Inday TrendingInday Trending
Ikinagulat ng Dalaga nang Malaman Kung Saan Kinukuha ng Pobreng Nobyo ang Perang Pinambibili sa mga Regalo Nito sa Kanya

Ikinagulat ng Dalaga nang Malaman Kung Saan Kinukuha ng Pobreng Nobyo ang Perang Pinambibili sa mga Regalo Nito sa Kanya

Nasa unang taon ng kolehiyo si Mae, kumukuha siya ng kursong Computer Science. Ganoon rin ang kanyang nobyong si Jim, hindi nga lamang sila magkaklase dahil nauna ng isang taon sa kanya ang lalaki. Bagamat sa Maynila sila pumapasok ay sa Cavite naman umuuwi si Jim, hindi kaya ng mga magulang nito na magboarding house ang lalaki kaya naman uwian ito araw-araw. Buti na lang at matalino ang kanyang nobyo kaya scholar ito, dahilan upang nakakapag aral ito ngayon.

“Bago tayo ikasal, sisiguruhin kong mayroon na tayong magandang bahay. Para naman hindi nakakahiya sa misis ko,” masuyong sabi nito. Magkatabi sila ngayong nagre-review sa ilalim ng puno ng mangga, isang mahanging bahagi sa kanilang eskwelahan. Iyon ang paborito nilang tambayan.

“Kung anu-anong pinagsasabi mo, malayo pa naman iyon.” nakairap pero kinikilig na sabi niya, palagi kasing ganito ang lalaki. Nakakatuwa lang marinig na parte pala siya ng mga plano nito sa hinaharap.

“Syempre, nagpa-plano na. Masama bang mangarap? Happy anniversary,” sabi nito at hinalikan ang kanyang kamay. Nagulat na lamang si Mae nang biglang isuot nito doon ang isang silver na bracelet.

“Hala! Ang ganda! Ikaw talaga, ayos lang naman sa akin kahit walang regalo.. pero salamat,” nakangiting sabi niya, tinititigan ang bracelet na parang isinukat sa kanya. Totoo naman iyon, ayos lang naman talaga sa kanya kahit pa walang materyal na bagay. Ang respeto nito at katapatan sa kanya ay sapat na.

“Hindi pa yan tapos, sa isang linggo, kakain tayo sa labas.” sabi nito, inakbayan pa sya.

“Loko ka! Baka nauubos na ang baon mo kakalibre mo sa akin. Magkwentuhan nalang tayo tapos fishballs, okay na ako dun.” tanggi niya naman, nito kasing nakaraan ay palaging may dala ang kanyang nobyo na pagkain. Minsan cake, ice cream, pancit.

“Hindi ha. Hindi lang pwede ngayon kasi may exam tayo. Syempre iyon ang importante, pero pag tapos na ang mga exam, mag-date na tayo parang treat na rin natin sa sarili natin.” sabi nito na nakakibit-balikat pa, hindi na umimik pa si Mae.

Sumapit ang araw ng Sabado at wala silang pasok, niyaya si Mae ng kanyang ina na bumisita sa tita niya sa Cavite. Agad naman siyang pumayag dahil bukod sa namimiss niya na ang tiya, naroon rin si Jim! Ang natatandaan niya lamang ay ang barangay kung saan ito nakatira, madali na naman sigurong magtanung tanong. Hindi niya matanong mismo ang nobyo dahil makakahalata ito na pupunta sya, sorpresa nga eh.

“Ma, saglit lang ako. Sisilipin ko lang po si Jim,” paalam niya sa kanyang ina. Malaki naman ang tiwala ng ginang sa dalawang kabataan dahil alam ng mga ito ang limitasyon at magaganda pareho ang kanilang grado sa eskwela. Agad na sumakay ng tricycle si Mae papunta sa barangay nina Jim. Hindi pa man din nakakaliko ang sinasakyan niya ay parang namukhaan niya ang binatilyong nagpapadyak ng side car.

Hindi siya nagkakamali, si Jim nga! Pawis na pawis ito at babad sa init ng araw, kaya naman pala nitong nakaraan ay dumadaing itong masakit ang binti!

“Kuya, sundan mo nga po yang side car,” sabi niya sa tricycle driver, tumalima naman ito hanggang makarating sila sa tapat ng isang bahay. Marami pang nakapilang ibang side car doon. Dahan-dahan siyang bumaba sa tricycle at sinundan ang nobyo, ipinarada nito ang side car sa tapat mismo ng bahay. Maya-maya pa ay lumabas ang isang matabang ale at nakangiting sinalubong ang kanyang nobyo.

“Ate Telay, boundary ko po,” inabot ng nobyo ang pera mula sa bulsa nito.

“Aba ang daming kita ni Jim ngayon ah, may pang-date ka na! Ang swerte naman ng nobya mo,” sabi nito. Ngiti lang ang isinukli ni Jim dito, lumuluhang umalis si Mae sa lugar na iyon. Hindi na siya nagpakita pa sa nobyo dahil ayaw niyang mapahiya ito. Pagsapit ng lunes ay may dala-dalang siopao si Jim para sa kanya.

“Siopao para sa babe kong matakaw,” nakangiting sabi nito. Hinihimas pa ang mga binti.

Bigla namang umiyak si Mae, “Parang awa mo na, wag na tayong mag-date,” sabi ng babae, di niya alam kung aaminin nya ba sa nobyo o hindi na nakita niya itong nagsa-side car para lang may maibigay sa kanya.

“Huh?”

“Basta wag na tayong magde-date, ipunin mo nalang para may pera ka please. Masaya ako sayo kahit may date o wala, please.” sabi ni Mae, naguguluhan man ay napatango na lamang si Jim para di na umiyak pa ang nobya.

Mabilis lumipas ang mga taon, naka-graduate ang dalawa at nakakuha ng magandang trabaho. Dahil masipag at magaling ay agad na na-promote si Jim sa kanyang pinapasukan, ilang taon pa ang binilang nila bago pa niya naisipang alukin ng kasal ang nobya, nakaluhod siya sa harap nito at tinanong ang babae, “Pakasalan mo ako please?”

“Oo naman,” masayang sabi nito at niyakap pa siya. Walang pag aalinlangan si Mae, alam niyang si Jim ang tamang lalaki para sa kanya at napakasaya niya para rito.

Sana, lahat ay makahanap ng lalaking katulad ni Jim na handang maghirap mapaligaya lamang ang minamahal.

Advertisement