Nagmamadali si Bianca. Ilang oras na lang at interview na niya sa pinag-aplayang kompanya. Hindi na niya masyadong tinitigan ang sarili sa salamin. Alam niya, maayos naman ang kanyang pantay-balikat na buhok, nakapagpulbo siya at nakapagpahid ng matte lipstick sa maninipis na labi. Isa pa, nariyan na rin ang GRAB driver na maghahatid sa kaniya papunta roon.
Halos mag-iisang oras ang biyahe, kaya naman, pagkababang-pagkababa ni Bianca ay humarurot siya ng takbo. Napansin niyang may nakatingin sa kanyang lalaki, gwapo, matangkad, subalit hindi niya pinagtuunan ng pansin. Tumapat siya sa elevator. Sinulyapan ang relo. 11:15 AM. 11:30 AM ang appointment niya.
Maya-maya, napansin niyang papalapit ang gwapong lalaki sa kanya. Nakasuot ito ng itim na jacket.
Biglang nakaramdam ng panic attack si Bianca. Kapag nakakakita siya ng lalaking naka-jacket, nakakaramdam siya ng takot. Natrauma siya dahil sa nakajacket na snatcher na humalgot sa kanyang bag. Pakiramdam niya, masamang tao ang mga nakajacket.
Tuluyang lumapit ang lalaki sa kanya.
Nanginig si Bianca.
Bumulong ang lalaki sa kanya.
KUYA HUWAG PO… sigaw ng isip ni Bianca, gusto niyang sumigaw subalit walang sapat na tinig na lumabas sa kanyang bibig.
“Miss… may stain sa likod mo…”
Napamaang si Bianca. MAY TAGOS SIYA!!! Wala na siyang oras para magpalit, at isa pa, wala siyang dalang pamalit.
Hinubad ng lalaki ang jacket niya. Itinaklob sa kanyang likuran.
“Naku, kuya, salamat ha pero may appointment kasi ako, paano ko masasauli ang jacket mo?”
Naglabas ng calling card ang lalaki. Iniabot sa kanya. “Kung hindi mo ako maabutan dito sa lobby, tawagan mo ako,” nakangiting sabi nito. May hawig ang lalaki sa isang kilalang artistang lokal.
Bumukas ang elevator. Pumasok si Bianca.
“Ingat…” sabi ng lalaki.
“Salamat…” tugon ni Bianca.
TING! Sumara ang pinto ng elevator.
Pagdating sa floor kung saan naroon ang opisina na kaniyang pupuntahan, dumiretso muna siya sa palikuran upang makapag-ayos. Saka siya dumiretso sa opisina ng CEO ng kompanya.
“This way, miss,” giya sa kaniya ng sekretarya.
Pagpasok sa loob ng malamig na opisina, nagulat siya na ang lalaking magsasagawa ng panayam sa kaniya ay ang lalaking tumulong sa kaniya kanina na at nagpahiram ng jacket sa kanina!
“Have a seat,” aya ng lalaki kay Bianca.
Hindi gaya kanina, napakaseryoso ng mukha ng lalaki. Nagpormal din si Bianca. Sinimulan niyang sagutin ang mga tanong nito. Nang matapos ang panayam, ngumiti na ito.
“So pwede ko na bang makuha ang jacket ko?” nakangiting tanong nito. Santy Salvador pala ang pangalan ng boss na ito.
Namula si Bianca. Naalala na naman niya ang pagkapahiya kanina dahil sa kaniyang tagos.
“Sir, pwede po bang next time na lang? Nakakahiya naman po. Naupuan ko na po kasi. Baka kasi nagka-stain po,” nahihiyang tugon ni Bianca.
“Sige. So kailangan pala kitang i-hire para mapalapit ka sa akin? Este, what I mean is, para maibalik mo sa akin ang jacket ko?” biro ni Santy kay Bianca. Namula naman si Bianca sa tinuran ng boss.
“Kayo pong bahala, sir,” nakangiting sabi ni Bianca.
Natanggap nga sa trabaho si Bianca. Nailagay siya sa accounting department ng kompanya. Dahil nasabak kaagad sa trabaho, nakalimutang isauli ni Bianca ang jacket ni Santy.
Pagkauwi, nagulat si Bianca dahil isang putting kotse ang pumarada sa kaniyang harapan.
“Sakay na,” aya ni Santy kay Bianca.
“Sir? Kayo po pala iyan,” nag-aalangang sabi ni Bianca sa boss.
“Gabi na masyado. Traffic for sure kaya sabay ka na,” wika ni Santy kay Bianca. Lumingon muna sa kaniyang paligid si Bianca. Tiniyak muna niyang walang makakakita sa kaniya dahil baka maisyu pa siyang kay bago-bago niya ay nakikipaglapit sa CEO ng kompanya.
Habang nasa loob ng sasakyan ay tahimik lamang si Bianca. Nakikiramdam siya sa kaniyang boss.
“Nasaan na pala yung jacket ko?” nakangiting tanong ni Santy kay Bianca.
“Ay oo nga po pala. Pasensya na po kung hindi ko po nasauli. Bukas po ibibigay ko sa inyo,” nakangiting sabi ni Bianca.
Ibinaba ni Santy si Bianca sa kanto ng village nito. Ipinaalala nito ang jacket. Kinabukasan, dinala nga ni Bianca ang jacket sa opisina ng kaniyang boss. Simula noon, naging malapit na sina Bianca at Santy. Marami rin sa mga kaopisina ni Bianca ang pinag-usapan siya dahil kabago-bago pa lamang daw siya ay hinaharot niya si Santy.
Kinabukasan, nag-abot ng resignation letter si Bianca kay Santy. Tinanggap naman ito ni Santy para maligawan niya si Bianca. Para malayo sila sa isyu at kung ano-anong tsismisan.
Sa tulong naman ng binata, nakapasok sa isang magandang kompanya itong si Bianca.
Naging sila at tumagal ang kanilang relasyon ng tatlong taon hanggang sa sila ay nagpakasal. Sino ba ang mag-aakalang magsisimula ang kanilang relasyon dahil sa isang tagos?