
Galit ang Ginang na Ito sa Anak ng Bago Niyang Asawa, Naiyak Siya nang Malaman ang Ginawa nito para sa Kaniya
“Balita ko inuwi na raw sa inyo ng bago mong asawa ang dalaga niyang anak, totoo ba ‘yon? Ayos lang sa’yo na kasama ng mga anak mo ang sariling anak ng bago mong asawa?” pang-uusisa ni Fely sa kaniyang kapitbahay, isang umaga nang maabutan niya itong nagdidilig sa sariling bakuran.
“Kung ako lang naman ang masusunod, ayoko talaga! Sino ba naman ‘yong babaeng ‘yon para sa akin, ‘di ba? Hindi ko naman kadugo ‘yon at hindi pa kumikibo kahit anong kausap ko! Kung hindi lang talaga ang bago kong asawa ang nagpapakain sa amin ngayon, hindi ‘yan makakatapak sa pamamahay ko! Ayoko na nga lang banggitin sa asawa ko, eh, baka magalit pa sa akin,” sagot ni Ofelia, kitang-kita sa mukha niya ang pagkainis habang umiiling-iling pa.
“Paanong hindi kumikibo? Baka naman nahihiya o hindi mo kinakausap?” tanong pa nito saka bahagyang lumapit sa kaniya.
“Anong hindi? Pati nga mga anak ko, nagmumukhang t*nga kapag kinakausap ‘yon!” sambit niya, tila pinaparinig niya talaga sa naturang dalagang nasa loob ng kaniyang bahay ang kanilang usapan.
“Diyos ko po, ayan ang mahirap kapag umaasa ka sa ibang tao para may makain, eh,” wika nito na ikinakunot ng noo niya.
“Hindi ‘yon ibang tao, asawa ko na ‘yon,” mataray niyang sagot saka ito tinaasan ng kilay. “Para sa’yo lang, pero hindi sa mata ng Diyos,” tugon nito saka agad na umalis dahilan upang labis siyang manggigil.
Matagal nang hiwalay sa legal na asawa ang ginang na si Ofelia dahil sa pamamaltrato nito sa kaniya sa tuwing nalalasing. Hindi siya nagdalawang isip na iwan ito lalo na’t alam niyang maaaring pati kaniyang dalawang anak na babae, saktan din nito.
Mahirap man ang kaniyang pinagdaanan upang maitaguyod ang kaniyang dalawang anak nang mag-isa, hindi siya sumuko sa buhay. Pumasok siya bilang kasambahay sa umaga habang siya nama’y nagtitinda ng pares tuwing gabi dahilan upang kahit papaano, mabigyan niya nang maayos na buhay ang dalawa niyang anak.
Paglipas ng dalawang dekada, hindi niya lubos akalaing sa pagtitinda niya ng pares tuwing gabi, makakakilala pa siya ng isang lalaking naging malaking biyaya sa buhay niya.
Ito ang pangalawa niyang asawa na nagtatrabaho sa ibang bansa. Minsan lang itong bumili ng paninda niya at labis siyang nahumaling sa bait at kagwapuhan nito kahit may katandaan na.
Hindi siya nagdalawang-isip na sumama rito lalo pa’t maalwan ang buhay nito. Nang tuluyan na silang magsama sa iisang bubong, pinatigil na siya nito sa pagtatrabaho at pagtitinda dahilan upang labis na gumaan ang buhay niya.
Ngunit, nitong nakaraang linggo lang, pagkaalis ng kaniyang iniibig patungong ibang bansa upang bumalik sa trabaho, pinakiusapan siya nitong isama na rin sa kanilang bahay ang sariling anak nito. Ayaw man niya, wala siyang magawa kung hindi pakisamahan ito kahit na palagi lang itong nagkukulong sa kwarto at hindi nagsasalita.
Isang araw, habang siya’y pauwi galing palengke, bigla na lamang siyang nakaramdam ng pagkahilo dahil sa sobrang init. Agad siyang nagpasiyang tumabi sa kalsada nang maramdaman niya ito ngunit bago pa man siya makarating sa tabing kalsada, tuluyan nang nandilim ang kaniyang paningin at sigawan na ng mga tao ang tangi niyang naririnig.
Nagising na lamang siyang nakahiga na sa sarili niyang silid at puno ng aparato sa paligid habang pinupunasan ng anak ng bago niyang asawa ang kaniyang paa ng basang bimpo.
“Anong nangyari sa akin? Nasaan ang mga anak ko? Bakit ikaw ang nag-aalaga sa akin?” tanong niya rito.
“Hoy, babaeng pipi, pagkatapos mong punasan ‘yang matandang ‘yan, sumama ka sa’min sa restawran, ha? Ilibre mo kami. Hayaan na natin ‘yang matandang ‘yan, ilang linggo na ‘yang hindi gumigising, hayaan mo nang kunin ng liwanag ‘yan!” sigaw ng kaniyang panganay na anak dahilan upang siya’y mabigla.
“A-anong sabi mo?” sambit nito nang sumilip ito sa pintuan pagkatapos magsalita.
“Ah, eh, wala po, mama!” sambit nito saka agad na inagaw ang basang bimpo sa dalaga.
Nais man niyang magsisisigaw sa galit dahil sa narinig, wala siyang magawa dahil siya’y nanghihina pa.
Binasa niya ang inabot na papel ng naturang dalaga at doon niya nalamang pipi pala ito. Nalaman niya ring simula nang mawalan siya ng malay, pinagbabawalan ito ng kaniyang mga anak na alagaan siya upang mawala na sa mundong ito.
Ganoon na lang ang sama ng loob niyang nararamdaman dahil sa ginawa ng kaniyang mga anak. Sa isip-isip niya, “Hindi ko pa kadugo ang tumulong at nag-alaga sa akin,” saka siya labis na humagulgol.