Mahilig Mag-Prank ang Nobyo ng Babaeng Ito; Hanggang sa Kasalan Ba Nila ay May Prank Pa Rin?

Mahilig Mag-Prank ang Nobyo ng Babaeng Ito; Hanggang sa Kasalan Ba Nila ay May Prank Pa Rin?

HeartbreakingLoveStories

“It’s a prank!”

Hagalpak sa katatawa si Fred nang halos mapaiyak na ang nobyang si Thea, nang kunwari ay mag-propose ito sa kaniya.

Paiyak na sana si Thea ngunit naudlot ito nang ihayag ni Fred na palabas lamang ang lahat; may hidden camera ito na nakatago sa isang estante, para sa kaniyang mga subscribers. Isang vlogger si Fred.

“Hayan po at isa na namang prank ang matagumpay ninyong nasaksihan! Hinay-hinay lang po tayo mga kaibigan, dahil darating din po tayo sa tunay kong wedding proposal sa aking Bebe Loves. At magiging saksi po kayo sa makasaysayang araw na iyon! Sa ngayon po, paalam muna! Hanggang sa next vlog!”

Kung alam lamang ni Fred kung gaano kasakit kay Thea ang ginawa nito, hindi na sana niya ito ginawa. Talagang nagtampo si Thea subalit hindi niya ito pinahahalata sa nobyo.

Ganoon naman talaga si Fred simula pa lamang. Akala mo ay seryoso subalit nagbibiro lamang pala.

O kaya naman, akala mo ay nagbibiro ngunit seryoso na pala.

“Ayos ba ang prank ko sa iyo?” tanong ni Fred.

“T-Tinatanong mo ako kung ayos lang ba sa akin ang ginawa mo? Na niloko at pinaasa mo ako?”

Nilapitan siya ni Fred. Ginagap ang kamay.

“Bebe Loves, alam mo naman na ginagawa ko lang ang lahat ng ito para magkaroon ng content na makapagbibigay-aliw sa mga subscribers ko, para patuloy nila akong tangkilikin, ‘di ba? Alam mo namang ang click na content ng vlogs ko ay mga prank,” paliwanag ni Fred.

“At saka kapag malaki ang kita natin, mas makakapag-ipon ako para naman maging enggrande ang kasal natin. Maibibigay ko sa iyo ang pangarap mong wedding proposal, at syempre, ang mismong kasal. Kaya huwag ka sana magtatampo dahil mahal na mahal kita Bebe Loves ko, at ikaw ang nais kong pakasalan kahit saang simbahan pa iyan,” wika nito.

“Pero kailan mo ba balak totohanin ang wedding proposal na iyan?” usisa ni Thea sa nobyo.

“Sa takdang panahon, Bebe Loves. Huwag kang mag-alala. Wala naman akong ibang pakakasalan kundi ikaw, wala nang iba pa.”

Simula nang prank na iyon ay napansin ni Fred na naging matamlay na ang pakikitungo sa kaniya ng nobya.

Kapag nakikipagkita siya rito, lagi itong tumatanggi.

May mga sandali rin na may lakad ito nang mag-isa at hindi ipinapaalam sa kaniya.

Kaya ipinasya na ni Fred na ibigay sa nobya ang matagal na nitong hinihingi.

Hindi na prank.

“Will you marry me?”

“Yes!”

Halos magbunyi ang mga subscribers ni Fred dahil hindi na prank ang wedding proposal nito para sa nobya. Mabilis ang naging preparasyon para sa kanilang kasal at prenuptial photoshoot na nakadetalye sa vlogs ni Fred.

Hanggang sa dumating na ang araw ng kasal. Naka-live ito para saksi ang lahat ng subscribers ni Fred.

Halos maiyak si Fred nang makita na ang bride na si Thea. Napakaganda nito sa puting trahe de boda habang naglalakad patungong altar. Ngunit nabakas ni Fred sa mukha ng kaniyang bride ang kaba. Sa palagay naman niya ay normal naman ito lalo’t kinakabahan din siya.

Walang kibo si Thea nang sila ay nasa harapan na. Nagsimula na ang seremonya ng pari.

“Ikaw, Frederico, tinatanggap mo ba si Thealyn bilang kabiyak ng iyong puso, sa hirap at ginahawa, kayo ay magsasama?”

“Opo, Padre. Tinatanggap ko po.”

“Ikaw, Thealyn, tinatanggap mo ba si Frederico bilang kabiyak ng iyong puso, sa hirap at ginhawa, kayo ay magsasama?”

Hindi kumibo si Thea.

Napatingin si Fred sa kaniya.

Nakaabang ang mga pari, ang mga panauhin, at maging ang mga subscribers na nanonood ay pigil-hininga.

“Inuulit ko Thealyn, tinatanggap mo ba si Frederico bilang kabiyak ng iyong puso, sa hirap at ginhawa, kayo ay magsasama?”

“Hindi po.”

Napamaang si Fred at ang lahat.

“B-Bebe Loves…”

“Hindi ko po siya kayang makasama, paumanhin po…”

“Bebe Loves… prank ba ito? Prank ito ‘no? Father, baka nagpa-prank lang po ang Bebe Loves ko…”

“Hindi ito prank, Fred. Totoo ito. Hindi ako magpapakasal sa iyo. Lalo na’t nalaman ko na magiging ama ka na. Kay Brenda.”

Napatda si Fred at ang lahat. Nakalimutan ng pinsan ni Fred na naka-live ang kasal at napapanood ito ng mga subscribers ni Fred sa channel nito.

“Napag-alaman ko na hindi lang ako ang babae sa buhay mo. Hindi ako papasok sa isang kasunduang gaya ng kasal kung hindi mo naman kayang maging tapat sa akin. Panagutan mo ang anak mo sa babaeng si Brenda. Napansin mo ba na lagi akong hindi sumasama sa iyo, o may mga lakad ako na hindi kita kasama? Doon ko natuklasan ang lihim ninyo.”

“Bebe Loves…”

“Masakit bang ma-prank? Puwes, it’s a prank. Isang kalokohan ang kasalang ito,” sabi ni Thea sabay hubad ng kaniyang belo. Inihagis niya ito sa lapag, at nagtatatakbong palabas sa simbahan. Sinundan naman ito ng magulang at kaanak niya.

Sising-sisi si Fred sa kataksilang kaniyang ginawa. Ito ang pinakamalaking prank ng buhay niya na hindi niya malilimutan. Pinanagutan na lamang niya ang anak niya kay Brenda na resulta ng kanilang pagkakamali.

More Stories