Inday TrendingInday Trending
Naglaho ang Tuwa ng Mister nang Makitang Mala-Amerikano ang Itsura ng Batang Iniluwal ng Kanyang Misis

Naglaho ang Tuwa ng Mister nang Makitang Mala-Amerikano ang Itsura ng Batang Iniluwal ng Kanyang Misis

Masayang lumabas ng bahay nila si Mang Victor, talaga namang pormang-porma siya. Suot niya ang bagong polo shirt na nabili niya sa palengke, pantalon at bagong sapatos. Lahat nang makasalubong niyang kapitbahay ay binabati niya kalakip ang isang matamis na ngiti. Ngayon kasi ang araw ng uwi ng kanyang misis mula sa ibang bansa, nag-Dubai ang babae ilang taon na ang nakalilipas. Labag man sa loob niya ang pag alis nito, katwiran niya’y gumagapang naman siya sa pangingisda at pagkakarpintero para maitaguyod ang dalawa nilang anak ay wala siyang nagawa.

Iyon ang pangarap ng kanyang asawa at wala siyang karapatang hadlangan iyon. Hindi pa uso ang cellphone at internet nang mga panahong iyon kaya sobrang na-miss niya ang misis. Nang makarating sa airport ay agad niya itong niyakap nang mahigpit, gumanti naman ng yakap ang kanyang misis pero may kakaiba rito- hindi ito makatingin nang diretso sa kanya.

“Kumusta naman ang buhay mo roon? Mabait naman ba ang naging amo mo?” sabi niya rito habang nagsasalu-salo sila sa kanilang munting tahanan. Ni minsan ay hindi niya ito inobligang magpadala, ang bilin niya rito ay ipunin ang pera para sa sarili- mahirap ang buhay doon, at siya naman ang bahalang magtaguyod sa mga bata rito. Basta iingatan nito ang sarili, iyon lang ang hiling niya.

“A-ayos naman, mabait ang amo ko,” simpleng sabi nito.

“Hindi ka na naman babalik..hindi ba? May..may naipon ka na para sa negosyo diba?” sabi niya rito.

Doon biglang napaiyak ang babae, “Hindi na ako babalik doon, pero..w-wala akong naipon,pasensya ka na..” sabi nito sa pagitan nang paghagulgol. Napabuntong hininga si Mang Victor, hindi na importante iyon. Ang mahalaga sa kanya ay nakauwi na ang babaeng minamahal.

Makalipas ang isang buwan ay nagising si Mang Victor sa pagsusuka ng kanyang misis, agad niya itong pinuntahan at hinimas ang likod nito. “Ayos ka lang ba?” nag-aalalang sabi niya. Tumango ang babae at hindi makatingin nang diretso sa kanya, “B-buntis ako,” sabi nito.

Napalitan naman ng saya ang pag-aalala ni Mang Victor, “O? Aba’y magandang balita iyan! Masusundan na ang bunso natin!” sabi niya, mahirap ang buhay pero alam niya namang di sila pababayaan ng Diyos. Kahit pa ibenta niya ang kaluluwa niya para mabuhay ang mga anak ay ayos lang, hinding-hindi niya pagsisisihan na nabuhay ang mga ito.

Ngumiti rin ang misis niya pero tila may kakaiba rito. Tila ba may agam-agam.

“Glenda, wag kang mag alala. Magiging maayos ang lahat, kakayanin natin,” sabi niya rito at niyakap pa ito sa kanyang dibdib. Tumango naman ang babae.

Ang hindi kasi alam ni Victor, hindi naman siya ang ama ng bata. Nang umuwi ang babae sa Pilipinas ay buntis na ito, kaya nga napilitang bumalik sa bansa ay iniwan ng kalaguyo nitong foreigner. Kung hindi ito iniwan, baka hindi na ito umuwi pa sa mag-aama. Ngayon ay kinakain ito ng konsensya dahil ipapaako nito ang batang hindi naman sa kanya.

Mabilis lumipas ang mga buwan at sumapit ang panganganak ni Glenda. Agad na tumawag ng komadrona si Mang Victor, excited at kinakabahan siyang nag-abang sa labas ng kanilang kubo. Nang makarinig siya ng iyak ng sanggol ay dali-dali siyang tumakbo sa loob ng bahay, ngiting-ngiti siya pero ang komadrona ay hindi maipinta ang mukha.

“Lalaki Victor,” sabi nito at iniabot sa kanya ang sanggol. Nagulat siya sa itsura nito. Napakaputi ng bata, blonde ang buhok nito at matangos ang ilong. Napakalayo sa kanyang itsura dahil Pilipinong-Pilipino siya, ang misis niya naman ay morena rin. Hindi siya makapaniwala, tulala siya nang muli siyang tawagin ng komadrona.

“Victor, si Glenda!” sabi nito. Napasulyap siya sa misis, hindi alam ang mararamdaman. Napakaraming tanong sa kanyang isipan nang magsalita si Glenda, hirap na hirap ito at habul-habol ang hininga.

“P-patawarin mo ako Vic, nagtaksil ako. Sorry,.” sabi nito bago nawalan ng hininga.

Halu-halong sakit at pagkabigo ang nararamdaman ni Mang Victor, muling nagsalita ang komadrona, “Ano ang gagawin natin sa bata? May, may kilala akong mag asawang hindi magkaanak. Kung gusto mo ay ipaampon na lamang natin,” sabi nito.

Saglit na nag isip ni Mang Victor, ano nga ba ang gagawin niya sa batang bunga ng pagtataksil ng asawa? Umiling siya, “Hindi ho. Aalagaan ko sya,” sabi niya.

Kahit na hindi kanya ang bata ay mag isang inalagaan ito ni Victor na para bang pag aari niya. Kailanman ay di niya ipinaramdam ritong iba ito, kapag binubuska ito ng mga kaklase ay sinasabi niyang wag alalahanin iyon. Kung siya nga, tanggap niya ito. Magpapaapekto pa ba ito sa iba?

“Ang diplomang ito ay para sa tatay ko. Kung hindi niya ako binuhay ay wala ako rito ngayon. Salamat sa lahat tatay ko, utang ko sayo ang lahat, mahal na mahal kita.” sabi ni EJ, itinaas pa ang diplomang hawak habang nagpapalakpakan ang mga tao dahil gumraduate siya sa kursong Engineering.

Maluha-luha naman si Mang Victor habang nakatitig sa anak, hindi ito galing sa kanya, pero galing ito sa puso niya. Dahil mabuti ang naging trato niya sa bata ay labis ang pagmamahal nito sa kanya, Nang makapasa sa board exam si EJ ay ito pa ang nagpatayo ng bahay ni Mang Victor.Nag aabot rin ito ng pera sa dalawang kapatid na hirap sa buhay, hindi na kailangang magsaka at magkarpintero ni Mang Victor dahil ibinili siya ni EJ ng tatlong palaisdaan na siyang pinamamahalaan ng matanda sa ngayon.

Ang batang bunga ng pagtataksil sa kanya, na muntik niya pang ipaampon noon ang siyang nagdala ng ligaya sa buhay niya ngayon.

Advertisement