
Problemadong Haligi Ng Tahanan
“Papa, nasaan ka po kagabi?” pang-uusisa ni Felix sa kaniyang tatay na kakabangon lamang mula sa higaan.
“Pakialam mo? Ano, sisiraan mo na naman ako sa nanay mo? Anong tsismis na naman ang ingunguso mo sa kaniya? Gusto mo na namang mag-away kami, ano?” masungit na tugon ni Mang Ryan saka galit na tiniklop ang kaniyang pinaghigaan.
“Tinatanong ko lang po, papa. Parang napansin po kasi kita doon sa bar malapit sa bahay ng kaklase ko,” paliwanag ng binata ngunit tila nakadagdag ito sa galit ng kaniyang ama.
“Kapag nasa bar ako kaagad?” pambabara nito.
“Hindi po, papa. Sinisigurado ko lang po. Pasensiya na po kayo,” nakatungong sambit ng kaniyang anak.
“Itikom mo ‘yang bibig mo kung ayaw mong matikman ulit ang kamao ko. Kapag nag-away ulit kami ng mama mo dahil sa sumbong mong mali naman, papalayasin na kita!” pananakot niya sa binata saka niya ito hinampas ng unan sa katawan dahilan upang umalis ito sa silid.
Mapagmahal naman talaga dati si Mang Ryan sa nag-iisa niyang anak. Ngunit nang maging ganap na itong binata, naging malayo ang kaniyang loob dito. Palagi kasi siya nitong nahuhuling may anomalyang ginagawa at diretsuhang pinapaalam ito sa kaniyang asawa dahilan upang makailang beses sila nitong muntikang maghiwalay.
Dahil na rin sa hirap na nararanasan sa buhay, wala silang sariling bahay, nawalan siya ng trabaho, nasa kolehiyo na ang kaniyang anak, hindi na napigilan ng lalaki na malulong sa alak at babae na labis niyang itinatanggi sa kaniyang may bahay.
Ngunit kinagabihan ng araw na iyon, nakita siyang muli ng kaniyang anak. Hindi niya namalayang sumilip pala ang kaniyang anak sa naturang bar at nakita siyang may kakandong na dalaga habang nag-iinom.
Noong una’y nagdadalawang isip si Felix na sabihin ito sa kaniyang ina ngunit napagtanto niyang hindi ito dapat ginagawa ng kaniyang ama kaya kahit pa papalayasin siya nito kapag nalamang sinumbong niya na naman ang anomalyang ginagawa nito, buo ang loob niyang isumbong muli ito sa kaniyang ina.
Agad niyang tinawagan ang kaniyang ina at pinapunta sa naturang bar. Binalaan niya ito na maghanda dahil alam niyang masasaktan ito nang sobra. Doon palang sa babala niya, alam na ng nanay niya na may kalokohang ginawa na naman ang kaniyang asawa.
Wala pang kinse minuto, dumating na ang kaniyang ina. Agad itong pumasok sa bar at kitang-kita niya kung paano masayang nakikipagkwentuhan ang kaniyang asawa sa dalagang nakakandong sa kaniya.
“Ang galing mo rin talaga eh, ano? Anong palusot pa ang sasabihin mo?” bwelta ng ginang, gulat na gulat naman ang kaniyang asawa at halos ipagtabuyan ang dalagang kanina’y kakandong niya.
“Ah, eh, nagtanong lang ‘yon sa akin, mahal. Binebentahan lang ako ng alak. Alam mo naman ‘yung mga babae rito,” kamot ulong pagsisinungaling ni Mang Ryan.
“Talaga ba? Kaya pala ganoon ka na lang makahaplos sa beywang at hita noong dalaga. Kawawa naman siya, matandang manloloko ang nabingwit niya,” tugon naman ng ginang saka tumingin sa dalagang halos lumubog na sa lupa dahil sa kahihiyan, sabay hila sa anak niya upang umalis na sa naturang bar. Marami na rin kasing tsismosang nanunuod.
“Saglit, mahal, magpapaliwanag ako!” habol nito.
“Wala ka nang dapat ipaliwanag! Tapos na tayo! Aalis na kami ni Felix sa puder mo! Tutal, wala ka rin namang pinapakain sa amin! May problema na tayo, puro ka pa inom at babae!” bulyaw ng ginang saka tuluyang lumisan sa bar.
Halos hindi makapaniwala ang lalaki sa mga nangyayari. Umuwi siya sa bahay nilang wala na ang kaniyang asawa’t anak. Halos pagsakluban siya ng langit at lupa nang mapagtantong tinotoo na ng kaniyang may bahay ang babala nitong paglayas.
Hinanap niya kung saan ang mga ito ngunit tila mahirap ngang hanapin ang ayaw magpahanap. Wala na siyang magawa kundi umiyak nang umiyak at magsisi sa lahat ng kaniyang kasalanan at pagkukulang sa mag-ina.
Lalo pang binuhos ang kaniyang luha nang makita ang isang litrato, kung saan masaya niyang yakap-yakap ang kaniyang may bahay at ang anak nilang noon ay limang taong gulang pa lamang.
“Siguro kung hindi ako nagbago, masaya pa rin ang pamilya ko,” iyak niya saka napagtantong kailangan niyang gawin pa ang makakaya upang bumalik ang kaniyang mag-ina.
Nakukutuban niyang nagpunta ang kaniyang mag-ina sa probinsyang tinirhan ng mga kaanak ng kaniyang asawa, kaya naman upang makapunta doon ay naghanap siya ng trabaho para magkapera.
Sakto namang naghahanap ng drayber ang isa sa mga kagawad ng kanilang barangay kaya agad niya itong pinatos. Halos dalawang linggo rin siyang nagtrabaho dito at noong may sapat ng pera, agad siyang bumiyahe papunta sa probinsyang iyon.
At tama nga siya ng kutob, doon niya nakita ang kaniyang mag-ina, nagtitinda ng palamig sa harap ng bahay ng kaniyang biyenan. Agad niya itong nilapitan at inabutan ng bulaklak. Noong una’y ayaw itong tanggapin ng ginang, kaya nagsalita ang kanilang anak.
“Mama, baka po pwede niyo na patawarin si papa. Gusto ko po ng buong pamilya. Nagsusumbong po ako para magising kayo sa katotohanan at hindi para maghiwalay,” pakiusap ng binata dahilan upang mapaiyak ang ginang saka niya tinanggap ang bulaklak na inaabot ng asawa.
Iyon ang naging simula nang matibay na pamilyang mayroon sila. Napagdesisyunan nilang umuwi muli sa siyudad na tinitirhan nila at doon pagtulungang itaguyod ang kanilang pamilya.
Tinuloy ni Mang Ryan ang pagmamaneho para sa isang kagawad, nagtinda ng palamig ang ginang habang pumasok naman sa isang restawran bilang waiter ang binata habang nag-aaral, dahilan upang kahit papaano ay makaahon sila sa kanilang pagkakadapa.
Tuluyan na ring nagbago ang haligi ng tahanan. Kapag may problema, hindi na alak at babae ang kaniyang naiisip na solusyon, kundi ang kaniyang mag-inang tumanggap sa kaniya nang paulit-ulit.
Madalas nakakain tayo ng problema at nakakagawa ng bagay na mas nakakapagpalala pa sa sitwasyon, kaya mangyari lamang na mag-isip tayo ng solusyong makakatulong sa atin at lalo na sa ating pamilya na hinding-hindi natin pagsisisihan sa huli. Hindi kasi lahat ng tao ay napagbibigyan pa ng pangalawang pagkakataon gaya nitong si Mang Ryan.