Nag-aral sa Maynila ang Binatilyo Bitbit ang Pangarap na Maiahon sa Kahirapan ang Kaniyang mga Magulang; Paano Kung Napalilibutan Siya ng mga Tukso?

Nag-aral sa Maynila ang Binatilyo Bitbit ang Pangarap na Maiahon sa Kahirapan ang Kaniyang mga Magulang; Paano Kung Napalilibutan Siya ng mga Tukso?

FamilyHeartbreakingStories

“Anak, mag-iingat ka roon sa Maynila ha? Kung maaari lamang sana na sumama ako sa iyo, gagawin ko.”

Halos maiyak si Nanang Gloria habang pinanonood ang panganay na anak na si Jerome na nakatakdang mag-aral sa Maynila. Nakapasa kasi ito sa pinag-aplayan nitong state university. Bukod doon, may scholarship din ito dahil siya ang Class Salutatorian ng kanilang paaralan.

“Opo, Nanang. Lagi po akong mag-iingat. Saka lagi po sana ninyong dalhin ni Tatang sa bukid ang cellphone ninyo para nang sa gayon ay magkatawagan tayo.”

Ang cellphone na iyon na pinaglumaan na ay nabili lamang sa halagang 800 piso. Ito ay segunda mano at isa sa mga pinakaunang modelo ng cellphone na may keypad at antena pa.

“Makikitawag o makikitext na lamang ako sa mga kasama ko sa bedspace,” pangako ni Jerome. Wala kasi siyang sariling cellphone.

“Basta anak ha, ang itinuro namin sa iyo, huwag na huwag mong kalilimutan,” bilin naman ng kaniyang Tatang sa kaniya.

“Opo, Tatang. Laging makisama at maging mababa ang kalooban.”

Inihatid siya ni Tatang Gusting sa terminal ng bus na babyahe patungong Maynila.

“Anak, tumawag ka kaagad sa amin kapag nagkaproblema ka sa tutuluyan mo,” huling tagubilin ng kaniyang Tatang.

“Opo, Tatang. Mag-iingat din po kayo ni Nanang.”

Pangarap ni Jerome na maiahon sa kahirapan ang kaniyang mga magulang. Determinasyon at lakas ng loob ang kaniyang bitbit.

Hindi naging madali ang pamumuhay nang mag-isa ni Jerome sa Maynila, lalo na at sa bedspace lamang siya nanunuluyan. Apat silang umookupa sa isang silid, at minsan ay nahihiya si Jerome sa mga kasama niya. Hindi siya makasabay sa mga ganap nila sa buhay.

Minsan, naabutan niya ang mga kasama sa kuwarto na tumatagay.

“Uy, tara… tagay ka sa amin. Ikaw naman oh, para ka namang hindi kasama sa kuwarto eh,” sabi ni Randy.  

“Oo nga naman, Jerome. Huwag puro aral,” sang-ayon naman ni Ariel.

“Halika at magkuwentuhan tayo,” aya naman ni Pancho.

At dahil nahihiya at baka masabihang hindi nakikisama ay sumali na nga si Jerome. Hindi talaga siya umiinom, pinilit lamang niya.

Hanggang sa maya-maya ay tumatawa na siya nang malakas. Naparami yata ang mga nainom niya.

Hanggang sa matumba na sila at makatulog sa labis na kalasingan sa sahig.

Kinabukasan, nagulat si Jerome na tanghali na pala. Wala na ang kaniyang mga kasama, marahil ay nagsipasok na sa kanilang mga eskuwela o trabaho.

Huling-huli na si Jerome. Ito ang unang beses na lumiban siya sa klase. Nananakit ang kaniyang ulo, parang binibiyak. Marahil ay dahil sa hang over.

Saka niya naalala na presentasyon pala niya sa pag-uulat sa isang asignatura. Mahigpit pa naman ang propesor doon; kapag hindi nakapag-ulat, asahan na umano na nasa 3 ang magiging marka sa kaniyang asignatura.

Nakahinga siya nang maluwag nang malaman kinabukasan na hindi pa siya naabutan. May oras pa siya upang makapaghanda.

“Naku, kung ganyan na nakakaistorbo sa iyo ang mga kasama mo sa bedspace, makabubuti siguro na humanap ka na lang ng iba. Baka kasi mangyari na naman sa iyo iyan, at baka hindi ka na makaligtas pa,” paalala sa kaniya ng kaklase.

“Hindi, ayos lang ako. Naparami lang talaga ng inom kagabi. Mababait naman sila. Nagkataon lang talaga siguro, huwag kang mag-alala. Kaya ko naman ang sarili ko. Alam ko naman kapag mapapahamak na ako. Ako na mismo ang iiwas.”

Pag-uwi niya, naabutan na naman niyang nag-iinuman ang mga kasama. Ngayon naman ay may kasama na silang mga babae.

“Jerome, buti nandiyan ka na. Kaunting kasiyahan lang tayo. Oo nga pala, heto pala si Olga,” pagpapakilala sa kaniya sa isang babae.

At dahil wala namang magagawa si Jerome ay sumali na rin siya sa inuman. Hanggang sa magkalasingan na nga ang lahat. Ipinasya ni Pancho na isarado ang ilaw.

At nang isarado na ang ilaw, naramdaman ni Jerome na may ginagawang kababalaghan ang mga kasama, kapares ang mga babaeng kainuman nila.

Naramdaman ni Jerome ang paggapang ng kamay ni Olga sa kaniyang hita, patungo sa kaniyang pagkalalaki.

“O-Olga…”

“Ssssshhh… ako’ng bahala… huwag kang maingay…”

At nagpatianod na nga si Jerome patungo sa ikapitong glorya.

Makalipas ang dalawang buwan…

“Buntis ako at ikaw ang ama!”

Tila natulig si Jerome sa rebelasyon ni Olga.

“P-Paano ako nakakasiguro na… na ako lang…”

Isang malutong na sampal ang iginawad nito sa kaniya.

“Hayop ka. Oo, malandi akong babae pero hindi ako sinungaling. Ikaw lang ang lalaking hindi marunong! Napuruhan mo ako.”

Galit na galit at halos gumuho ang mundo ng kaniyang Nanang at Tatang nang malaman nila ang nangyari.

“Sinira mo ang malaking pagtitiwala namin sa iyo, anak. Paano na ang kinabukasan mo ngayon? Hindi ka pa handa para maging isang batang ama,” sabi sa kaniya ng Nanang niya.

Hindi maapuhap ni Jerome ang tamang salitang makapagpapaliwanag sa kaniyang sarili at makapagpapakalma sa kalooban ng kaniyang mga magulang.

“B-Babawi po ako sa inyo, Nanang at Tatang. Hindi po ako hihinto sa pag-aaral. Puwede naman po iyon. Hahanap po ako ng trabaho para masuportahan ko po si Olga at ang magiging anak namin.”

Pursigido nang maging batang ama si Jerome. Paninindigan na niya ang kaniyang pinasok na sitwasyon. Nakikini-kinita na niya ang kaniyang anak na patakbo-takbo sa kaniya.

Ngunit sa kasamaang-palad, hindi niya inasahan ang ginawa ni Olga. Nagpalaglag ito.

“Ayokong maging ina. Isa pa, alam kong gusto mo rin ito. Hindi kita mahal. Hindi mo ako mahal. Isang pagkakamali lamang ang nangyari sa atin.”

Wala nang nagawa si Jerome kundi tanggapin ang lahat. Palagay niya, kapalaran na ang gumawa ng hakbang upang maitama niya ang kaniyang mga pagkakamali.

Kaya naman upang makabawi sa kaniyang mga magulang, pinagbuti ni Jerome ang kaniyang pag-aaral. Umalis na rin siya sa bedspace at humanap ng ibang mas mainam na matutuluyan. Nagtrabaho rin siya bilang student assistant sa paaralan upang masuportahan ang kaniyang pangangailangan.

Hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral, makahanap ng magandang trabaho, at mapabuti na niya ang buhay ng mga magulang.

“Maraming salamat, Jerome. Hindi mo kami binigo,” pasasalamat ng kaniyang mga magulang sa kaniya, na ngayon ay nakatira na sa malaking bahay. Ipinagawa niya kasi ang kanilang lumang bahay at pinalagyan pa ng roof deck.

“Sa buhay, hindi mahalaga kung ilang beses tayong nadapa. Ang mahalaga, kung ilang beses tayong babangon,” wika ni Jerome sa kaniyang mapapangasawa, na ngayon ay buntis na sa kanilang panganay.

More Stories