nakaramdam ng pagkainis si Lino dahil kung ibang tao lamang ang gumawa nito kay Tyson, baka naghalo na ang balat sa tinalupan.

Pakiramdam niya ay biglang umikot ang kaniyang sikmura at ilalabas niya ang mga kinain, kaya nagdudumali siyang nagtungo sa lababo, at doon inilabas ang mga karne ng manok na kinain niya.

Simula noon, tinigilan na ni Lino ang pagsasabong; naghanap na lamang siya ng trabaho upang mas maging produktibo ang kaniyang oras at panahon, bagama’t ipinagpatuloy pa rin niya ang pag-aalaga ng mga inahin at tandang. 

Tama naman ang kaniyang ina, hindi dapat gawing hanapbuhay ang pagsusugal.