Inday TrendingInday Trending
Pinagdamutan ng Ginang ang Bunso Niyang Kapatid, Laking Gulat Niya sa Tagumpay na Naabot nito

Pinagdamutan ng Ginang ang Bunso Niyang Kapatid, Laking Gulat Niya sa Tagumpay na Naabot nito

“Jaira, sinama ko si Belen, ha? Hindi mo raw siya naimbita, eh, baka kako nawala lang sa isip mo dahil sa pagkaabala mo sa paghahanda at pag-aayos dito sa bahay mo,” masayang sambit ni Elisa sa panganay na kapatid, isang hapon nang abutan niya itong naghahalo ng ube sa likod bahay nito.

“Naku, hindi ko talaga inimbitahan ‘yon! Bakit mo naman sinama? Nasaan na siya? Diyos ko! Baka magnakaw pa ‘yon dito sa bahay ko!” natatarantang tugon ni Jaira habang hinahanap kung nasaan ang kapatid nilang iyon.

“Anong sinasabi mo? Bakit naman siya magnanakaw dito sa bahay mo?” tanong pa nito sa kaniya habang pinipigilan siyang magpunta sa pwesto ng kapatid nilang iyon.

“Alam mo namang gipit na gipit na ‘yon ngayon, hindi ba? Baka mamaya, sapian ng masamang elemento, gumawa pa ng masama rito sa pamamahay ko! Saka, wala rin naman ‘yong inambag sa selebrasyong ito, hindi ba? Paalisin mo na ‘yon!” sigaw niya rito habang nagpupumiglas sa pagpigil nito. “Ano ka ba naman, kapatid pa rin natin ‘yon!” bulyaw nito sa kaniya saka siya pilit na pinipigilan.

“Kahit na, paalisin mo ‘yon o hindi matutuloy ang selebrasyong ito?” panakot niya rito dahilan upang mapabuntong hininga na lang ito at dalhin palabas ng bahay ang kapatid nilang iyon.

Simula nang makaramdam ng karaangyan sa buhay, naging mailap at mapili na sa tao ang ginang na si Jaira. Kung dati’y palagi siyang nakikihalubilo sa kaniyang mga kapatid, pinsan at mga kapitbahay, ngayon, palagi na lamang siyang nasa loob ng kaniyang pamamahay habang pinagmamasdan ang ganda nito.

Natatakot kasi siyang baka manakawan ang kaniyang bahay kaya kahit ang gipit niyang bunsong kapatid, kaniyang paghinalaan. Imbis na ito’y tulungan niya, sa tuwing makikita niya itong papunta sa bahay nila, agad na siyang magkakandado ng gate at magkukinwaring hindi niya naririnig ang paghingi nito ng tulong.

Palagi niyang depensa, “Hindi ko na kasalanang mahirap at gipit ang buhay mo ngayon, maaga kang lumandi, eh, dapat lang ‘yan sa’yo!”

Ito ang dahilan upang kahit ang dalawa niya pang kapatid, bahagya nang mainis sa kaniya. At dahil nga medyo nakakaangat-angat din sa buhay ang dalawang ito, ang dalawa ito lang at mga anak nito, ang pinapapasok niya sa kaniyang bahay.

Hingan man siya nito minsan ng pandagdag upang ibigay sa bunso nilang kapatid, palagi niyang tinatanggihan ang mga ito.

“Ipapangbisyo niya lang ‘yan!” lagi niyang sambit.

Laking tuwa niya naman dahil hindi na siya ginambala ng bunso niyang kapatid na iyon pagtapos niya itong paalisin sa bahay niya, limang taon na ang nakalilipas.

“Mukhang nasa langit na ata ang kapatid kong iyon, ha? Salamat naman sa Diyos at wala nang pabigat sa aming magkakapatid,” sambit niya habang siya’y nagseselpon.

Ngunit, pagkabukas niya ng isa niyang social media account, tumambad sa kaniya ang larawan ng kaniyang tatlong kapatid na nasa isang mamahaling restawran. Ang sasarap ng mga pagkain ng mga ito at nakita niya pang nagbigayan sila ng mga regalo dahilan upang labis siyang mainggit at magpasiyang tawagan ang kaniyang pangalawang kapatid.

“Elisa! Lumabas kayong tatlo? Bakit hindi niyo ako sinama?” agad niyang tanong dito nang minsan nitong sagutin ang kaniyang tawag.

“Hindi ba’t ayaw mong kasama si Belen?” tanong nito sa kaniya.

“Oo nga! Edi sana siya ang hindi niyo sinama!” galit niyang sagot habang kunot na kunot ang noo.

“Paanong hindi namin siya isasama, eh, siya ang nagyaya at nanlibre sa amin? Ano ka ba, milyonarya na kaya ang kapatid nating pinagkakaitan mo noon! Lumago na ang negosyo niya! Kinulong mo na lang kasi sa mansyon mo ang sarili mo, eh, ayan tuloy, napag-iiwanan ka na!” sambit nito na labis niyang ikinagulat dahilan upang mabitawan niya ang selpon niya.

Maya maya, muli niya itong kinuha ang tiningnan ang account ng bunso niyang kapatid. Doon tumambad sa kaniya ang tagumpay na naabot nito. Napag-alaman niyang mayroon na pala itong tatlong restawran sa Pasay, Makati at Tagaytay na labis niyang ikinabigla.

Lalo pa siyang nagulantang nang padalhan siya nito ng mensahe, “Ate Jaira, mayaman na ako, pupwede na ba akong makatapak sa mansyon mo?” dahilan upang ganoon na lang siya makonsensya sa ginawa niyang pagdadamot sa kapatid niyang ito.

Labis siyang humingi ng pasensya rito na agad naman nitong tinanggap dahil nga mahal na mahal siya nito.

Sa pangyayaring ito, napagtanto niyang walang saysay ang perang mayroon siya, kung hindi niya kasundo ang mga tao sa paligid niya.

Advertisement