Inday TrendingInday Trending
Pagmamahalang Hindi Nasusukat Ng Relihiyon

Pagmamahalang Hindi Nasusukat Ng Relihiyon

“Louie, magtatagal kaya tayo? Isipin mo, wala pa tayong tatlong buwan pero halos lahat ay kontra na sa relasyon natin,” walang ano-anong sambit ni Elisha habang kumakain sila ng nobyo sa isang restawrang pangarap nilang puntahan.

“Oo naman, maging positibo ka. Kahit naman hadlangan nila tayo, kung parehas nating gustong magsama habambuhay ay wala silang magagawa,” tugon ni Louie habang nakangiti, nais niyang pakalmahin ang magulong isip ng kaniyang nobya.

“Pero, Louie, hindi mo ba naisip na kaya sila ganoon sa atin dahil magkaiba tayo ng Diyos na pinapaniwalaan?” tanong naman ng dalaga, kita na sa mata nito ang pag-aalala’t pangamba.

“Noong malaman ko palang na magkasalunghat ‘yung relihiyon natin, naisip ko nang baka nga magkaproblema tayo, pero tinuloy ko pa rin kasi alam ko, rerespetuhin mo ang paniniwala ko, at handa akong respetuhin ang paniniwala mo,” sagot ng binata saka mahigpit na hinawakan ang kamay ng dalaga, pinipilit niya pa rin itong pakalmahin.

“Eh, kaso yung pamilya natin, hindi maintindihan ‘yon,” depensa ni Elisha saka tumingin sa ibaba, nanggigilid na ang kaniyang mga luha.

“Wala tayong magagawa doon,” buntong hininga ni Louie, “huwag mo muna isipin ‘yan, Diyos mo at Diyos ko na ang bahala dyan. Magsaya muna tayo, minsan lang tayo makatakas, eh,” dagdag niya saka tumabi sa inuupuan ng nobya at niyakap ito ng mahigpit.

Kahit pa bago pa lang ang relasyon ng dalawa, marami na silang pinagdaang unos nang magkasama. Mula sa panliligaw ng binatang patago dahil ayaw ng pamilya ng dalaga, hanggang sa pagsagot ng dalaga sa binata sa harap ng kaniyang pamilya na halos ipagtabuyan ito, lahat ‘yon, tiniis nila dahil sa salitang “pagmamahal”.

Ayaw ng kanilang pamilya sa isa’t-isa bunsod ng magkaiba sila ng relihiyong pinaniniwalaan. Tila mala-teleserye nga sa tuwinang dumadalaw ang binata sa bahay ng dalaga, madalas kasi siyang pinaalis agad o kung minsan naman, hindi talaga siya pagbubuksan ng pintuan. Kapag naman dinala niya ang nobya sa kanilang bahay, siya lang ang papapasukin at ang dalaga’y maiiwan sa labas ng gate na labis na dumudurog sa puso ng dalawang nagmamahalan.

Wala pang isang oras noong araw ding ‘yon, sabay silang tinawagan ng kanilang mga magulang at pilit silang pinapauwi. Nalaman ng mga ito na magkasama na naman sila.

“Sabi sa’yo, Elisha, tigilan mo na ‘yang lalaking ‘yan! Ang katulad nila kahit ilang babae ang pwedeng mapangasawa! Paano ka, ha? Huwag kang iiyak-iyak sa akin kapag nangyari sa’yo yon!” sermon ng ina ng dalaga, dahil sa pagkarindi, binaba niya na lamang ang tawag.

“Louie naman, huwag mo nang pag-aksayahan ng oras ang babaeng ‘yan! Panigurado, marami nang nakatikim d’yan! Sa iksi ba naman ng mga damit niyan, tapos halos kita na ang kaniyang kaluluwa, maraming lalaki ‘yan bukod sa’yo! Umuwi ka na!” sermon naman ng ina ng binata, noong tapos na ito sa kaniyang pagsesermon, agad na niyang binaba ang tawag.

Labis na nasaktan ang dalawa sa mga husga ng kani-kanilang magulang para isa’t-isa. Dinamdam nila ito at halos isang araw ang nakalipas, hindi pa rin nakakauwi ang dalawa.

Ganoon na lamang ang pag-aalala ng kani-kanilang pamilya sa kanila dahil sa hindi nila pag-uwi. Sakto pang may balitang umusbong na may nakuha raw na labi ng mag-nobyo sa restawrang pinagkainan ng dalawa. Tila nagpakatiwakal daw ang mga ito sa banyo ng nasabing establisyimento.

Halos humagulgol ang kani-kanilang pamilya nang marinig ang balitang ‘yon. Sabay silang dumating sa nasabing kainan at doon nagkatapatan. Noong una’y nagsusumbatan sila pero hindi kalaunan nang makita ang mga nakataklob na mga labi, tila may anghel na humaplos sa kanilang mga puso at sila’y nag-akuan ng kasalanan.

“Kung hinayaan lang sana natin sila, sana masayang namumuhay ang mga anak natin,” sambit ng ama ng dalaga.

“Oo nga, eh. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa anak ko, ako pa ang pangungumbinsi sa anak niyong pakasalan siya,” ‘ika naman ng ama ng binata, laking gulat nilang lahat ng may sumabat na dalawang pamilyar na boses.

“Talaga po?” sabay na paninigurado nila Louie at Elisha. Halos parang nakakita naman ng multi ang mga ito at dali-daling niyakap ang dalawa. Iyak nang iyak ang kani-kanilang mga kaanak dahil sa tuwang buhay sila.

“Akala namin, kayo itong mga ‘to. Hindi naman namin naisip na buksam dahil sa lungkot na nararamdaman,” kamot-ulong ‘ika ng ama ng dalaga.

“Oo nga, nakakahiya tuloy. Maiba ako, kailan ang kasal niyo?” sambit ng ama ni Louie na labis na ikinatuwa ng dalawa, palundag-lundag nilang niyakap ang kani-kanilang pamilya.

Isang taon ang nakalipas, may sapat nang ipon ang dalawa dahilan upang magpakasal na sila sa parehong relihiyong pinaniniwalaan nila. Doble gastos man, basta para sa ikatutuwa nila at ng kani-kanilang Diyos at pamilya, ayos lang.

Matagumpay na nalagpasan ng dalaga ang hidwayaan sa pagitan ng kani-kanilang pamilya. Masaya silang nakapagpakasal sa dalawang relihiyong pinaniniwalaan na nila ngayon. ‘Ika nila, “Pagbalik-baliktarin man ang mundo, ang Diyos ko at ang Diyos mo ay iisa.”

Hindi kailanman hadlang ang relihiyon sa isang relasyon lalo na’t kung handa kayong parehong respetuhin ang paniniwala ng isa’t-isa.

Advertisement